Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Gantimpala ng Pagtulong

Ang Tunay na Gantimpala ng Pagtulong

“Naku, anak, galingan mo sa interview!” excited na bilin kay Yna ng kanyang ina.

“Opo, ‘nay! Pagdasal niyo po na sana matanggap,” nakangiting hiling ni Yna sa kanyang ina.

“Aba’y oo naman, ‘nak! Kagabi pa ako nagdarasal para sa’yo,” sagot naman nito sa kaniya.

“Sige, ‘nay, alis na ho ako!” Nagmano lang siya at tuluyan nang lumabas ng pinto.

Nakahinga ng maluwang si Yna nang nakasakay siya sa bus ng saktong 6:30 ng umaga.

Alas otso ang interview, kaya makakarating ako ng mas maaga.

Natuwa pa siya nang mapansing mas magaan ang trapiko kaysa sa inakala niya kaya naman mas napanatag siya na makararating siya ng mas maaga.

Hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya. Nagising na lamang siya nang may maramdamang pilit na nagsusumiksik sa kanyang gilid. Paglingon niya ay isang dalagita ang gumigitgit sa kanyang gilid.

Minasdan niya ito. Bakas ang pag-alala sa mga mata nito habang pasulyap-sulyap sa lalaki na nasa likurang bahagi nito.

“Ayos ka lang ba?” mahinang tanong niya dahil tila balisa ito.

Naramdaman niya ang marahang paggalaw ng dalagita kaya naman napatingin siya sa likod nito at nagulat siya nang makitang may nakahawak na kamay sa baywang nito.

“Kilala mo ba yang nasa likod mo?” tanong niya sa dalagita.

Hindi ito sumagot ngunit marahas na napailing, tila humihingi ng saklolo.

“Manong!” Kinuha niya ang atensiyon ng lalaking nasa likod ng dalagita.

Nang magtama ay kanilang paningin ay binigyan niya ito ng nagbababalang tingin at sinabing, “Pakialis ho ninyo yang kamay niyo sa bewang ng babae sa harap niyo!” Malakas ang pagkakasabi niya, sapat upang marinig ng mga nasa paligid.

Napapahiya namang lumayo ang lalaki.

“Halika rito, ikaw na ang umupo at ako ang tatayo,” sabi niya sa bata.

Nanlaki ang mata ng bata. “Naku, ate, wag na po! Okay na po ako, salamat po!”

“Sigurado ka?”

“Opo, malapit na din po ang school ko, bababa na rin ako,” nakangiti na ito nang maluwang.

Kumaway pa ang bata sa kanya bago ito tuluyang bumaba. Kinawayan niya ito pabalik.

Makalipas ang kulang kulang isang oras ay narating niya na ang bus stop para sa kompanya na pupuntahan.

Nang makita na 7:10 pa lamang ay napagdesiyunan niyang maglakad kaysa sumakay ng jeep. Mabaga siyang naglalakad nang magulantang sa sigaw ng isang babae.

“Mandurukot!”

“Maya-maya pa ay isang lalaki ang tumatakbo papunta sa kanyang direksyon. May bitbit itong isang mamahaling pula na bag.

Agad niyang nahinuha na ito ang snatcher nang makita ang babaeng naka-heels na humahabol sa lalaki.

Bago pa man siya makapag-isip kung ano ang tamang gawin ay tila may isip na gumalaw ang kanyang paa upang patirin ang snatcher.

Bumagsak naman ito sa lupa, kasabay ng pulang bag na hindi nito pagmamay-ari.

Ngunit ang sumunod na pangyayari ang hindi niya inaasahan.

Mula sa pagkakadapa ay mabilis bumangon ang snatcher, luminga-linga upang tingnan kung sino ang pangahas na pumatid sa kanya. Napako ang tingin nito kay Michelle at sa postura ng paa nito.

Ngumisi ang lalaki at hinablot si Michelle bago may dinukot mula sa bulsa nito.

Patalim! Hintakot na sigaw ng isip ni Michelle. Mali ata na nakialam ako, naisip ni Michelle. Alangan namang hindi ako tumulong eh kaya ko naman? Bawi niya.

“Hindi naman sana ako mananakit, kaso nakialam ka, yan tuloy…” nakapangingilabot na bulong ng lalaki.

Nagsimula nang magsitindigan ang mga mga balahibo sa katawan ni Michelle. Dun niya napagtanto ang tindi ng panganib na kinasasangkutan.

