Ang Pangarap Namin ni Tatay
“Anak, ipagtimpla mo naman ako ng kape.” Malambing ang boses ng kanyang ama nang makisuyo ito ng numero uno nitong ad*ksyon – ang kape.
Napasimangot na napaangat ng mukha si Michelle mula sa pakikipag-usap sa isang kliyente sa telepono. “’Tay, nagtatrabaho ho ako! ‘Wag niyo akong utusan!” asik niya sa ama.
Tila napapahiya namang napayuko si Mang Rodolfo. “Naku, anak, pasensiya na. Ikaw at ako lang kasi ang kasalukuyang narito sa bahay. May inasikaso raw saglit sa bayan ang nanay mo. Sige, anak, ipagpatuloy mo na lang ‘yang ginagawa mo.” May nakakaunawang ngiti sa mga labi nito. Maya-maya ay pinaandar nito ang wheelchair palayo sa kaniya.
Maglilimang taon nang ganito ang kanyang ama – baldado.
Naaksidente ito nang isang beses itong magmaneho nang lasing.
Simula noon ay siya na ang tumayong breadwinner ng pamilya. Sa edad na 29 ay wala na siyang ibang inatupag kundi ang maghanap ng pagkakakitaan upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya – ang pag-aaral ng kanyang mga nakababatang kapatid, at ang gamot ng kanyang ina at ama.
Unti-unti na siyang nawalan ng oras para sa sarili at sa kaniyang pangarap. At iyon ay dahil sa pagiging iresponsable ng magaling kong ama! Sigaw ng kanyang isipan.
Kaya naman hanggang ngayon ay masama ang loob niya sa ama. Kung naging mas responsable lamang sana ito ay baka mas masaya sana siya ngayon at hindi niya inaako ang mga responsibilidad na dapat sana ay para dito.
“Sige po, Mrs. Aguirre. Ide-deliver ko ang isandaang piraso ng scented candle na inorder niyo sa Sabado,” pagtatapos niya sa pag-uusap nila ng kaniyang kliyente.
Siya namang pagdating ng kanyang ina.
“’Nay, ipagtimpla mo nga ng kape si tatay! Madami akong ginagawa para gawin pa iyon para sa kanya!” matabang na salubong niya sa ina.
Napabuntong-hininga naman ang ina sa kanyang sinabi. “Anak, ‘wag ka naman sanang maging ganyan sa ama mo.”
Hindi niya na lang pinansin ang sinabi nito at umakyat na sa kanyang kwarto upang maghanda sa pagpasok sa trabaho.
Hindi niya naman pinangarap magtrabaho. Sa totoo lang, malapit na sana siyang makaipon para sa kapital ng kanyang pinapangarap na negosyo nang maaksidente ang kanyang ama. Wala silang mapagkukuhanan ng pera noon kaya naman wala siyang pagpipilian noon kundi ang gamitin ang pera niya.
At dahil kailangan niya ng pangtustos sa pamilya, naghanap din siya ng trabaho labag man sa kanyang kalooban. Sa ngayon ay isa na siyang accountant sa isang malaking bangko.
”Anak, tara na’t kumain.” Sumungaw ang ama mula sa pinto ng kanyang kwarto.
“Mamaya na ho siguro, may ginagawa pa ho ako,” hindi tumitingin ditong sagot niya.
“Sumabay ka na sa amin, anak,” marahang pilit ng kanyang ama.
Muli na namang nakaramdam ng inis si Michelle sa ama. “’Tay, wag ho kayong makulit! Magkaiba ho tayo. Kung wala kayong ginagawa, ako ho meron. Napakarami!” hindi nakapagprenong buwelta niya.
Tigagal ang kanyang ama sa pagsabog ng kaniyang emosyon. Bakas sa mga mata nito ang sakit dahil sa kanyang mga sinabi.
Samantala, agaran namang nagsisi si Michelle sa sinabi sa ama. Mas lalo siyang nakaramdam ng kurot sa kanyang konsensiya nang bagsak ang balikat ng ama na pinaandar ang wheelchair nito palayo sa kanyang silid.
Maya-maya ay lumabas din siya. Tahimik na kumakain ang lahat. Walang nagsasalita. Naunang matapos ang kanyang ama kaya naman nauna itong umalis ng hapag. Susunod sana siya ngunit naisarado na nito ang pinto ng silid bago pa siya makapagsalita.
