Inday TrendingInday Trending
Iniibig Ko Ang Sikat Na Salamangkero

Iniibig Ko Ang Sikat Na Salamangkero

Sikat na salamangkero si Jose sa bayan nila. Hinahangaan ito ng lahat dahil sa taglay nitong galing. Kahit sinong babae ay napapa-ibig ng lalaki kapag nagsimula na itong maghayag ng salamangka. Nagtitilian ang mga dalaga sa bayan nila kapag dumadaan sa harapan ng mga ito ang lalaki, bukod kasi sa may talento na ito’y taglay rin ng lalaki ang magandang pagmumukha. Kaya hindi kataka-takang marami ang nabibihag rito at isa si Hanna sa mga babaeng iyon.

“Magandang tanghali sa’yo, binibini. Ano ang maipaglilingkod ko?” masiglang wika ni Joseph sa kaniya habang may nakakaakit na ngiti manipis nitong labi.

“M-magandang tanghali naman sa’yo ginoo,” nauutal na ganting wika ni Hanna. Malakas ang kalabog ng puso ni Hanna at nabibingi siya sa sariling tibok nito. Kinakabahan siya at nanlalamig dahil sa presensya ng lalaki. “Maaari ka ba naming imbitahan sa darating na kaarawan ng aking ama? Nais ko’y ikaw ay magtanghal at magpakitang gilas sa lahat ng aming bisita gamit ang iyong salamangka,” magalang na pakiusap ni Hanna sa lalaki.

“Oo naman! Isang karangalan kong maituturing ang imbitasyon sa’kin ng anak ni Mayor Leon. Walang problema, basta ikaw Binibining Hanna,” walang pagdadalawang-isip na wika ni Jose.

Nang sumapit ang kaarawan ni Mayor Leon ay nagpunta nga si Jose at gaya ng napag-usapan ay magiliw itong nagtanghal sa harapan ng manunuod gamit ang talento nito.

“Binibining Hanna, maari ba kitang isayaw?” maginoong pakiusap ni Jose sa dalaga.

Walang patumpik-tumpik naman na tumango si Hanna sabay abot sa nakalahad na kamay ni Jose. Masayang-masaya si Hanna sa mga oras na iyon. Alam niyang iyon ang una at ang huling beses na makakaramdamam siya ng labis na kaligayahan sa piling ng salamangkerong si Jose. Ngunit ang akala ni Hanna na huling beses ay nasundan ng marami pang pagtatagpo. Sinusundo siya ni Jose ng hating gabi at tumatakas silang dalawa. Mas lalong nagkalapit ang loob ni Jose at Hanna. Iniinibig nila ang isa’t-isa. Hanggang isang gabi ng sila ay magkasama sa kanilang tagpuan.

“Jose, buntis ako. Hindi ko pa alam kung ilang buwan na. Pero ano ang gagawin natin Jose?” natatakot na wika ni Hanna sa nobyo.

“Hindi ka dapat malungkot Hanna, biyaya galing sa langit ang isang sanggol. Makakahanap din tayo ng paraan,” sagot ni Jose sabay haplos ng mukha ni Hanna.

Dahil sa labis na pagmamahal niya kay Jose ay nagawa ni Hanna ang sumuway sa kaniyang mga magulang at ito na nga ang naging resulta. Ang wala sa planong pagbubuntis. Ngunit totoo ngang walang usok ang kayang itago dahil nakarating iyon sa ama bago pa man nila naamin ni Jose rito ang totoo.

“Hindi ka ba nag-iisip, Hanna?!” galit na singhal ni Leon sa anak. “Kay rami ng binata sa mundo. Bakit sa salamangkero pang iyon?! Wala siyang mabuting maidudulot sa’yo. Hindi kayo nababagay at hindi ka niya kayang bigyan ng magandang buhay. Ano ang mapapala mo sa isang salamangkero?! Anong ipapakain ng ungas na iyon sa’yo at sa magiging anak niyo? Ang kaniyang salamangka!” muling singhal ng ama.

“Pero mahal na mahal namin ni Jose ang isa’t-isa, papa,” humihikbing wika ni Hanna.

“Anong maipapakain ng pagmamahal na iyan, Hanna? Kaya ba niyang bumili ng karne sa palengke? Kaya ba ng pagmamahal na iyan ang bigyan kayo ng magiging apo ko ng magandang buhay? Inilihim niyo pa ito sa’kin! Kung totoong mahal ka ng salamangkerong iyon dapat ay noon pa man, nagpakalalaki na siyang humarap sa’min ng iyong mama,” galit pa ring wika ni Leon.

