Si Diana ay nagtatrabaho bilang isang call center agent. Ang boses ang kaniyang puhunan, kaya hangga’t maari ay iniingatan niya ito. Dahil kapos sa pera ay hindi na nakatapos si Diana ng kolehiyo at mas minabuti na lamang nito na magtrabaho sa call center dahil malaki rin ang pinapasahod doon.
Ilang kumpaniya na rin ang pinasukan ni Diana at sa tingin niya na ito ang huling kumpaniya na pagtatrabahuhan niya. Bukod kasi sa malaki ang sahod, maganda rin ang oras ng kaniyang trabaho. Mga taga-Australia kasi ang nakakausap niya, ang oras pa naman doon ay halos parehas lang sa ‘Pinas, minsan ay maaga lang sila ng dalawang oras.
Kaya hindi tulad ng mga dati niyang pinasukan na laging gabi ang simula ng oras ng kaniyang pasok. Dito ay mula umaga lang hanggang hapon.
Masipag at magaling na ahente si Diana. Madalas ay napupuri ito ng mga boss niya at nabibigyan ng commendation ng kaniyang mga callers. Lagi rin pinupuri ang kaniyang magandang boses, malambing at malamig. Pero sa tuwing pinupuri ang kaniyang boses ay nahihiya lamang ito dahil pakiramdam niya ay malayo ito sa kaniyang itsura.
May itsura si Diana, maganda ang mga mata at ngiti, kulay kayumanggi at may kaunting kalusugan. Aminado naman ito na malaki ang kaniyang pangangatawanan. Minsan ay hindi niya maiwasan na mahiya o ma-insecure dahil pakiramdam niya ay ang pangit siya dahil walang nagkakagusto sa kaniya.
“Lumandi ka naman kasi paminsan-minsan, Diana,” pang-aasar ng isa niyang kaibigan sa trabaho.
“Naku! Walang karapatang lumandi ang hindi maganda,” birong sagot niya.
Palakaibigan at mabait. Gustong-gusto si Diana ng kaniyang mga katrabaho.
“Gagalingan ko na lang sa pagca-calls! Dito na lang ako lalandi, tutal boses lang ang maganda sa atin,” dagdag ni Diana.
Ngunit hindi niya sukat akalain na ang biro niyang ito ay balang-araw palang magkakatotoo.
Ang mga nakakausap ni Diana sa telepono tuwing nagtatrabaho ay mga Australyanong taga-bangko. Madalas ay nasasabihan siya ng mga ito na maganda ang kaniyang boses, mapalalaki o babae man ang kausap.
Hanggang isang gabi, nagulat si Diana ng may biglang mag-add as friend sa kaniya sa Facebook. Pangalan pa lamang nito ay alam na ni Diana na hindi taga-Pilipinas ang nag-add sa kaniya. Nang bisitahin nito ang Facebook ng lalaki, dito niya nakita na taga-Australia ito. Dahil wala namang malisya, in-accept ni Diana and friend request ng lalaki. Matapos lamang ang ilang segundo ay bigla na itong nakatanggap ng chat mula sa lalaki.
“Hi there, Diana!” chat ng lalaki na may emoji pa na kinikilig.
Hindi mawari ni Diana kung sasagot ba siya.
“Hi?” ‘yan ang natatangging sagot niya sa sinabi ng lalaki.
“Sorry, I added you on here on Facebook. I just really find you pretty and nice,” sagot ng lalaki sa chat.
Noong una ay nagtataka si Diana kung sino ang lalaki na ito, ngunit nang dahil sa pagtatanong ay nalaman na ang nagchat sa kaniya ay ang Australyanong si Adam.
Si Adam ang isa sa maraming Australyanong nakakausap ni Diana sa telepono. Nalaman ni Adam ang buong pangalan ni Diana dahil sa kanilang website. Maari mo kasing mahanap ang pangalan ng kausap mo, gamit ang ID number nito sa trabaho. Ikinuwento pa ni Adam na matagal niyang hinintay ang pagkakataon na mahingi niya sa telepono ang ID number ni Diana, at nang malaman niya nga ito ay agad-agad niyang hinanap ang pangalan ni Diana sa Facebook.
Matagal nang gusto ni Adam si Diana. Hindi lang dahil sa nagandahan si Adam sa boses niya kundi dahil sa dami ng mga sumasagot ng tawag niya, si Diana lang ang talagang magaling at handang tumulong sa kanila lalo na ‘pag komplikado na ang mga kailangan nila. Idagdag pa nang makita ni Adam ang picture ni Diana sa website.
Hindi naman makapaniwala si Diana, kaya noong una ay itinuring lamang niya na biro ang pangungulit sa kaniya ni Adam. Pero hindi kailanman tumigil sa pagchachat at pangungulit sa kaniya ang lalaki. Hindi sila nauubusan ng pinag-uusapan. Noong una ay nag-aalinlangan pa si Diana kung kakausapin pa ba niya si Adam, ngunit unti-unti na silang nagkapagpalagayan ng loob.