“Diyos ko…” wala sa loob na naiusal niya, na ikinatawa ng lalaki.

Unti-unti nang naiipon ang tao sa paligid. May ibang nakikiusyoso lang, may ibang tila walang pakialam. Napadako ang tingin niya sa babaeng sinubukang tulungan kanina. Umiiyak na ito habang nakatingin sa kanila.

Matipid niya itong nginitian na tila sinasabing “Malalampasan ko ito.”

Napapitlag siya nang maramdaman ang paglandas ng malamig na talim ng kutsilyo sa kanyang leeg.

Ngunit bago pa may magawa ang lalaki sa kanya ay ginulantang na sila ng malakas na putok ng baril ng mga rumespondeng pulis. Sa gulat ay nabitiwan siya ng lalaki, kaya nakatakbo siya palayo.

Nakahinga siya ng maluwag. Agad siyang dinaluhan ng babaeng may-ari ng bag.

“Hija, nasaktan ka ba?”

Umiling lamang siya. Hindi pa siya makapagsalita sa sobrang pagkabigla sa nangyari.

Madaming itinanong ang mga pulis ukol sa nangyari. Nang matapos ang lahat ay nanlumo siya dahil 9:30 na ng umaga.

Paniguradong malulungkot si nanay, naisip niya.

Bago pa umuwi ay napagdesisyunan niya na dumaan sa kumpanya upang magpaliwanag man lang kung bakit hindi siya nakasipot sa interview.

“Miss, may interview ho sana ako…” pagsisimula niya.

“Ms. Saavedra?” kumpirma nito.

“Opo.”

“Naku maswerte ho kayo dahil late din ang interviewer, pwede na ho kayo pumasok sa loob,” nakangiting sabi nito.

Abot-abot ang pasasalamat niya sa babae.

Nang makapasok sa loob ay ganun na lamang ang gulat niya nang makita ang babaeng tinulungan niya kanina.

Mukhang nagulat din ito, hindi lamang ito nagpahalata. Nalaman niya na isa ito sa mga direktor sa kumpanya, si Mrs. Wilma Valdez.

Maayos na natapos ang interview.

Nilapitan siya ni Ms. Valdez upang muling magpasalamat.

“Naku, wala hong anuman. Nagkataon lang din po na ako ang nandoon, kung ibang tao ho iyon, ‘yun din naman ang gagawin nila,” may kiming ngiti sa kanyang mga labi.

“Maraming salamat. Gusto pa kitang kilalanin sa mga susunod na araw lalo pa’t magkasama tayo sa trabaho.”

“Po?” Namilog ang mata niya sa gulat.

“Oo, tanggap ka na,’” nakangiting kumpirma nito.

“Wag mo isipin na tinanggap kita dahil sa nangyari, Ms. Saavedra. Tinanggap kita dahil qualified ka para sa posisyon,” maikiling paliwanag nito.

“Maraming maraming salamat po!” labis labis ang pasasalamat niya, at paniguradong matutuwa ang kanyang ina.

“Pwede ba kita yayain mag-lunch? Bilang pasasalamat sa pagtulong mo sa akin?” Paanyaya nito.

“Naku, kahit ‘wag na po…” nahihiyang pagtanggi ni Michelle.

Ngunit sa huli ay napapayag din siya nito.

Nang makarating sila sa restaurant, isang pamilyar na dalagita ang nakita niya roon.

“Mama!” nakangititing sigaw nito sa kanyang boss na si Mrs. Valdez.

Mama?

Nang lumipat ang tingin nito sa kanya ay nanlaki ang mga mata nito. “Ate?”

Ito ang dalagitang tinulungan niya sa bus kanina.

“Magkakilala kayo?” takang tanong ni Mrs. Valdez.

Saglit na nagkwento ang dalagita, na nakilala niyang si Lauren, sa ina nito.

Tuwang-tuwa naman si Mrs. Valdez at muli ay abot abot ang pasasalamat sa kanya.

Masayang-masaya si Michelle. Totoo nga ang sinabi ng kanyang ina. Sa liit ng mundo, ang ginawa mo ay babalik at babalik sa iyo. Para kay Michelle, ang simpleng pagtulong ay nagbigay sa kanya ng napakagandang gantimpala – nakahanap siya ng mga bagong kaibigan.

Advertisement