Ilang linggo na lamang ay magsisimula na si Jonathan sa kaniyang unang trabaho. Kakagraduate lang nito ng kursong inhinyero at nakapasa na rin sa board exam. At dahil sa probinsiya nag-aral ay bago para kay Jonathan ang mamuhay sa Maynila.
Ngunit kahit nangangamba at nag-aalangan kung tama ba ang naging desisyon nito, nilalakasan na lamang ni Jonathan ang kaniyang loob dahil alam niya na malaking bagay ang pagtatrabaho niya sa Maynila upang mas mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang. Kahit na ang kaakibat nito ay ang pag-iwan sa mga ito sa probinsiya.
“Si Kuya Jonathan, magiging Manila Boy na!” biro ng isa sa kaniyang mga pinsan nang minsan ay magsama-sama sila.
“Sus! Baka kamo Promdi!” birong sagot din ni Jonathan.
“Promdi?” tanong ng pinsan niya.
“Promdi… Prom di(the) province!” tawang tawang sabi ni Jonathan.
Ngunit nakakubli sa masasayang tawa at ngiti ang lungkot. Hindi maintindihan ni Jonathan ang kaniyang nararamdaman. May kaakibat na lungkot ang saya at pagkasabik niya na makarating sa Maynila.
Hanggang sa sumapit ang huling linggo bago siya lumuwas pa-Maynila. Nagkaroon ng pagbabago sa kilos ni Jonathan. Madalas ay nagkukulong na lamang ito sa kwarto, hindi na masyadong pumapasyal sa mga kamag-anak sa kabilang mga bahay. At hindi na rin masyadong naglalambing sa kaniyang mga magulang.
Ilang beses itong inaanyayahan ng kaniyang mga pinsan na lumabas upang masulit ang huling linggo, ngunit hindi na ito sumasama at mas minamabuti na lamang nito na maiwan mag-isa sa kanilang bahay.
Ang pagbabago sa kilos ni Jonathan ay agad napansin ng kaniyang mga magulang, lalong-lalo na ang kaniyang ama. Batid nito na malalim ang iniisip nito tungkol sa nalalapit niya pagluwas sa Maynila. Kaya napagdesisyunan nitong kausapin ang anak.
Isang hapon, nasa may likod ng bahay si Jonathan. Tahimik itong nakaupo sa duyan habang tulalang nakatingin sa malawak na palayang sinasaka ng kaniyang ama. Randam nito ang bawat hampas ng hangin kasabay ang kaluskos ng mga puno. Mapayapa man ang paligid at ang gabi, magulong-magulo naman ang isip ni Jonathan.
Maya-maya ay biglang lumapit sa kaniya ang kaniyang ama at nag-abot ng isang bote ng alak.
“Oh, ‘nak, mukhang malalim ang iniisip mo ha,” bati ng ama ni Jonathan at umupo ito sa papag malapit sa duyan.
“Ayan ang Red Horse, bagay ‘yan sayo. Lakas at tapang,” pabirong sabi pa ng ama niya.
“Anak, napapansin ko na natutuliro at tahimik ka nitong mga nakaraang araw. Sabihin mo sa akin, anak. May bumabagabag ba sa iyo?” dagdag ng ama nito ngunit sa pagkakataong ito ay seryoso na ang tono ng pananalita nito.
“Ha? Wala po ‘tay. Pagod lang po ito,” matipid na sagot ni Jonathan dahil nahihiya itong magkwento sa ama.
“Hindi mo ako maloloko anak, kitang-kita ko sa mga mata mo na may bumabagabag sa ‘yo,” pagpupumilit ng kaniyang ama.
Maya-maya ay nagsimula na nga magkwento si Jonathan. Hindi na niya nagawa pang pigilan na kimkimin ang nararamdaman.
“Tay, natatakot po kasi ako. Sa tuwing naiisip ko na malapit na akong lumuwas ng Maynila ay tila tinatamaan ako ng kaba at takot. Lalo na at naiisip ko kaya ni inay. Sino na lamang ang mag-aalaga sa inyong dalawa sa oras na wala na ako rito?” panimula ni Jonathan.
“Anak, ‘wag mo kaming intindihin ng inay mo. Kaya namin ang mga sarili namin, bata-bata pa naman kami. At nandiyan naman ang mga kamag-anakan natin sa mga katabing bahay, kaya sigurado akong magiging ayos lang ang lahat. Kaya sarili mo lang ang isipin mo, dahil mag-isa ka na lang mamumuhay sa Maynila,” kalmadong sagot ng ama.
“Yun pa nga eh, papa. Natatakot ako. Paano kung delikado pala sa Maynila at mapahamak ako? Paano kung makasalamuha ako ng masasamang tao doon? Paano kung pumalpak ako sa trabaho, at hindi ko kayanin?” ani Jonathan na punong-puno ng pag-aalinlangan.
“Jonathan, anak… Alam ko na natatakot ka at nangangamba, pero kailangan mong lakasan ang loob mo,” wika ng ama.
“Alam mo ba kung saan ka pinaglihi ng nanay mo? Pinaglihi ka niya sa kawayan. Halos bawat sulok ng bahay natin ay gusto niya na may kawayan,” natatawang kwento ng ama nito.
“At kaya ko ikinukwento sa’yo ito, para malaman mo na tulad ng kawayan na pinaglihian ng ina, nais kong gawin mong halimabawa ang kawayan, anak,” patuloy na kwento ng ama.
“Nais kong maging kasing lakas at tatag ka rin nito. Tingnan mo mga kawayan na ‘yon, kahit anong lakas ng hangin na dumaan ang hindi ito nababali o napuputol. Maaring malambot ito kung titingnan pero kahit na saan man na direksyon ito hanginin, malakas man o hindi ang hangin ay nananatiling matatag ito,” pagsasalaysay ng ama ni Jonathan, habang si Jonathan naman ay seryosong nakikinig.
“Dapat ang ganoon rin tayo, anak. Kahit saan tayo dalhin ng buhay, maliit o malaking pagsubok man, mag-isa man tayo o magkasama, dapat lagi nating lalakasan ang loob at sarili natin. Maaring yumuko tayo, mapagod at magpatangay pero kailanman ay hindi tayo magpapabali or magpapatibag ha? Tandaan mo ‘yan anak,” pangaral ng kaniyang ama.
Nang mga sandaling iyon ay parang hinaplos ang puso ni Jonathan ng mga pangaral ng kaniyang ama. Para bang may magandang enerhiya siyang naramdaman dahil sa pagpapalakas ng loob na ginawa ng ama nito.
“Tay, lagi kayong mag-ingat dito ha? Kapag nagkaroon ng pagkakataon ay uuwi-uwi ako dito para mapasyalan kayo ni nanay,” sabi ni Jonathan sa ama, at sa pagkakataong ito ay nanumbalik ang lakas ng loob nito.
“Mag-iipon ako tatay, at kung makahanap ako ng magandang oportunidad dito sa atin ay babalik ako at dito na lamang magtatrabaho,” dagdag ni Jonathan na punong-puno ng pag-asa.
Ibinuhos ni Jonathan ang mag natitira nitong araw sa kaniyang pamilya at mga kamag-anak. At sa kaniyang pagluwas sa Maynila, baon-baon nito ang pangaral ng kaniyang na maging matatag sa buhay.