Hindi magkamayaw ang mga kapitbahay sa pagdungaw sa bahay nila Aling Mercedes. Umuwi kasi ang anak nitong si Alice mula sa Amerika. Tatlong taon na itong namamalagi doon at walang bukambibig ang pamilya nila sa pagiging matagumpay ng dalaga.
“Anak, ang dami mo namang balikbayan boxes!” malakas na wika ni aling Mercedes na tila pinaririnig talaga ito sa mga kapitbahay.
“Kulang pa nga ‘yan, ‘nay. Sa isang Linggo ay may darating pa po ulit,” sambit ni Alice sa ina.
“Hay nako, anak. Tiyak na naiinggit na naman ang mga kapitbahay natin nito ngayon. Magiging bida ako ulit sa mga usapan nila!” natatawang saad ng ginang. “Tara na at pumasok na tayo sa bahay. Gusto ko nang makita ang mga pasalubong mo sa akin, anak!”
Naging usap-usapan nga sa buong baryo ang pag-uwi ni Alice. May ilang mga kamag-anak nila ang nagsipuntahan upang makita ang dalaga.
“Kumusta ka na, Alice? Ang laki na ng pinagbago ng itsura mo. Talagang palang nakakaganda nga ang hangin sa Amerika!” kantiyaw ng isang tiyahin ng dalaga.
“Naku at nang-uto pa kayo. Siyempre, malaki ang sinasahod ng anak ko bilang isang manager sa Amerika. Kaya nakakaya niyang tustusan ang sarili nya. Mahal kaya roon ang mga ganung bagay,” saad ni Aling Mercedes. “Pasalubong lang naman ang habol niyo r’yan sa anak ko. Itong tag-iisang pabango, pwede na kayong umalis,” pagtataboy nito.
“Hindi naman pasalubong ang ipinunta namin dito, Ate Mercedes. Hindi ba pwedeng makita namin ang pamangkin namin?” wika ng isa pa niyang tiyahin.
“Huwag nyo na nga pong bilugin ang ulo ko, tiya. Ito na ho ang tig-isang libong piso. Hindi ba ito lang naman ang gusto ninyo,” sambit ni Alice.
“Nakakadismaya ang sinabi mo, Alice. Hindi ‘yan ang intensyon namin kung bakit kami naparito. Gusto ka lamang namin kamustahin. Sa inyo na ang mga pasalubong na iyan at ang pera mo. Akala mo ay kung sino ka,” sambit ng tiya sabay alis.
“Nakalasap lang ng konting ginhawa ay akala mo kung sino na. Ano ngayon kung manager siya sa Amerika? Ni hindi na niya tayo kayang galangin bilang mga tiyahin niya,” bulong ng ginang sa kanyang kapatid.
Parang laging piyesta sa bahay nila Aling Mercedes. Madalas mag video ang pamilya at maraming pagkain lagi ang nakahanda. Ngunit kahit isang kamag-anak man lamang nila ay wala silang iniimbita. Inilalayo kasi ni Aling Mercedes ang mga ito sa anak sa kadahilangang baka hingian ng mga ito si Carmen.
“Mercedes, laging madami ang ipinapamalengke mo ah? Iba na talaga kapag may anak na nasa Amerika,” sambit ng isang kumare ni Aling Mercedes.
“Siyempre, mare. Isang manager ang anak ko sa Amerika. Talagang gagastusan niya ang pag-uwi niya dito sa Pilipinas. Isang buwan lang naman siya dito at babalik na ulit sa ibang bansa. Kaya marapat nang sulitin namin,” pagmamayabang ng ginang.
Isang araw ay dumating muli ang mga pinakahihintay na balikbayan box ni Carmen. Habang tinatanggap ng dalaga ang kanyang mga pampasalubong mula sa ibang bansa ay kinatiyawan siya ng kaniyang ninang.
“Mercedes, baka naman may tsokolate ka man lamang na maibibigay sa akin? Paborito kasi ‘yon ng apo ko,” sambit ng ale. Ngunit tila walang narinig si Carmen kaya inulit ito muli ng ginang.
“Pabilhan po niyo ang apo niyo ng tsokolate sa mga magulang niya. Hindi ko po responsibilidad na bigyan ang apo ninyo,” pagdadamot ng dalaga.
“Nakapangibang bansa ka lamang ay lumaki na ‘yang ulo mo at nakuha mo pa akong bastusin. Pwede mo namang sabihin sa akin ng maayos na hindi ka makapagbibigay. Sana ay hindi matapos ang pag-angat mo upang hindi mo maranasan ang manghingi at bastusin,” saad ng ninang niya.
“Aba! Kasalanan ko ba kung hindi pa nakakatikim ng masarap na tsokolate ang apo mo?” tugon pa ng dalaga. Lubusang ikinainis ito ng matanda.
Makalipas ang isang buwan ay muling lumipad si Alice sa patungong Amerika. Kahit nakaalis na ang dalaga ay patuloy pa rin sa pagbubuhat ng bangko si Aling Mercedes sapagkat sa ika-tatlong pagkakataon ay palalakihan muli nila ang kanilang bahay.
Sa tuwing may nagdadaan na kapitbahay ay walang bukambibig ang ale kundi ang pagmamalaki sa katayuan ng anak.
“Iba talaga kasi kapag nasa Amerika ang anak mo. Kahit mahirap ang mabuhay doon, sa galing niya ay nakuha pa niyang maging isang manager. Ganoon siya kagaling. Kaya kita mo naman, mare, para akong donya!” pagmamayabang ni Aling Mercedes sa kanyang kumare.
Kinagabihan ay tumambad ang hindi inaasahan ng lahat. Nabalita kasi na isang bar daw sa amerika ang ni-raid ng mga pulis dahil sa talamak na bentahan ng dr*ga sa lugar. Hindi sinasadya na nahagip ng kamera ang isang pamilyar na mukha.
Hindi makapaniwala si Aling Mercedes na makita ang kanyang anak sa telebisyon. Malaswa ang suot nito at isa pa sa mga nakasuhan. Ayon sa balita ay isang babaeng bayaran si Alice. Kasali din ito sa grupo na nagbebenta ng dr*ga sa lugar. Ito ang makapagpaliwanag kung bakit ganoon na lamang kalaki ang kinikita ng dalaga.
Puro kahihiyan ang inabot ni Aling Mercedes sapagkat napanood ito ng lahat ng kapitbahay nila. Nabunyag sa lahat ang pinakatatagong lihim ni Alice. Muli silang naging sikat na pinag-uusapan sa kanilang lugar sapagkat ang pinagmamalaki niyang anak na isang manager sa Amerika ay gumagawa pala ng isang kababalaghan doon!
Mula noon ay hindi na makapagyabang ang pamilya ni Alice. Halos hindi na makalabas ng bahay ang mga ito dahil sa kahihiyan. Naging tampulan ng tukso simula ng mabunyag ang pinakatatagong lihim ng dalaga.
Samantala, nakulong naman si Alice sa sa ibang bansa dahil napatunayan ang kanyang pagkasangkot sa mga maling gawain.