Inday TrendingInday Trending
Ang Boypren Kong Mahina ang Kokote

Ang Boypren Kong Mahina ang Kokote

Simula pa lang nang ipinakilala ni Sanya ang boyfriend niyang si Kiko sa mga magulang ay mariin nang inayawan ng mga ito ang lalaki. Kesyo mahina raw ang utak nito at walang maibuga sa lipunan. Hindi katulad sa kanilang hindi natatanggal sa pwesto ng mga cum laude sa eskwela.

“Tumuloy ka muna sa bahay, Kiko. Basang-basa ka ng ulan kasi mas itinapat mo sa’kin ang payong. Magpahinga ka na muna sa bahay at magpalit ng damit. Ipapahiram ko sa’yo ang damit ni kuya,” nag-aalalang wika ni Sanya sa nobyo.

“Naku! Ayos lang ako, Sanya. Uuwi na rin ako kasi hatinggabi na. Baka kasi kung ano na naman ang isipin ng pamilya mo kapag nakita nilang kasama mo pa ako hanggang ngayon. Baka mapagalitan ka na naman nila,” nakangiting wika ni Kiko, ngunit halata sa boses nito ang lungkot. “Sapat na sa’kin ang malamang ligtas kang nakauwi,” dugtong pa nito.

Ganun lagi ang sistema nilang dalawa. Hindi kasi welcome ang nobyo sa bahay nila. Madalas itong nakakatanggap ng singhal sa pamilya niya kapag nakikita ng mga itong hinahatid siya ni Kiko. Tinatawanan ng mga kapatid niya si Kiko lalo na kapag nauutal at nahihirapan itong magsalita ng ingles. Nakakaintindi naman si Kiko ng salitang ingles ngunit nahihirapan itong sumagot.

“You know Kiko, can you please stop seeing my sister? We don’t really want you to be part of our family. Hindi mo nga siya magawang ihatid ng payapa gosh! Naglalakad lang kayo at sa totoo lang nakakapagod ang pagtitiis ng kapatid ko sa’yo,” mataray na wika ni Gina nang minsang madaanan sila nitong naglalakad pauwi ni Kiko. Wala kasi itong sasakyan.

“Pasensiya na po ma’am,” magalang na wika ni Kiko.

“Hindi nakakaginhawa ang pasensiya mo!” muling singhal ni Gina rito. “Pasok Sanya!” baling naman nito sa kaniya. Ayaw sana niyang iwanan si Kiko kaso ito na rin mismo ang nagsabing sumakay na ito para hindi na lumala ang sitwasyon. Maraming beses nang minata ng pamilya ang lalaki. Ngunit wala siyang narinig na sumbat mula rito. Lagi lang nitong sinasabi na naiintindihan niya ang mga ito at hindi iyon ang magiging dahilan para isuko nito ang pagmamahal sa kaniya.

“Sanya, kailan mo ba ididispatsa ang boyfriend mong mahina pa sa wifi natin dito sa bahay? Bakit kasi hindi mo na lang balikan si Fernan, matalino na, galing pa sa mayaman at disenteng pamilya at higit sa lahat ay matalino. Hindi kagaya ni Kiko na slow pa sa pagong kung mag-isip,” natatawang wika ni Gina. Magna cum laude ito at ngayon ay CPA na kaya kung maka-bobo ito kay Kiko ay wagas!

“Totoo nga siguro ang salitang love is blind. Kasi bulag na bulag si Sanya sa boyfriend niyang hindi na nga gwapo, may kabobohan pa,” segunda naman ni Albert ang kuya niya. Katulad sa ate niya’y cum laude din ito noong nag-aaral pa.

“Mom, dad hindi niyo man lang ba sasawayin ang mga anak niyo?” sita ni Sanya sa magulang dahil sobra na ang pinagsasabi ng mga ito.

“Bakit naman? Truth hurts, hija,” maiksing sagot ng mama nila. “Totoo naman na masyado kang nabubulagan kay Kiko, hindi nga naman ito nararapat na maging bahagi ng pamilya natin dahil bukod sa hindi siya galing sa mayamang pamilya ay medyo may kahinaan din siyang mag-isip. Bakit kasi hindi na lang si Fernan ang seryosohin mo,” mahinahong wika pa ng kanilang papa.

