Inday TrendingInday Trending
Nakaw na Kuryente

Nakaw na Kuryente

Gulat na gulat si Helen nang mabasa ang bill ng kuryente na kakaabot pa lamang sa kaniya ng mensahero.

“Naku! Bakit naman ganito?! Ang taas ng kuryente ko?!” sigaw ni Helen habang papasok sa kanilang bahay.

Agad namang napabangon sa pagkakahiga si Rob nang marinig ang pagsigaw ng asawa.

“Bakit ba sumisigaw ka riyan? Para kang nanganganak sa ingay mo eh,” pagtatanong ni Rob sa asawa.

“Huwag mo nga akong pinagbibiro ng ganiyan. Ikaw ‘tong tanghali na kung gumising! Nagawa ko na lahat ng gawaing bahay, nakahilata ka pa rin sa kama!” naiinis na sabi Helen sa asawa.

Sumama ang umaga nito nang makita ang presyo ng kanilang bill sa kuryente na umabot ng tatlong libo. Kadalasan kasi ay naglalaro lamang ng isa hanggang isang libong at limangdaan ang nagiging bill nila. Ngunit ngayong buwan na ito ay dumoble ang kanilang babayaran.

“Oh, sa akin mo na naman ibubuhos ‘yang inis mo. Ano ba kasi ang nangyari at mainit ang ulo mo?” pagtatanong ni Rob sa asawa.

“Paano ba naman, tingnan mo ‘tong bill natin ngayon at itong mga bill natin nung mga nakaraan buwan! Dumoble ang halaga! Wala naman tayong aircon! Hindi na nga ako nagplaplantsa! Hindi naman ako palanuod ng TV at ang mga anak mo!” nanggigil na sagot ni Helen sa asawa.

At kahit naisin man nilang paimbestigan ang biglang pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente, mas minabuti na lamang nila na bayaran ito at mas magtipid sa paggamit nito. Inisip na lamang ni Helen na baka tumaas talagaang presyo ng kuryente ngayong buwan.

Mas naghigpit tuloy ito sa kaniyang pamilya sa paggamit sa kuryente sa bahay. Tuwing sabado at linggo ay nasa terrace lamang ang anak niya, upang hindi kailanganin mag-ilaw at electric fan. Ang ref naman ay tuwing gabi na lamang nila isinaksaksak. Bawal na rin mag-iwan ng nakacharge na cellphone.

Todo tipid ang ginawa ni Helen sa kaniyang pamilya upang mabawas-bawasan ang kanilang bayarin. Ngunit matapos na naman ang isang buwan at nang matanggap na naman niya ang bill, mas lalo itong napatalon sa gulat dahil nanatili pa rin sa tatlong libo ang kaniyang bill at nadadagdagan pa ng tatlong daan.

“Jusko, Rob, hindi ko na maintindihan! Bakit naman ganito? Sobra na tayong nagtipid sa kuryente, tapos mas lalo pang lumaki ang bill natin?!” inis na inis sabi ni Helen.

Agad-agad tuloy na nagtungo ang mag-asawa sa Meralco upang ireklamo ang biglang pagtaas ng kanilang bayarin.

Nang makarating sa Meralco, nagtiyagang pumila ang mag-asawa para lamang maaksyunan ang kanilang hinanaing. Ayon sa kanilang nakausap, hindi nagtaas ng singil si Meralco nitong mga nakaraang buwan. Base sa kanilang pagoobserba, tumaas ang konsuma nila Helen sa kuryente. Mula sa dating nakokonsumo nila ay dumoble pa ang bilang nito dahilan ng pagdoble ng kanilang bayarin.

Pilit na ipinaliwanag naman ni Helen sa nakausap na labis na ang ginawa nilang pagtitipid ngunit tila hindi nagbabago ang konsumo nila. Dito na nagduda ang tauhan ng Meralco at pinayuhan sila na baka may nagjujumper sa kuryente nila.

Sinabihan ang mag-asawa na magsasagawa ang Meralco ng imbestigasyon sa kanilang lugar upang malalaman kung sino ang nagjujumper sa kuryente nila.

