Inday TrendingInday Trending
Hindi mo Kailangan ang Ama na Tulad Niya

Hindi mo Kailangan ang Ama na Tulad Niya

“Paul, buntis ako,” naiiyak na sabi ni Angela sa kasintahan.

Dalawang buwan nang delayed si Angela, kaya kagabi ay naisipan niyang gumamit ng pregnancy test. Hindi na kasi siya mapakali, magiging malaking problema ito kung tunay ngang nagdadalantao siya.

Dalawang taon na ang relasyon nila ng kaniyang kasintahang si Paul. High school pa lamang ay magkakilala na ang dalawa at nang tumuntong sa kolehiyo ay naging magkasintahan na ang dalawa.

Maayos ang samahan ng dalawa. Legal din ang relasyon nila sa pamilya ng isa’t isa. Ngunit dahil sa karupukan at kuryosidad ay nagawa na nilang magtal*k. Ayon sa kanila ay nasa tamang edad na rin naman sila at alam naman nila na sila na ang gusto nilang makasama sa habambuhay.

Subalit hindi sukat akalain ni Angela na magbabago ang lahat sa oras na sabihin na niya kay Paul na nagdadalantao siya.

“Ha?! Seryoso ka ba?! Baka naman nagkamali lang? Subukan mo sa ibang pregnancy test,” gulat at nag-aalalang tanong ni Paul.

Mukhang hindi ito handa sa pagbubuntis ng kasintahan. Sila kasi ay kasalukuyan pa rin na nag-aaral ng kolehiyo at marami pang mga pangarap ang nais nilang tuparin para sa pamilya at sa sarili.

Sinunod ni Angela ang sinabi ng nobyo, at maka-ilang beses itong gumamit ng iba’t ibang pregnancy test, ngunit iisa lamang ang lumalabas rito, positive.

Nang makumpirma ng dalawa na si Angela ay nagdadalantao, unti-unting nang nagbago ang pagkikitungo ni Paul sa kasintahan. Naging malamig na ito at hindi na rin madalas makipagkita.

“Babe, ‘wag mo akong biglang iwan sa ere. Anak natin ‘to. Tatay ka ng batang nasa sinapupunan ko,” nagmamakaawang sabi ni Angela kay Paul nang magtangka itong makipaghiwalay sa kaniya.

“Hindi ko kaya, babe, mahal na mahal kita pero hindi pa ako handa. Ipalaglag na lang kaya muna natin ‘yan?” wika ni Paul na tila nalilito sa kung ano ang kaniyang gagawin.

Mas lalong nakaramdam ng sakit si Angela nang marinig ang mga salitang sinasambit mismo ng kaniyang kasintahan. Hindi nito sukat akalain na napakadali lamang para sa lalaking minahal niya na iwan lang siya at hindi panindigan ang naging bunga ng kanilang pagsasama.

“Please, babe. Hindi ko kaya. Kailangan kita. Kailangan kita sa oras na magsasabi ako kila mama na buntis ako,” patuloy na wika ni nag Angela na halos magmakaaawa na kay Paul na huwag siyang iwan.

“Bakit napakadali naman sayo na talikuran ako, tapos ngayon pa, ngayon kung kailan kita pinakakailangan,” naiiyak na sabi Angela.

“Marami pa akong pangarap, Angela. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin sa oras na malaman nila na nakabuntis ako. Baka itakwil na nila at mas lalong hindi ko matatapos ang pag-aaral ko,” sagot ni Paul na halos walang pag-aalalang nararamdaman para sa kasintahan dahil masyado na lamang niyang iniisip ang kaniyang sarili.

“Eh bakit ako, babe? Paano naman ako? Tulad mo may pangarap din naman ako,” sagot ni Angela habang patuloy ang pag-iyak. Unti-unti na itong nakakaramdam ng pagkainis at galit sa kasintahan.

“Kaya nga sabi ko sayo na ipalaglag na lang muna natin habang hindi pa ‘yan nagtatagal, wala pa naman ‘yan eh. Dugo pa lang ‘yan!” sagot ni Paul nang walang pag-aalinlangan.

