Mag-isa lamang sa buhay si Mang Jun, apatnapu’t limang taong gulang. Nakatira ito sa kanyang barung-barong sa ilalim ng tulay. Dahil sa kahirapan ay hanggang ikaanim na baitang lamang ang natapos ng ginoo sa kaniyang pag-aaral.
At dahil sa katayuan sa buhay ay pinili na lamang niyang h’wag nang mag-asawa pa. Tanging ang pangangalakal lamang ng bote at dyaryo ang ikinabubuhay ni Mang Jun. Tinitiis niya ang init at ulan araw-araw makapaghanap buhay lamang.
Isang araw, habang nagtutulak ng kanyang kariton ang ginoo ay isang guro ang tumawag sa kanya.
“Jun,” sambit ni Miss Castro, isang matandang guro mula sa eskwelahan sa kanilang lugar. “Nabalitaan mo na ba? Nag-aayos daw ang ilang mga kaklase mo noong elementarya para magkaroon ng isang reunion.”
“Nasabi na nga po sa akin ng kaklase kong si Emil nang magbenta ako ng kalakal sa junk shop niya kahapon,” tugon ni Mang Jun. “Pero wala naman po akong balak na pumunta doon. Nakita nyo naman ang katayuan ko. Wala akong maayos na damit na susuotin para sa reunion,” sambit pa ng ginoo.
“Sayang naman kung hindi ka makakapunta, Jun. Darating ang lahat ng mga dati mong kaklase. Baka pwede kang pahiramin ni Emil. Matalik mo naman siyang kaibigan,” suwestiyon ni Miss Castro.
“Sige ho, titingnan ko,” ito na lamang ang nasagot ng ginoo.
Tinuloy ni Mang Jun ang kaniyang pangangalakal. Binagtas niya ang isang kalye upang magbahay-bahay at makahanap ng kalakal.
Nang kumatok siya sa isang bahay upang humingi ng mga bote at dyaryo ay nagulat na lamang siya nang makita ang dati niyang kaklaseng si Mando. Isa ito sa mga kaklase niya noon na palaging nang-iinis sa kanya.
“Jun? Jun Dela Cruz? Ikaw ba ‘yan?” natatawang sambit ni Mando. “Aba, akalain mo nga naman. Ang liit ng mundo. Ayos din ‘yang trabaho mo, ah. Pwede ko bang malaman kung bakit ganyan lang naabot mo sa buhay?” pinipigilan nito ang pagngisi habang minamata ang ginoo.
“Alam mo namang hindi man lang ako nakatuntong ng hayskul,” nakayukong tugon ni Jun.
“Ay, oo nga pala. Noon pa man ay mahirap ka na. Kaya hindi nakakapagtaka na hanggang ngayon ay mahirap ka pa rin,” patuloy sa panlalait ang dating kaklase.
“Ah, saglit. Tatawagin ko ang mga kasambahay namin para maghanap ng pwedeng ibigay sa’yo na bote at draryo. H’wag kang aalis d’yan,” sambit ni Emil.
Lumipas ang ilang ilang minuto at wala pa ring lumalabas mula sa malaking bahay ngunit matiyagang naghintay pa rin si Mang Jun. Naiinis man siya sa tinuran ng dating kaklase ay nanghihinayang siya sa mga makukuha niyang kalakal.
Isang sandali pa ay lumabas na si Mando ng walang kadala-dala. “Pasensiya ka na, Jun. Sa laki ng bahay ko ay natagalan kami sa paghahanap. Kaso, wala kaming nakita,” wika nito.
Alam ni Jun na iniinis lamang siya ng ginoo. “Walang problema, sige at aalis na ako. Maraming salamat at pasensya na sa abala,” saad ni Mang Jun.
“Walang problema, Jun. Pumunta ka sa reunion ha. Hihintayin ka namin,” sambit ni Mando habang minamaneobra paalis ni Mang Jun ang kanyang kariton.
Nang makaalis si Jun ay dagling tinawagan ni Mando ang kanyang mga kaibigan at kinuwento ang kanyang mga ginawa sa kaawa-awang magbobote. Nagplano sila na gawing katatawanan si Jun sa araw ng reunion.
Bago dumilim ay nagtungo na si Mang Jun sa junk shop ng kanyang matalik na kaibigang si Emil at kinuwento niya ang nangyari.
