Tampo ni Lola
“Carmen, bakit dinala mo si lola sa sala? Hindi ba ang sabi ko sa iyo ay dito lang kayo sa kwarto mo habang may bisita ako? Nakakahiya sa kanila,” sambit ng nakakatandang kapatid ni Carmen na si Ate Leony.
“Kung anu-ano ang sinasabi ng matandang ‘yan sa mga kasamahan ko sa trabaho. Baka mamaya ay hindi na ako igalang ng mga ‘yon,” dagdag pa ng kanyang ate.
“Hindi naman namin alam, ate, na naroon kayo. Kung alam namin ay hindi kami pupunta doon. Pasensya na kayo,” saad ni Carmen.
Bunso sa tatlong magkakapatid si Carmen. Isang accountant si Leony na nagtatrabaho sa isang banko samantalang ang nakatatanda nilang kapatid Ferdie ay isang manager ng restawran. Pawang wala pang mga pamilya ang mga ito kaya hanggang ngayon ay magkakasama pa rin sila sa kanilang bahay.
Hindi nakatapos ng pag-aaral si Carmen. Madali kasi siyang sinukuan ng mga kapatid dahil laging bumabagsak sa klase. At dahil tumatanda na rin ang kanilang lola ay nagpasya na lamang sina Leony at Ferdie na paalagaan ang matanda sa kanilang bunsong kapatid.
Wala nang nagawa si Carmen. Batid niyang kapag hindi niya ito ginawa ay wala nang titingin sa kaniyang Lola Erlinda. Maluwag din niyang tinanggap ang tungkulin na ito sapagkat mahal na mahal niya ang matanda. Ito na kasi ang nagsilbing magulang nila noong sumakabilang buhay ang kanilang ama at ina dahil sa isang aksidente. Ngayong tumatanda ito ay gusto niyang ibalik sa matanda ang kalinga na natanggap nila noon habang lumalaki sila.
“Lola, umalis na po ang mga katrabaho ni ate. Pwede na po tayong pumunta sa sala. Naiinip na po ba kayo rito sa silid?” saad ni Carmen sa kaniyang lola.
“Pasensiya ka na, Carmen, kung napagalitan ka na naman ng ate mo dahil sa akin. Gusto ko lang ipakilala niya ako sa mga kasahaman niya kaya nag-aya ako sa’yo sa sala. Ano ba naman kasi ‘yung magbigay siya ng respeto sa akin? Habang tumatanda ang dalawang kapatid mo ay lalong lumalayo ang loob nila sa akin. Nakakalimutan na nila ang Lola Erlinda nila,” malungkot na sambit ng matanda.
“H’wag po kayong mag-alala. Wala ‘yun sa akin. Sanay na po ako,” natatawang tugon ni Carmen.
Kinabukasan, inabot na ng hatinggabi si Carmen sa paghihintay sa kanyang mga kapatid. Nais kasi niyang pag-usapan nila ang nalalapit na kaarawan ng kanilang lola. Nang dumating ang mga ito ay agad na ibinungad ito ng dalaga.
“Carmen, talagang naghintay ka pa riyan para lang sa ganiyan? Bilhan mo ng cake, magpaluto ka na lang ng pansit at bumili ka na lang ng letsong manok sa kanto. Kung pera ang kailangan mo, heto! Pagod na pagod kami tapos gusto mo pang mag-usap tayo,” sambit ng kanilang Kuya Ferdie sabay abot ng pera. Pagkatapos ay pumasok na ito sa kanyang silid.
“Ate Leony, baka pwedeng magliban muna kayo sa trabaho. Kaarawan ng lola. Hindi naman ‘yung handa ‘yung gusto kong pag-usapan natin kung hindi ‘yung iparamdam natin ang pagmamahal natin sa kanya,” sambit ni Carmen.
“Hindi ako pwedeng lumiban dahil lang sa kaarawan ng lola. Alam mong may hinahabol akong promotion, Carmen. Uuwi na lang kami ng maaga. Susubukan namin,” inis nitong saad sa kapatid.
Wala nang naitugon pa si Carmen. Inintindi na lamang niya ang mga kapatid sa pag-asang uuwi na lamang ang mga ito ng maaga.
Kinabukasan ay kaarawan na ni Lola Erlinda. Madaling araw pa lamang ay naghahanda na si Carmen para sa mga ihahanda. Ilang pinsan din ang tumulong sa kanya sa pag-aasikaso. Napakasaya naman ng matanda na makita ang ilan nilang kamag-anak na naroroon at nagsasalu-salo sa pananghalian.
Wala namang tigil sa paghahanap si Lola Erlinda sa dalawang nakatatandang kapatid ni Carmen. Sa pangungulit ng matanda ay napilitan na ang dalaga na tawagan ang mga ito. Nakailangang tawag si Carmen ngunit walang sumasagot sa mga ito. Makalipas ang isang oras ay muling sinubukan ng dalaga ang tumawag. Sa pagkakataong ito ay sumagot na si Leony.