“Ikaw, Angela, pumili ka, ako o ‘yan?” dugtong na tanong ni Paul.

Nang marinig ni Angela ang mga sinabi ng kaniyang nobyo, hindi na nito napagilan ang sarili at tuluyan na ngang nagalit.

“Bakit mo ako pinapapili?! Ako lang ba ang may gawa nito? Dalawa tayo dito, Paul! Kaya sana magkalakas ka naman ng loob para panindigan yung mga bagay na ginagawa mo, magbunga man ito o hindi,” sagot ni Angela na noon ay masama na ang loob kay Paul.

“Kung wala kang bayag para panagutan to, lumayas ka. Tapos na tayo! Hinding-hindi ko ipapalaglag ang batang ito,” sigaw ni Angela at tuluyan na itong umalis at nagmadaling makauwi na sa kanila.

At dahil mugto na ang mga mata ni Angela, agad itong nahalata ng kaniyang mga magulang. Nilapitan siya ng ina sa loob ng kaniyang kwarto at doon na tuluyang bumuhos ang kaniyang luha. Kasunod ng ina ay ang kaniyang ama na nakatayo lamanag sa may pintuan na mukhang nag-aalala at nasasaktan dahil sa walang humpay na pag-iyak ni Angela.

Dahil sa sobrang sakit nang pag-iwan sa kaniya ni Paul ay tuluyan nang umamin si Angela sa kaniyang mga magulang. Nagtapat ito na siya ay nagdadalang tao at ikinwento rin nito kung paano tinanggihan ni Paul ang panagutan siya. Imbes na siya pagalitan ay pinatahan at pinakalma siya ng kaniyang mga magulang.

“Anak, tumahan ka na. Nandito kami ng papa mo, kami hindi ka namin iiwan. Aalagaan natin at papalakihing maigi ang magiging anak mo,” wika ng ina habang yakap yakap nito si Angela.

“Hindi kami galit sa’yo, anak. Wala nang magagawa kung magagalit pa kami sa’yo,” wika ng ama na noon ay papalapit sa kanilang mag-ina sa loob ng kwarto.

“Kung hindi ka kayang panindigan ng lalaking ‘yon, hayaan mo, anak. Kami ang magsisilbing katuwang mo sa pagpapalaki sa aming apo,” dagdag ng ama nito.

“Hayaan mo na ikaw yung piliin, anak. Hindi yung pinili ka kasi pinilit mo,” patuloy na salita ng kaniyang ama sabay yakap sa kaniyang anak.

“Kung hindi ka niya kayang piliin, hindi siya yung lalaking para sa ‘yo. Kung hindi ka niya kayang piliin ngayon pa lang, paano pa sa mga susunod?” dagdag pa nitong muli.

Tuluyan na ngang hindi pinanindigan ni Paul si Angela. Naputol na rin ang kanilang komunikasyon. Sinubukan man kausapin ng mga magulang ni Angela ang pamilya ni Paul ngunit hindi na nila mahanap at makita ang mga ito.

Lumipas ang mga taon at tanging magulang lamang ni Angela ang nagsilbing katuwang niya sa pagtataguyod sa kaniyang munting anak na si Angeline. Ngunit kailanman man ay hindi naramdaman ni Angeline na kulang ang kaniyang magulang.

Sa tulong ng kaniyang mga magulang, itinaguyod ni Angela ang pagpapalaki kay Angeline. Pinilit niyang makatapos ng pag-aaral at saka naghanap ng magandang trabaho habang ang kaniyang ina naman ang nag-aalaga sa bata. Sinikap niyang mabilis na umangat sa kompaniyang kaniyang napasukan upang makabawi sa kaniyang mga magulang, at upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang munting anghel.

Para sa mga babaeng nabuntis ngunit hindi pinanindigan o tinakbuhan ng lalaki, sana’y maging inspirasyon sa inyo ang istoryang ito.

Advertisement