Talamak na kasi ang mga nagnanakaw sa kuryente at nakikikabit na lamang upang makalibre sa kuryente. Napupunta tuloy ang kunsumo nila sa mga tunay na may ari ng kuryente kaya nadadagdagan ang mga bayarin ng mga ito.

Dito na nagtaka ang mag-asawa dahil ni minsan ay hindi sumagi sa kanilang isipan na may nagnanakaw na pala ng kanilang kuryente. Inabisuhan ng mag-asawa ang Meralco, na aabot nang isang linggo ang kanilang pag-iimbestiga. Pumayag naman sila at tumuloy na sa pag-uwi.

Nang makauwi, hindi mapakali si Rob at may nais itong gawin. Gusto na niyang malaman kung sino ang lokong nagnanakaw at nakikikabit sa kanilang kuryente. Kaya dali-dali itong nagpunta sa kanilang circuit breaker at isinara niya ito.

“Ay! Brownout!” sigaw ni Helen.

“Hindi. May plano lang ako. Kung totoo ngang may nakikikabit sa atin, pagwala tayong kuryente, wala rin sila. Katulad niyan, gabi na at lahat ay may ilaw. Tayo lang ang wala, kung sino ang brownout na bahay sa paligid natin maari sila ang nagnanakaw ng kuryente sa atin,” paliwanag ni Rob sa asawa.

“Samahan mo akong mag-ikot sa paligid ng ating lugar, obserbahan mo kung sino ang walang kuryente,” sabi ni Rob kay Helen.

Sabay na nag-ikot ang mag-asawa, at ‘di pa nakakalayo, nang marating nila ang likod ng kanilang bahay, nakita nila ang isang bahay na wala ring kuryente. Tahimik na nagmatiyag ang mag-asawa.

“Dito ka lang, uuwi lang ako sa bahay. Bubuksan ko ang kuryente, pagkailaw bumilang ka ng 10 segundo, at isasara ko ito ulit, tignan mo kung sasabay ang ilaw sa bahay na ito,” bilin ni Rob sa asawa.

At maya-maya nga habang nagmamasid si Helen, nakita niyang nagbukas ang mga ilaw dito at matapos ang 10 segundo ay nawala rin ang ilaw.

Binalikan ni Rob ang asawa, at kinumpirma nga ni Helen na sumindi at nawala muli ang kuryente ng pinaghihinalaan na bahay.

Nag-init ang ulo ni Helen nang matuklasan kung sino ang nagnanakaw sa kanilang kuryente. Nais na sana niya itong sugurin ngunit pinigilan lamang ito ni Rob.

Kinabukasan ay nagpunta ang mag-asawa sa Meralco, at sinamahan sila ng isa sa mga staff dito. Agad silang nagtungo sa barangay upang magpasama at ireklamo ang kapitbahay na dalawang buwan ng nagnanakaw na kuryente sa kanila.

Nagtungo ang mga ito sa bahay ng inirereklamo, at hindi rin naman itinanggi ng may-ari ng bahay ang nagawang kasalanan. Aniya ay sadyang matindi lamang ang kanilang pangangailangan lalo na at anim ang binubuhay niya anak. Isa pa sa mga anak niya ay kailangan ng kuryente para sa nebulizer.

Nais man nilang mag-apply ng kuryente ngunit nahihirapan sila dahil dati silang may utang dito, nakatira pa lang sila sa kanilang lumang bahay. Ikinwento ng may-ari ng bahay ang dahilan kung bakit nila ito nagawa.

At dahil likas naman na mabuti ang kalooban ng mag-asawang Rob at Helen, ipinablotter na lamang nila ito. Hindi na rin nila pinabayaran ang mga nakonsumo ng mga ito sa kuryente, tutal nabayaran naman na nila ito sa Meralco.

Naawa rin sila sa kalagayan ng pamilya na ito kaya nagkasundo na lamang ang mag-asawa at ang pamilya ng may-ari na uupa na lamang ng kuryente ang mga ito.

Pinagawan ni Rob ng submeter ang kuryente ng kapitbahay para nasusukat nila ito. Naging responsable naman ang kapitbahay nila na magbayad buwan-buwan sa kanilang konsumo.

Advertisement