Balisa si Michelle nang gabing iyon. Nang kumatok sa kaniyang kwarto ay dali dali niya itong pinagbuksan sa pag-aakalang ang kanyang ama ang kumakatok kaya naman bahagya siyang nadismaya nang ang kanyang ina ang kanyang nasilayan.
“Anak, usap tayo?” May tipid na ngiti sa mga labi nito.
Pinapasok niya ang kanyang ina. Nakita niya sa kamay nito ang dalawang photo album na bitbit nito.
Masaya ang kanilang pagbabalik-tanaw habang tinitingnan ang bawat larawan.
“Naaalala mo pa ba ito, Michelle?” Turo ng kanyang ina sa larawan nila ng kanyang ama kung saan tila maraming tao at maliwanag ang paligid na para bang may fiesta.
Umiling si Michelle.
“Isa itong bazaar sa bayan. Napakaraming magagandang damit, pang-dekorasyon, at kung ano ano pa ang ibinebenta dito noon. Nagulat na lang kami nang sinabi mo noon na ang gusto mo maging paglaki mo ay maging kagaya ng mga negosyante sa bazaar na ito, kasi nakakagawa sila ng mga cute at napaka-malikhaing mga bagay-bagay.”
“Dito na nagsimula ang pangarap mo maging negosyante, Michelle. Tandang tanda ko pa ang tatay mo noon. Tuwang-tuwa siya sa sinabi mo. Kaya naman lahat ng nagtitinda sa bazaar ay sinabihan ng tatay mo na ‘magiging negosyante din ang anak ko!’” natatawang balik tanaw pa ng kanyang ina.
Tahimik lamang si Michelle, tila pilit na inaaninag ang masayang nakaraan.
“At alam mo ang sinabi ng tatay mo noon?” maya-maya ay tanong ng kanyang ina.
“Ano, ‘nay?” interesadong tanong niya.
“Hinding-hindi niya raw hahadlangan ang pangarap mo. Kung ano raw ang pangarap mo, ‘yun din ang pangarap niya.” Tila may bikig sa lalamunan ng kanyang ina nang magsalita itong muli.
Nag-init ang sulok ng mga mata ni Michelle. Hindi malaman ang sasabihin.
“Hindi lang pangarap mo ang nasira dahil sa aksidente, anak. Ang pangarap din ng tatay mo. At gabi-gabi niya pa ring iniiiyak at pinagsisisihan ang nangyari.” Umiiyak na ang kanyang ina.
“Sana ay bigyan mo lang ng kahit na kaunting pang-unawa ang tatay mo, anak. Hindi din naman madali ang lahat para sa kanya. Hindi rin madali para sa kanya ang makita na inaako ng kaniyang panganay ang responsibilidad niya. At anak, ‘wag mo namang kalimutan na mabuting ama ang tatay mo simula noon hanggang ngayon,” pakiusap ng kanyang ina.
Tuluyan nang napaiyak si Michelle. Unti-unting napagtanto ang mga pagkukulang niya sa ama. Nagkamali siya.
Maya-maya pa ay may iniabot ito sa kanya. Isang passbook sa bangko na pinagtatrabahuhan niya.
“Ano ‘to, ‘nay?” takang tanong ni Michelle.
“Diyan namin inilagak ang pension ng tatay mo nitong nakaraang limang taon. Iyan talaga ang gusto mangyari ng tatay mo simula nang malaman niya na pera mo ang ginamit sa pagpapa-opera niya. Sapat na pera na iyan para maging kapital mo sa itatayo mong negosyo, anak,” nakangiting sabi ng kanyang ina.
“Tuparin mo na ang pangarap mo, anak.”
Walang patid ang pagluha ni Michele. Hindi dahil sa pangarap niyang maari nang natupad, kundi dahil sa laki ng pagkakamali na nagawa niya sa ama.
Kinabukasan ay maagang nagising si Michelle. Nagluto ng paboritong almusal ng kanyang ama – tapsilog.
Nang lumabas ang ama mula sa silid nito ay sinalubong ito ni Michelle ng matamis na ngiti.
“’Tay! Kape?”
Nakangiting tumango ang ama.
Sinuklian ito ni Michelle ng mas matamis na ngiti. Babawi siya sa ama. Pinapangako niya. Tutuparin niya ang pangarap nilang dalawa.