Nagpatuloy ang kanilang pag-uusap. Buti na nga lang at may Facebook at ibang online app, kaya possible na makatawagan at makapagvideo call ang dalawa, kahit na magkalayo sila. Minsan naman kapag nasa trabaho at biglang si Diana ang nakasagot sa tawag ni Adam ay may kaunting kilig silang nararamdaman.
Hindi alam ni Diana kung ipagpapatuloy pa rin ba niya ang pakikipagusap kay Adam. Pakiramdam kasi nito na mali ang kanilang ginagawa dahil lumalalim ang kanilang pagkakakilala sa isa’t-isa kahit na sa chat lang naman sila nag-uusap. Malinaw naman ang intensyon ni Adam na nais niya talagang ligawan si Diana, ngunit sadyang nag-aalinlangan ang dalaga.
Para kasi kay Diana, napaka-imposible na isang foreigner pa ang magkakagusto sa kaniya. Hindi ito makapaniwala na may lalaking magseseryoso sa kaniya, lalo na at iba pa ang lahi nito. Pakiramdam nito ay hindi naman seryoso sa kaniya si Adam.
Lumipas ang halos isang isang taon, at patuloy pa rin ang komunikasyon nila. Minsan ay nagpapadala ng mga kung anu-anong gamit si Adam kay Diana, minsan naman ay nagpapadala si Diana ng mga gamit na gawang Pilipinas kay Adam. Hindi man opisyal pero sa pagkakataong ito, alam ng dalawa na mahalaga at mahal nila ang isa’t isa.
Ngunit tila susubukan ng tadhana ang tibay ng kanilang relasyon. Isang araw, bigla na lang hindi na nagparamdam si Adam kay Diana. Hindi na ito tumatawag at nagcha-chat. Hindi na nga nakikita ni Diana na naka-online si Adam. Pilit tuloy inaalala ni Diana kung may mali bang nangyari noong huling gabi na sila ay nag-usap.
Hindi alam ni Diana kung ano na ba ang nangyari kay Adam. Hindi niya alam kung sino ang pagtatanungan niya dahil sa chat lang naman sila nagkakilala at wala silang kilalang kaibigan ni Adam na pwede niyang ichat para tanungin.
Sobrang sakit ang naramdaman ni Diana. Kung ano-ano ang naisip nito, na siguro ay nakahanap na ng iba si Adam, o ‘di naman kaya ay nagsawa na lang o sumuko, o baka may nangyaring hindi maganda.
Tatlong linggo na mula nung huling magparamdam si Adam kay Diana. Hanggang ngayon ang labis pa rin ang sakit na kaniyang nararamdaman. Sa tuwing makakatanggap siya ng tawag sa trabaho ay ipinadarasal niya na sana ay si Adam ‘yon. Tinatanong niya rin ang kaniyang mga katrabaho kung may natanggap ba silang tawag kay Adam, ngunit wala rin kahit isa sa kanila ang nakakausap sa lalaki.
Unti-unti ay pilit sinubukan ni Diana na limutin si Adam.
Hanggang sa isang araw ay nakatanggap na lamang ito ng isang chat, at ikinagulat ito ni Diana.
“Diana, I’m sorry,” basa ni Diana sa chat na kaniyang natanggap mula kay Adam.
Maya-maya ay nakatanggap na ito ng tawag mula sa lalaki. Matamlay ang boses nito at tila ba nahihirapan magsalita.
Pagbungad pa lamang ng tawag ay humingi na ng patawad si Adam. Ipinaliwanag nito na hindi niya sinasadya na biglang mawala at hindi nagawang kontakin si Diana. Ito ay dahil naaksidente si Adam noong gabing pauwi siya, naging malala ang kaniyang kalagayan at kinailangan siyang operahan ng ilang beses. Hindi niya rin magawang igalaw ang kaniyang mga kamay at paa, at hindi rin makapagsalita ng maayos kaya hindi niya nagawan ng paraan na makausap o machat si Diana upang ipaalam dito ang kaniyang kalagayan.
Gulat na gulat si Diana nang malaman ang sinapit na trahedya ni Adam. Nagsend pa nga ito ng larawan na siya ay kasalukuyang nasa ospital pa. Kitang-kita sa mukha nito ang mga sugat na kaniyang tinamo sa pagkakaaksidente. At habang nagkukwentuhan ay hindi naiwasan ng dalawa ang maiyak dahil sa sobrang pagkamiss sa isa’t isa.
Nang makarating na si Adam sa Pilipinas ay sinagot na rin siya ni Diana at naging opisyal na nga ang kanilang relasyon. Malayo man at matagal man na panahon pa ang kanilang tatahakin, alam ng dalawa na sa puso nila ay natatangi lamang ang isa’t-isa.
Matapos ang isang buwan, tuluyan nang gumaling si Adam. At kasabay ng kaniyang paggaling ay ang plano niyang pagpasyal sa Pilipinas upang personal nang makita at makasama si Diana. Sigurado na si Adam na si Diana ang babaeng nais niyang makasama sa habambuhay.