Stella, Ang Babaeng Ambisyosa
Hindi natitigil sa pag-uusap sa sosyal na paraan ang tatlong babae. Lahat ng lumalabas sa kanilang mga bibig ay tungkol sa bagong labas na sapatos o bag. O bagong damit. Sa katunayan, nasa isang sikat na luxury brand store sila ngayon upang mamili.
“Ikaw Stella? Kailan ka bibili? Baka gusto mong sumabay na sa amin papuntang New York?” tanong pa ni Ariella.
Ngumiwi siya ng palalim. Ngunit dahil likas na matalino ay pilit niyang sinasabayan ang mga kapritso ng tatlo.
“Sa susunod na lang! Medyo abala pa kasi ako, alam mo na? Ako ang magmamana ng negosyo namin!”
Tumango naman ang mga ito bilang pagsang-ayon. Nanlaki ang kanyang mata nang tumunog ang kanyang cellphone.
Mas mabilis pa sa alas-kwatro niyang pinatay ang tawag. Mabilis ang tibok ng kanyang puso.
Ngunit huli na ang lahat dahil dumugaw na si Jennica at nakita iyon.
“Sino si Nanay Clarita? Tunog mahirap! ‘Wag mong sabihin sakin na yun ang pangalan ng nanay mo!” tumawa sa pangungutya si Jennica.
Kinagat niya ang kanyang labi.
“Hindi! Ano ka ba?” May nginig sa kanyang marahang pagtawa.
“Kung ganon, sino ‘yun?” tanong nito at tumaas pa ang kilay. Katulad nito ay nakita niya rin ang kuryosong mata nila Ariella at Josephine. Hinihintay ang kanyang sagot.
“Katulong! Yaya! Alam mo na? Malapit kasi loob ko sa yaya ko. Kaya nanay ang tawag ko sa kanya,” taas noo niyang sagot dito.
Tumango ito sandali ngunit hindi nawala ang tingin sa kanya.
“Eh bakit ka tinatawagan?” Si Josephine naman ang nagtanong.
Nagkibit-balikat siya at pinanatiling kaswal ang boses.
“Ewan ko, baka may kailangan sakin? O baka hinahanap na ako nila mommy?”
Nang tigilan siya ng mga ito sa tanong ay natahimik na siya. Maya-maya ay nagpaalam na ang mga ito na pupunta sa mall. Niyaya siya ngunit tumanggi siya.
Nang makaalis ay dali-dali niyang tinawagan ang kanyang ina. Ilang minuto bago ito sumagot.
Hindi niya ito pinagsalita at galit na bumulyaw.
“Hindi ba sabi ko, ‘wag kayong tatawag sakin, ‘nay? Dapat ako ang unang tumawag! Napahiya tuloy ako!” iritado niyang sinabi.
“Stella!”
Hindi ito boses ng kanyang ina ngunit boses ni Nicki. Umiiyak ang kaibigan. Kinabahan siya bigla.
“Anong nangyari?” kinakabahang usisa niya sa kaibigan.
“Ang nanay mo! Pumunta ka rito sa ospital dali! Dito ko na sasabihin!” may pagmamadali sa boses nito.
Buong biyahe siyang tuliro. Abot langit ang kaba sa kanyang dibdib. Halos takbuhin niya ang daan papuntang ospital.
Nang makapasok ay nakita niya ang ina na nakaratay sa kama.
“Anong nangyari?” tanong niya kay Nicki.
Bahagyang nawala ang kanyang takot nang malaman na hindi ito binawian ng buhay. Nabangga ito ng isang kotse. Ito rin ang nagdala ng kaniyang nanay sa ospital.
“Kakausapin ka ng nakabangga, Stella. Para humingi ng tawad,” sambit ni Nicki at inginuso ang isang lalaki nasa kaniyang likod.
Nanlaki ang kanyang mata ng makilala ang mga ito. Ang papa ni Ariella!
“Hija? Ikaw ba ang anak ni Clarita Moreno?”
Alam niyang nakikilala siya nito. Tumango siya nang dahan-dahan. Nag-usap silang dalawa tungkol sa nangyari. Magbibigay raw ito ng pera para makatulong at bilang paraan ng paghingi ng tawad.
Maya-maya ay may isang babae ang humahangos na lumapit sa kanya. Kasunod ang dalawa pa.
Sina Ariella, Josephine at Jennica!
Nanlaki ang kanyang mata at binalak magtago ngunit huli na ang lahat.
“Bakit ka nandito, Stella?” tanong ni Ariella sa kanya.
“Siya ang anak ni Clarita. Yung nabangga ko, Ariella.” Naunahan siya ng ama nito.
“Mahirap ka lang? Kadiri! Ayaw kitang maging kaibigan!” Ngumiwi si Ariella pati na ang dalawa.
Nasaktan siya sa asta ng tatlo ngunit taas noo niyang binalingan ang mga dating kaibigan.
“Kung ayaw mo, e ‘di wag! ‘Di kita pipilitin! Totoong mahirap lang ako at patawad kung niloko ko kayo, pero natuto na ako. Mas mahalaga ang nanay ko para sa akin. Hindi kagaya niyo, puro damit at kaartehan lang. Kaya hindi na bale.”
“Walang gustong makipagkaibigan sa mga kagaya mo! Mahirap ka lang!” desperadong sigaw ng isa sa mga ito.
Tinalikuran niya ang tatlo na nakanganga. Kita niyang ngumiti sa kanya si Nicki at niyakap siya.
Niyakap niya ito pabalik. Mali sila, may kaibigan siya. Mahal siya kahit na hindi siya mayaman o kung ano pa man.
“Pasok na tayo sa loob? Hinihintay ka na ng nanay!” ngiti nito kaya tumango siya.
Sa nangyari ay natutunan niya na higit sa lahat, ang pamilya at tunay na kaibigan ang yaman na pinakamahalaga.