“Jimel, hindi mo ba nakikita ‘yung lababo? Punong-puno na naman ng mga pinggan! Baka gusto mo nang hugasan!” bulyaw ni Aling Resty sa kaniyang bunsong anak na naglalaro ng selpon sa kanilang kusina habang nanananghalian.
“Eh, mama naman, wala pang isang oras simula noong huling hugas ko ng pinggan! Baka pwedeng si ate naman ang maghugas!” reklamo ni Jimel saka mabilisang inubos ang kaniyang pagkain.
“Aba, umaangal ka pa? Natural maraming kumakain kaya nagkakaroon ng hugasin! Saka ate mo na naman ang nakita mo, nakita mong kakagaling lang no’n sa trabaho!” sermon pa ng kaniyang ina dahilan upang matayo na siya sa kinauupuan at imisin na ang mga plato.
“Buti pa kung may bayad ‘to, eh,” bulong niya sa sarili habang nakasimangot na tinitignan ang repleksyon niya sa tubig.
“Anong binubulong-bulong mo d’yan?” sambit ng kaniyang ina, hindi pa pala ito umaalis ng kusina dahilan upang bahagyang marinig ang pag-angal niya.
“Wala po! Sabi ko ang saya maghugas ng plato! Nakakagwapo!” pabirong palusot niya, pagkaalis ng kaniyang ina, doon na siya nagsimulang matawa sa kaniyang sinabi. Ngunit tila napansin niyang may grupo ng taong nakatingin sa kaniya sa kanilang bintana at tila niyayakag siyang lumabas, kaba ang una niyang naramdaman sa mga titig ng mga taong ‘yon.
Bunso sa tatlong magkakapatid si Jimel. Lahat sila’y pawang nagtatrabaho na at nakakatulong na sa kanilang pamilya. Kung wala naman silang pasok sa trabaho, napagdesisyunan nilang magkakapatid na tumulong sa negosyo ng kanilang ina na makakadagdag rin sa kita ng kanilang pamilya.
Ngunit tila natataon na tuwing walang pasok ang bunso, doon marami ang kumakain dahilan upang tambak na hugasin ang sumalubong sa kaniya tuwing papasok siya ng kusina. Hindi naman niya mapakiusapan ang panganay na kapatid na laging nasa bahay tuwing umaga dahil may trabaho ito tuwing gabi.
Kaya naman kahit lingid sa kaniyang kagustuhan, napipilitan siyang maghugas ng pinggan para lamang matigil na sa pagbubunga ang kaniyang ina.
Ngunit noong araw na ‘yon, tila may kakaibang naramdaman ang binata. Hindi niya alam kung bakit kabang-kaba siya sa titig ng mga tao sa labas ng kanilang karinderya. Sa isip-isip niya, baka may binabalak na masama ang mga ito sa kanilang karinderya. Kaya naman agad niyang kinuha ang pinakamatalas nilang kutsilyo at hinanda ang sarili sa anumang pwedeng mangyari. Dumoble pa ang kaniyang kaba ng biglang sumigaw ang kaniyang ina, “Jimel!”
Dali-dali siyang pumunta sa kainan at agad na hinila palikod ang kaniyang ina at tinutukan ng kutsilyo ang mga taong kanina lang ay nakatingin sa kaniya.
“Huwag kayong lalapit! Huwag kayong lalapit!” sigaw niya, bahagya namang nagsiatrasan ang mga ito at agad siyang inawat ng kaniyang ina.
“Ano ka ba namang bata ka?! Ibaba mo nga ‘yan! Gusto ka raw nila gawing modelo! Tama ka nga, nakakagwapo ang paghuhugas ng pinggan!” masiglang sagot nito saka kinuha ang hawak niyang kutsilyo at tinulak-tulak siya patungo sa grupo ng mga taong nakatitig sa kaniya kanina.
Hindi mawari ng lalaki ang gagawin. Hindi siya lubos makapaniwalang ang mga tao pa lang ‘yon ay walang binabalak na masama sa kanila kundi, nais lang pala siyang gawing modelo. Magkahalong saya at hiya ang kaniyang nararamdaman dahil sa kaniyang ginawa kanina.
Agad siyang humingi ng tawad sa mga ito, noong una’y takot na takot sa kaniya ang mga ito ngunit nang ikwento niya ng kaniyang panig, doon na nagsimulang magtawanan ang mga ito dahilan upang matuloy ang pagkuha sa kaniya bilang modelo. May kagwapuhan rin kasi siya, kaya hindi na makatanggi ang mga babaeng naghahanap ng modelo.
Doon na nagsimula ang pamamayagpag ng binata, ginawa siyang isang modelo ng dishwashing liquid na naglalayong makuha ang atensyon ng mga kabataan at mahumaling sila sa paghuhugas ng pinggan. Dahil naman sa kagwapuhan ng binata, agad na bumenta ang produkto kasabay ng kaniyang pagsikat.
Nagsimula na rin siyang pag-agawan ng iba pang mga produkto dahilan upang bitawan na niya ang kaniyang dating trabaho.
Dahil dito, mas lalong nakaipon ang kanilang pamilya na labis namang kinatuwa ng kaniyang ina. Ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin tumigil ang binata sa paghuhugas ng pinggan tuwing wala siyang trabaho. Sa katunayan nga, hindi na siya maawat kakahugas ng pinggan, ‘ika niya, “Ito ang naging dahilan ng pagsikat ko, kaya hinding-hindi ako magsasawang gawin ‘to!”
Minsan sa pinaka imposibleng paraan ka talaga dadalawin ng swerte, maging maingat ka, baka ang mga bagay na ayaw mong gawin ay siyang maging daan sa tagumpay mo.