“Talaga bang okay lang sa inyong lahat na mang-apak at manghusga ng taong hindi pantay sa estado natin sa buhay?” wika ni Sanya sa hindi makapaniwalang tono. “Hindi nga mayaman ang pamilya ni Kiko, pero galing siya sa disente at mapagmahal na pamilya. Marunong makipagkapwa-tao at minsan man ay hindi nang-apak o nang-insulto ng iba. Hindi katulad sa pamilyang mayroon ako. Siguro nga may pagkamahinang mag-isip si Kiko, lalong-lalo na kapag kinakausap siya ng ingles.

Bakit? Sa pag-iingles ba nasusukat ang katalinuhan ng isang tao? Para sa’kin matalino si Kiko dahil madiskarte siya sa buhay. Pinipilit niyo akong bumalik sa lalaking ilang beses na akong gin*go at niloko? Dahil sa mayaman siya? Matalino at gwapo? Hanggang doon na lang ba talaga ang basehan niyong lahat sa pagiging mabuting tao? Ang kayamanan at kakisigan ng panlabas at sa galing nitong magsalita ng ingles?

Akala ko pa naman matatalino kayo, kaso mukhang nagkamali yata ako. Totoo nga ang kasabihan; education is nothing when you don’t even have a proper manner. Matatalino nga siguro kayo, but honestly kulang kayo sa magandang asal. Sana napag-aaralan ‘yon. Baka dun bagsak kayong lahat,” mahabang lintanya ni Sanya sa pamilya niya.

Ilang beses na siyang nagtimpi sa pambabastos at pang-iinsulto ng mga ito kay Kiko, kaya ngayon ay sumabog na siya at nailabas na ang inis sa mga ito. Sumosobra na ang pamilya niya sa pang-iinsulto kay Kiko at hindi nito deserve ang lahat ng iyon. Wala sa loob na bigla na lang naiyak ng malakas si Sanya.

“Mahal na mahal ako ni Kiko, sa kabila ng mga pang-iinsulto niyo sa kaniya ay hindi ko siya naringgan ng masama tungkol sa inyo. Hindi siya mayaman pero tina-try niya ang lahat ng makakaya niya at kahit minsan hindi niya ginawa sa’kin ang ginawa noon ni Fernan. Oo bobo nga siguro si Kiko, dahil sa kabila ng kasamaan niyo sa kaniya’y inuunawa niya pa rin kayo. Pero mahal na mahal ko ang bobo kong boyfriend at handa akong ipaglaban siya sa inyo,” humahagulhol niyang wika.

“I’m sorry, sis. Hindi ko na realize na nasasaktan na pala kita,” humihikbing wika ni Gina sabay abot ng kamay niya. Ganun din ang ginawa ni Albert. Tumayo naman ang papa at mama niya upang yakapin siya.

“I’m sorry. Pino-protektahan ka lang namin ng mga kapatid mo. Hindi namin inisip na nasasaktan ka na pala. Tama ka, mas maigi nga sigurong simula ngayon ay kilalanin namin si Kiko ng lubos. Patawarin mo kami darling kung hinusgahan agad namin si Kiko base sa estado ng buhay niya,” malungkot na wika ng papa nila habang yakap-yakap siya.

“Mabait po si Kiko, ‘pa,” humihikbi niyang wika.

Mula noon ay hindi na naging magaspang ang ugali ng pamilya niya kay Kiko. Dahan-dahan nilang kinilala si Kiko at makalaunan ay nagustuhan nga ng mga ito ang nobyo. Dahil na rin sa kakaibang talino nito. Hindi sa inglesan kung ‘di dahil sa diskarteng taglay ni Kiko.

Iba’t-iba ang galing ng tao. Mayroong mga bagay na doon ka magaling. May mga bagay rin na sadyang diyan ka mahina. Huwag maghusga agad. Hindi sukatan ang kagalingan sa pananalita ng Ingles upang masabing matalino ang isang tao.

Advertisement