Inday TrendingInday Trending
Tatlong Buwan Lang Kaming Kasal

Tatlong Buwan Lang Kaming Kasal

Maagang inalok si Anne ng kaniyang nobyong si Noel ng kasal. Isang taon pa lamang silang magnobyo ay lakas loob na siyang tinanong ni Noel ng “Will you marry me?”

At dahil nang mga sandaling iyon ay inlove na inlove sila sa isa’t isa at sigurado, kaya’t hindi nagdalawang-isip si Anne na sumagot ng “oo” kay Noel.

Kahit na mag-fiance na ay hindi pa rin maiwasan ang pag-aaway at pagtatampuhan ng dalawa. Ilang beses nagkaroon ng pagkakataon at dahilan si Anne na hindi na ituloy ang kasal ngunit mas pinili pa rin niyang manatili sa piling ni Noel.

Bilang isang babae, isang espesyal na araw para kay Anne ang kaniyang kasal. Hangga’t kaya ay nais nitong maging maganda at talagang paghahandaan ang kasal. Taliwas naman ito sa kagustuhan ni Noel, mas nais kasi nito ang simple lang na kasal basta agad o mapabilis lang ang kanilang pag-iisang dibdib.

Noong una ay sumama ang loob ni Anne dahil ito ang nais ng kasintahan, lalo na nang maramdaman nito na hindi naman handa ang nobyo sa magiging gastusin sa kanilang kasal. Wala man lang itong ka-ipon-ipon. Pero dahil mahal ni Anne si Noel, inunawa na lamang niya ito. Lalo na at hindi naman ganoon karangya ang pamilya ni Noel.

Nauwi na lamang sa kompromiso ang lahat, masusunod pa rin ang kahilingan ni Anne na magandang kasal ngunit hati na sila ni Noel sa gagastusin. Magaling at maparaan naman si Anne, kaya halos gawang-kamay na lang ang ibang kailangan sa kasal para makatipid.

Matagumpay namang naidaos ang kasal ng dalawa kahit na may kaunting alitan mula sa pamilya ni Anne at ni Noel. Halos ang pamilya lang kasi ni Anne ang gumastos sa lahat. Pero kahit na maraming naririnig si Anne na masasamang komento tungkol kay Noel ay patuloy pa rin niya itong ipinagtatanggol.

At ngayon na mag-asawa na sila, nais sana ni Anne na tulungan si Noel na mag-ipon. Hindi lang para sa emergency kundi para na rin sa kanilang magiging pamilya sa hinaharap.

“Love, nag-open pala ako ng savings account natin sa bangko ha? Dineposit ko doon yung mga cash na niregalo sa atin nung kasal natin,” masayang kwento ni Anne kay Noel.

“Ayan, love, maganda ‘yan para makaipon tayo. Gusto rin makaipon para makapagpundar tayo ng sarili nating bahay,” nakangiting sagot ni Noel na sabik din sa planong pag-iipon nila ni Anne.

“Bale dalawa to, love. Isa para sa emergency funds, isa naman para sa future funds natin,” kwento pa ni Anne.

“Sa emergency funds mahal, basta kailanganin natin ng pera, pwede natin yun bawasan. Pero dito sa future funds, huwag na huwag natin ‘tong babawasan ha?” paliwanag ni Anne.

Agad naman na sumang-ayon si Noel sa plano ng asawa. Tuwing sahod nila ay naghuhulog ang mag-asawa ng kalahati ng kanilang sahod. Isang buwan lang nila nagawa ang planong ito. Nang makarating kasi ang ikalawang buwan, hindi na muling naghulog si Noel sa kanilang parehas na savings account. Minsan pa nga ay napapansin ni Anne na nababawasan bigla ang kanilang emergency funds, pero hindi na niya ito ginagawa pang isyu.

Minsan kapag tatanungin niya si Noel ay nagsusungit lang ito o magdadahilan na may kailangan lang bayaran bigla at wala kasi itong pera.

Pilit na inunawa ni Anne si Noel. Hanggang sa umabot na si Noel sa dulo ng kaniyang pasensiya. Nagulat na lamang si Anne nang biglang magbawas si Noel ng malaking halaga sa kanilang parehong acoount. Alam ni Anne na magdadahilan na naman sa kaniya si Noel, pero sa pagkakataon na ito ay tuluyan nang naubos ni Noel ang kaniyang pasensiya.

Pagkauwi ni Anne mula sa trabaho ay naabutan niya ang asawa na masarap ang hilata sa kama at nanunuod ng TV. Agad na nag-init ang ulo ni Anne at bigla na lang nitong binunot ang pagkakasaksak ng TV.

