“Ma, nasaan ba yung medyas ko?
“Ma, paplansta naman ng uniporme ko!
“Ma, paabot ng tuwalya!
“Ma, wala pa tayong sinaing, papasok na ako!
Ilan lamang ito sa mga katagang palaging sinasabi ng binatang si Yulexis tuwing umaga bago siya pumasok sa trabaho. Simula pa noong nag-aaral pa siya mapahanggang sa ngayong nagtatrabaho na siya, ito pa rin ang palagi niyang bungad sa ina.
Palagi naman naiinis sa kaniya ang kaniyang ina dahil nga nasa tamang edad na siya ngunit hindi pa rin siya makagalaw mag-isa. Kahit kasi ang panloob nito pinapalaba niya pa sa kaniyang ina.
Wala namang magawa ang kaniyang ina kundi pagsilbihan siya sa kadahilanang siya na ang nagpapakain sa kaniya. Ang dalawa niyang kapatid kasi ay pawang may sari-sarili ng pamilya.
Isang araw, maagang gumising ang kaniyang ina upang ihanda ang kaniyang mga gamit at pagkain. Pagkagising niya, tuwang-tuwa siya dahil nakahanda na ang lahat. Nakita niyang bumalik na ulit sa pagtulog ang kaniyang ina. Ngunit nang magbibihis na siya, wala sa kaniyang drawer ang kaniyang neck tie dahilan upang gising niya ang ina at itanong ito rito.
“Diyos ko naman, Yulexis! Puro ka ‘Mama!’ Wala ka bang mata? Hanapin mo naman! Paalala ko lang sa’yo, ha? Baka nakakalimutan mo, eh, hindi habambuhay nasa tabi mo ako. Paano na lang kung sumakabilang buhay na ako bukas? Sino hahanap ng nawawala mong gamit? Sino magluluto ng pagkain mo? Aba, simulan mo nang mag-aral!” sermon nito dahilan upang mapaisip ang binata ngunit nagmakaawa pa rin siya ditong hanapin ang nawawalang necktie dahil daw mahuhuli na siya sa trabaho. Buntong hininga naman itong tumayo sa kaniyang hinihigaan.
Maya-maya pa, nahanap na ng kaniyang ina ang nawawala niyang necktie. Agad niya itong kinabit sa kaniyang leeg saka nagmadaling umalis.
Katulad ng dati, madaling araw na nakauwi ang binata, sa Maynila pa kasi ito nagtatrabaho. Bumungad sa kaniya ang mga damit niyang nakasampay na marahil nilabhan na ng kaniyang ina. Pagbukas niya ng pintuan, labis siyang nagtaka kung bakit nakasara ang lahat ng ilaw, tila walang tao. Kaya naman agad niyang tinawag ang kaniyang ina, “Ma? Mama!” ngunit walang sumasagot. Nilibot niya ang buo nilang bahay ngunit hindi niya makita ang kaniyang ina.
Sinubukan niyang tawagan ang kaniyang mga kapatid ngunit hindi sumasagot ang mga ito. Ganon na lamang ang kaniyang pag-aalala. Nais niya mang hanapin ang kaniyang ina, hindi niya alam kung saan magsisimula. Dahil na rin sa pagod, nakatulog na ang binata sa tapat ng kanilang pintuan kakahintay.
Nagising na lamang siya sa sinag ng araw na tumama sa kaniyang mga mata. Pagtingin niya sa kaniyang orasan, isang oras na lamang bago ang kaniyang takdang oras nang pagpasok.
Labis na nagmadali ang binata sa pagkilos, agad siyang naligo ngunit katulad ng dati, nakalimutan niya na naman ang kaniyang tuwalya. Sisigaw sana siya upang ipakuha sa ina ang tuwalya nang maalala niyang wala nga pala ito.
Napaupo na lamang siya sa banyo at napagtantong tama nga ang kaniyang ina, marahil hindi habang-buhay nasa tabi niya ito. ‘Ika niya, “Siguro nagsawa na sa akin si mama.”
Ginamit niya ang maruming damit upang ipantabing sa kaniyang katawan. Malungkot siyang nagbihis at hinanap lahat ng kaniyang gamit.
“Kaya ko naman pala,” nakangiting sambit niya sa salamin habang pinagmamasdan ang sarili. Ngunit bakas pa rin sa kaniyang mukha ang kalungkutan dahil hindi man lang niya alam kung nasaan ang kaniyang ina. Doon na niyang naisip na tawagan muli ang kaniyang mga kapatid.
Ngunit kakahawak niya pa lamang ng selpon, agad na niyang naamoy na may nagluluto ng almusal sa kanilang kusina. Agad siyang tumakbo dito at ganoon na lamang bumuhos ang kaniyang luha nang makita ang kaniyang inang todo ang ngiti sa kaniya, “Kain na, anak!”
Mahigpit niya itong niyakap at labis na umiyak sa dibdib nito. “Akala ko, mama, nagsawa ka na sa akin. Pangako, pag-aaralan ko nang kumilos mag-isa huwag mo lang akong iwan,” hikbi niya, panay himas naman sa kaniyang likuran ang kaniyang ina.
Simula noon, ginawa nga ng binata ang kaniyang pangako. Kada umaga, sinisigurado niyang nakahanda na lahat ng kaniyang gamit bago pumasok sa banyo. Maaga rin siyang nagigising upang maghanda ng almusal nila ng kaniyang ina na labis namang ikinatuwa nito.
Umalis na rin siya sa trabaho niya sa Maynila dahil nga labis nitong kinakain ang oras at lakas niya sa biyahe pa lamang. Dahil dito, agad siyang humanap ng panibagong trabaho. Sa kabutihang palad naman, nakuha siya sa isang kumpanya hindi kalayuan sa kanilang bahay dahilan upang mapagtuuan niya ng pansin ang sarili at ang kaniyang ina.
Dalawang buwan lang ang nakalipas, kitang-kita na ang pagbabago ng binata. Wala ka nang maririnig na sigaw nito tuwing umaga at napalitan na ng, “Gising na, mama, kakain na tayo,” saka bubungad sa kaniyang ina ang masasarap na pagkain sa kanilang hapag-kainan.
Totoo namang hindi habambuhay nasa tabi natin ang ating mga magulang kaya sana ngayon pa lang, matuto tayong tumayo sa ating sariling mga paa upang hindi ganoon magsisi kapag wala na sila.