Kinagabihan ay muling nagkita si Jose at Hanna.

“Nalaman na ni papa ang lahat, Jose. Ang sabi niya’y humarap ka raw sa kanila at magpakalalaki,” wika ni Hanna sa nobyo.

“Ano ang gagawin sa’kin ng iyong ama?” halata sa boses nito ang kaba.

“Wala. Nais ka lang niyang makausap. Hindi ba’t mas maigi iyon? Patunayan mo sa kanilang mali sila ng iniisip Jose, kaya mo kaming buhayin ng magiging anak natin ‘di ba? Hindi ko hangad ang magarang buhay. Kahit simple lang ay sapat na sa’kin basta kasama ko kayo ng magiging anak natin Jose,” sambit ni Hanna.

“O-oo naman Hanna, bubuhayin ko kayo ng magiging anak natin,” wika ni Jose sabay hapit sa kaniya upang yakapin siya ng mahigpit.

Kinabukasan ay inaasahan ng pamilya niya ang pagbisita ni Jose. Ang usapan nila ay darating ito ng alas-dose ng tanghali at sa bahay na nila manananghalian ang lalaki. Ngunit alas-dos na ay wala pa rin ito.

“Kanina pa lumipas ang alas-dose Hanna, nasaan na ba ang magaling mong nobyo?” naiinis na wika ni Leon. “Paano niya kayo mapapanindigan kung ngayon pa lang ay pinatunayan na niyang wala siyang isang salita,” dugtong pa ng ama.

Kinagabihan ay mag-isa siyang pumunta sa kubong lagi nilang tinatambayan ni Jose, ngunit wala rin ang lalaki doon. Tinakasan na ba nito ang obligasyon sa kaniya? Mangiyak-ngiyak na napaupo siya sa upuang kahoy ng kubo ng may masagi ang kamay na nakatuping papel sa gilid at pinatungan ng malaking bato upang hindi tangayin ng hangin.

Para sa mahal kong si Hanna,

Patawarin mo ako kung hindi ko nagawang sumipot sa usapan natin kagabi. Natakot ako at naguguluhan. Hindi pa ako handa sa isang mabigat na obligasyon, hindi ko rin kayang mangako kung maibibigay ko ba sa inyo ang buhay na dapat ay para sa inyo. Patawarin mo ang aking pagkaduwag mahal kong Hanna. Paalam.

Jose

Matapos basahin ang nilalaman ng liham ay wala sa loob na napahagulhol ng iyak si Hanna. Paanong nagawa ni Jose ang iwanan siya. Umasa siya sa mga ipinangako nito. Hindi niya hinahangad na bigyan siya nito ng isang magarang buhay. Simple lamang ang hinihingi niya basta kasama niya ito. Paano na siya ngayon?

Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon na nga ang araw ng kaniyang kapanganakan. Mahirap ngunit kakayanin niya. Ito na lamang ang tanging alaalang meron siya kay Jose. Matapos ang mahabang paghihirap ay lumabas ang lalaking sanggol na nagpapawi sa lahat ng paghihirap na kaniyang tinamasa sa loob ng ilang buwan.

“Palalakihin kita anak kahit tayong dalawa na lamang dahil iniwan tayo ng iyong ama. Umibig ako ng isang salamangkero kaya heto ang kinahinatnan ko ngayon. Animo’y isa ring salamangka ang iyong ama na si Jose, bigla siyang dumating sa buhay ko at ginulo ito. Kagaya ng salamangka ay hindi ito nagtagal sa buhay ko. Pero ikaw alam kong makakasama kita ng matagal anak,” kausap niya sa sanggol na kaniyang karga-karga.

Mula noong umalis si Jose sa bayan nila ay hindi na ito muling bumalik pa. Kung nasaan man ito’y hangad pa rin ni Hanna ang mabuti para sa lalaki. Sana ay masaya ito sa naging desisyon dahil kahit papaano’y masaya si Hanna ngayon kasama ang kanilang anak.

Isang malaking leksyon sa buhay ni Hanna si Jose. Napatunayan niyang hindi lahat ng sinasabi ng ating puso ay tama. Huwag magpabulag sa pag-ibig. Naging suwail siya dahil kay Jose, ngunit sa huli ay iniwan siya nitong mag-isa. Mabuti na lang at hindi siya tinalikuran ng pamilya niyang minsan na niyang tinalikuran dahil sa labis na pagmamahal sa sikat na salamangkero.

Advertisement