“Love? Nanunuod ako ng TV eh,” nagtatakang tanong no Noel.

“Huwag mo akong matawag-tawag na love, Noel. Bakit mo binawasan yung pera natin sa dalawa nating account?! Diba sinabi ko naman na ‘wag natin babawasan yung isang account, bakit binawasan mo?! Nangako ka pa nga sa’kin noong nag-usap tayo eh,” gigil na gigil sa isinisigaw ito ni Anne na halos mapatid na ugat nito sa leeg sa sobrang lakas.

“Love, love… kumalma ka muna…” nanginginig sa takot na sabi ni Noel.

“Anong kumalma? Paano ako kakalma? Akala mo maliit na bagay lang ‘yon at pwede basta na lang ayusin? Tiwala ko yung sinira mo, Noel,” patuloy na sigaw ni Anne.

“Love, sorry. Sasabihin ko naman sa’yo agad pagkarating mo, kaso bigla ka na lang nagsisigaw. May kinailangan lang akong bayaran, eh wala pa akong cash eh. Papalitan ko rin naman agad pagkasahod, tapos maghuhulog na rin ako ng ipon,” nanginginig na paliwanag ni Noel.

“Sorry, love. Patawarin mo ako,” nagmakaawang sabi ni Noel.

“Bakit hindi mo ako tinext o tinawagan man lang?! Paulit-ulit na lang ‘yang mga dahilan mo! Bakit hindi mo ba magagawan ng ibang paraan, pinatunayan mo lang sakin Noel na hindi mo kayang manindigan sa salita mo,” ani Anne na galit na galit pa rin. Sa pagkakataong ito ay tila binuhos na ni Anne ang lahat ng inis at galit na kaniyang pinigilan dahil mas nais niya unawain ang asawa noon.

“Dapat nakinig na lang ako sa kanila, totoo ngang hindi mo pa kayang magmature, Noel. Hindi ka pa handang magkapamilya!” patuloy na sigaw ni Anne.

Kahit alam niyang masasaktan si Anne, ninais na nitong ilabas lahat ng sakit na kaniyang pilit na ikinubli.

Nang mga sandaling iyon, tila naliwanagan si Anne kung tama ba o mali ang kaniyang naging desisyon na pakasalan si Noel. Dumagdag pa ang mga sumunod na mangyari. Nalaman nito na wala pa lang binayaran si Noel na importante. Lumabas lamang pala ito kasama ang mga kaibigan ay sinagot ang lahat ng mga gastos sa pinuntahan bar. Nanlumo si Anne nang malaman ang katotohanan.

Alam na nito ang dapat niyang gawin. Pinaabot pa ni Anne ang ikatlong buwan, ngunit natapos ito na hindi na tuluyang binalik ni Noel ang pera. Bakas din sa mukha nito na wala siyang pakialam sa nangyari at sa naging galit ni Anne.

Kaya isang gabi, nagpasya na ni misis na tuluyang iwan si Noel. Nag-iwan na lamang ito ng liham.

“Alam kong hindi magiging madali ang paghihiwalay na ito, pero ito na ang dapat kong gawin. Ayusin mo ang buhay mo, Noel. Maging lalaki ka, hindi ka na binata. Huwag kang mag-aaya ng kasal kung ‘di ka handa at sigurado, lalo na kung sarili mo mismo hindi ka sigurado kung saan mo daldalhin. Handa akong magproseso at gumastos para sa annulment, itigil na natin ito. I deserve someone better, goodbye,” sulat sa liham na iniwan ni Anne sa sala ng kanilang apartment.

Sinara na ni Anne ang mga accounts nilang dalawa at pinutol na ang anumang komunikasyon kay Noel. Agad din nitong sinimulan ang pagproseso sa annulment nila ni Noel.

Kahit na mahirap para kay Anne na iwan ang minahal niyang si Noel, alam ni Anne na hindi ganoong lalaki ang nakatadhana para sa kaniya. Lalo na hanggang ngayon, kahit na annulled na sila ay ganoon pa rin ang ugali ni Noel at hindi pa rin ito nagbabago.

Wala ni katiting na pagsisisi si Anne sa kaniyang naging desisyon. Ipinangako na lamang niya sa kaniyang sarili na kikilalanin muna ng mabuti ang susunod na lalaking bibihag sa kaniyang puso nang sa gayon ay maiwasan ang mga problemang kagaya ng hinarap niya sa piling ni Noel.

Advertisement