“Bakit ka ba tawag nang tawag, Carmen?! Nasa meeting ako. Hindi ka ba makaramdam na hindi ako pwedeng abalahin ngayon?” naiinis na sambit ni Leony.
“Itatanong ko lang sana kasi kung anong oras ka uuwi. Wala pa rin kasi si kuya dito. Isa-isa nang nag-uuwian ang mga kamag-anak natin,” saad ni Carmen.
“Maya-maya ay pauwi na ako. Hintayin mo na lang ako d’yan… H’wag ka na ulit tatawag!” yamot ng kapatid sabay baba ng telepono.
“Ano ang sabi ng mga kapatid mo? Pauwi na raw ba sila? Gusto kong umihip ng kandila sa cake ko nang sama-sama tayo,” saad ni Lola Erlinda.
“Opo, pauwi na raw po, la,” pagsisinungaling ni Carmen.
Ngunit maghahating gabi na at nakatulog na ang matanda ay hindi pa rin dumarating ang magkapatid. Isang tawag muli kay Carmen ang natanggap ng mga ito.
“Pauwi na, Carmen. Pauwi na rin daw ang Ate Leony mo! D’yan na tayo magkita sa bahay! Ang kulit mo masyado,” sambi ni Ferdie.
“Kuya, sa ospital na tayo magkita. Nandito kami sa ambulansya. Si lola, hindi na humihinga!” natatarantang sambit ni Carmen.
Dali-daling nagtungo sa ospital sina Leony at Ferdie ngunit hindi na nila naabutang buhay pa ang matanda.
“Anong nangyari, Carmen? Bakit ganito?” sigaw ng kanyang Ate Leony.
“Nakatulog siya sa kanyang tumba-tumba habang naghihintay sa pag-uwi ninyo. Nang palilipatin ko na siya sa silid namin ay hindi na siya gumagalaw pa. Pagkatingin ko ay wala na siyang pulso kaya agad na akong tumawag ng ambulansya,” umiiyak na pahayag ng dalaga.
Nang makauwi sila upang iayos ang bahay sa paglalagakan ng kanilang lola ay nakita ni Carmen ang isang papel sa ilalim ng unan ng matanda.
Agad niya itong ipinakita sa kanyang mga kapatid ay sabay nila itong binasa.
Mga apo ko,
Napakabilis ng panahon at kayo ay nagsipag-lakihan na. Natatandaan ko pa noong mga musmos pa lamang kayo at kailangan pa ninyo ako. Kaya ngayon sa pagtanda ko, minsan ay hinihiling ko na sana ay magbalik ang mga araw na iyon. Matanda na ako at alam kong kakaunti na lamang ang nalalabing panahon ko sa mundo. Nais ko sanang gugulin ang mga nalalabi kong oras sa piling ninyo. Pasensiya na kayo sa akin. Pinipilit kong huwag maging pabigat at lubusang alagain sa inyo.
Pasensya na kung madalas ay makulitan kayo sa akin. Gusto ko lamang magkwento kayo ng tungkol sa araw ninyo tulad noong mga bata pa kayo na pag-uwi niyo sa eskwela ay sabay-sabay kayong nagkukwento ng mga nangyari. Madalas kasi ay dinadaan-daanan niyo na lang ako.
Maraming salamat, Carmen, sa hindi mo pag-iwan sa akin. Ang mga nalalabing oras ko sa mundong ito ay naging masaya dahil nariyan ka sa tabi ko. Ang bahay na ito ay iniwan ko sa iyo pati na rin ang pera ko sa banko. Gamitin mo ito para makapagsimula ka sa buhay. Maraming taon na rin kasi ang ibinigay mo sa akin. Gusto ko sa oras na mawala ako ay hindi ka maging kaawa-awa. Talagang inipon ko ang pera na iyon at inilaan ko para sa’yo.
Maraming salamat sa inyong magkakapatid. Naging masaya ang makabuluhan ang buhay ko nang dahil sa inyo.
Walang tigil sa pag-iyak ang tatlo sa kanilang nabasa. Lubusan naman ang pagsisisi nila Leony at Ferdie sa kanilang nagawa sa matanda. Napagtanto nila na tuluyan na nilang binalewala ang kanilang Lola Erlinda dahil sa katandaan nito. At sa mismong kaarawan pa nito ay hindi man lamang nila ito nabigyan ng kasiyahan kahit sa huling sandali ng kanyang buhay.
Lubusang panghihinayang ang naramdaman ng dalawang nakatatandang kapatid sapagkat hindi man lamang sila nakahingi ng tawad o kaya ay pasasalamat man lang sa kanilang Lola Erlinda na kumupkop at nag-aruga sa kanila.
Huwag nating hintayin ang panahon na pagsisihan pa natin ang mga bagay. Habang nariyan pa ang mga magulang at nag-alaga sa atin ay ipadama natin sa kanila ang ating pagmamahal sapagkat ito ang babaunin nila sa kanilang pagyao.