“Pumunta ka na sa reunion, Jun. Ako na ang bahala sa susuotin mo. H’wag mo ng isipin ang lahat ng mga sinabi ni Mando. Alam mo namang mga bata pa lang tayo ay pinagtitripan ka na nyan pati ng mga kabarkada nya. Hayaan mo na lang sila. Hindi ka nila lubusang kilala,” wika ni Emil. Kahit na labag sa kalooban ni Jun ay sumama na rin siya kay Emil sa reunion.
Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat. Isa-isang nagdatingan sa kanilang dating paaralan ang mga dati nitong estudyante. Maging sina Mando at kanyang mga kaibigan ay naroon na rin at hinihintay ang pagdating ni Jun.
Nang dumating si Jun at Emil ay agad silang pinuntahan ng grupo ni Mando.
“Ayos ang suot mo, Jun ah! Ilang bote ang inipon mo para makabili ng polong ‘yan?” sambit ni Mando sabay tawa ng malakas.
“H-hiniram ko lang ang damit na ‘to kay Emil,” nahihiyang tugon ni Jun.
“Hindi nakakapagtaka kasi wala ka namang pambili nyan!” muling panghahamak ni Mando sa ginoo.
Dahil sa ginagawang ito ng grupo ni Mando ay hindi na nakapagpigil pa si Emil. “Alam mo Mando, hindi ka pa rin nagbabago. Mataas nga ang antas na narating mo sa buhay ngunit parang wala ka pa ring pinag-aralan sa ginagawa mo kay Jun!” mariing sambit ni Emil.
Bago pa man sila magkainitan ay pinaglayo na ang mga ito.
Ilang sandali ay nakahanda na ang lahat sa gagawing pagpaparangalan sa alumnus ng taon. Sigurado si Mando na siya ang gagawaran nito sapagkat malayo na ang kanyang narating sa buhay at siya ang pinakamayaman at naging pinakamaunlad sa kanilang lahat.
“Ang parangal na ito ay ibibigay ng aming pamunuan sa dating mag-aaral na nagpamalas ng tagumpay sa kanyang buhay. Walang iba kung hindi si Ginoong Jun Dela Cruz!” magiliw na sambit ng host.
Laking gulat ng lahat sa kanilang narinig sapagkat alam nila na isang magbobote lamang ang ginoo.
“Lingid po kasi sa kaalaman ng lahat dito ay malaki ang naiambag ni Mang Jun sa paaralang ito sa loob ng ilang taon. Kahit na po siya ay isang magbobote lamang ay hindi naging hadlang ito upang iabot ang kanyang tulong sa amin,” saad ng host.
“Kada buwan sa loob ng dalawampung taon ay nagbibigay siya ng tulong pinansyal dito sa paaralan. Maraming kabataan na rin ang kanyang natulungan. Isa rin siya sa mga taong nagpagawa ng bubungan ng court na ito. Hindi man siya nagtagumpay tulad ng karamihan sa inyo ay hindi ito naging hadlang upang magpatuloy siyang tumulong sa kapwa. Dahil d’yan, Mang Jun, ito ang aming pasasalamat sa inyo,” wika pa nito.
Ibinibigay ni Mang Jun ang kanyang ipon buwan-buwan sa paaralan upang makatulong sa mga batang nangangailangan. Para kasi sa kaniya, ayaw niyang matulad sa kaniya ang mga batang ito. Hindi man kalakihan ang perang iniaabot niya ay malaki na rin ang natutulong nito sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit masigasig ang ginoo sa pangangalakal araw-araw.
Nanliit si Mando sa narinig. Hindi niya inaasahan na ito pala ang tunay na pagkatao ni Jun. Napagtanto nya na mali ang kanyang gingawa sa ginoo. Minarapat niyang humingi ng pasensiya rito.
Laking tuwa ni Mang Jun na kahit paano ay may mapatunguhan ang kanyang mabuting layunin. Hinangaan si Mang Jun dahil sa kabutihan ng kanyang puso. Naging inspirasyon siya sa lahat na tumulong din sa kanilang paaralan sa kahit anong paraan.
Ito ay isang pagpapatunay na hindi hadlang ang iyong estado sa buhay sa pagnanais mong tumulong sa iba.