Ang Espesyal Kong Anak
Ang mag-asawang sina Brian at Claire ay mga masisipag na volunteer sa isang orphanage o bahay ampunan. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan dahil sa mga programa ng ampunan na dinadaluhan ng mga volunteers at sponsors.
Hanggang sa magkarelasyon na sila at tuluyan na ngang nauwi sa kasalan. Tatlong taon na ring nagsasama ang dalawa, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang anak. Sinusubukan naman nila, minsan naman ay sumasagi rin sa kanilang isipan na mag-ampon na lang ng isang bata na inaalagaan nila sa orphanage.
Pero ninais muna ng mag-asawa na maghintay at sumubok pa rin, tutal bata-bata pa naman sila. At dahil sa matindi na rin na pananalig, kinalaunan ay nagdalantao na nga si Claire. Sabik na sabik ang dalawa dahil sa wakas ay may bagong miyembro na ang kanilang pamilya. Ngunit tila susubukin ang kanilang pananampalataya at katatagan dahil may bagong pagsubok sila na kakaharapin.
Nang isilang ni Claire ang kanilang anak ay mayroon itong komplikasyon sa puso. Ayon sa doktor ay hindi sigurado ang lunas sa sakit ng bata, at maaring dalhin niya ito sa paglaki. Hindi man kita sa anyo ng sanggol, ngunit lubhang malala ang sakit nito sa puso.
“Mrs. Claire, malubha po ang komplikasyon sa puso ng inyong anak. Kailangan po ay matutukan natin ang kalusugan niya ng maigi. Maaring makayanan niya ang sakit niya ngayon, ngunit mahaba na ang limang taon kung aabot siya sa ganoong edad,” malungkot na ibinalita ng doktor sa mag-asawa.
Halos binagsakan naman ng langit at lupa ang mag-asawa sa kanilang narinig. Isang linggo pa lamang ng isilang ni Claire ang kanilang anak ay tinaningan na ito ng buhay. Ngunit kahit na labas na nahihirapan, pilit nilakasan ng mag-asawa ang kanilang mga loob para sa kanilang anak. Itinuring nila itong normal na sanggol, at madalas ay ipinapasyal nila ito sa orphanage upang makalaro ng mga bata roon.
At dahil nga matiyagang mga volunteer ang mag-asawa, madalas ay kasa-kasama nila ang kanilang anak sa tuwing bibisita sa orphanage. Para sa kanila ay isang anghel na regalo mula sa itaas ang kanilang anak kaya pinangalanan nila itong Angel.
Habang lumalaki ang anak, patuloy ang naging check up nito sa kaniyang doktor upang bantayan ang kalagayan lagi ng kaniyang puso. Hindi man bumubuti, ngunit patuloy pa rin ang pagtibok nito upang mapagpatuloy ni Angel ang kaniyang buhay. Bawat sandali ay tinuturing ng mag-asawa na huling sandali na ng kanilang anak, kaya araw-araw nilang ipinaparamdam sa anak ang kanilang pagmamahal.
Pinapasyal nila ito sa iba’t-ibang lugar. Gabi-gabi ay kalaro nila ito bago matulog. Sinasama nila ito sa orphanage upang makipaglaro sa maraming bata. Wala silang sinasayang na panahon makasama at mapasaya lang ang kanilang anak.
Subalit hindi lang pala puso ang sakit ni Angel, tatlong taong gulang siya noon nang mapansin ng mag-asawa na tila ‘di umaayon ang kaniyang pag-iisip sa kaniyang edad. Hindi tulad ng ibang bata na halos marunong nang magsalita, magbilang at nagagaya na ang mga salitang naririnig, si Angel ay nanatili pa rin na tahimik at halos puro tawa at iyak lamang ang naririnig sa kaniya.
At nang ipatingin nga si Angel sa isang espesiyalista, dito nila napag-alaman na may sakit palang autism ang kanilang anak. Kaya pala mabagal ang pagdevelop ng skills at pananalita ni Angel, dahil pala ito sa kaniyang espesyal na kundisyon.
Nang malaman ng mag-asawa ang kalagayam ng anak ay hindi nila mapagilan na manlumo. Awang-awa ang mga ito sa kalagayan ng kanilang anak.
“Mahal, hindi ko alam kung bakit nangyayari sa atin ito. Sana ako na lang ang magkaroon ng sakit. Kung pwede ko lang kunin sa anak natin ang kaniyang sakit para hindi na niya ‘to lahat maranasan, ginawa ko na sana,” tumatangis na sabi ni Claire na walang tigil sa pag-iyak.
At kahit nasasaktan din, pilit nilakasan ni Brian ang kaniyang loob. Kahit na nais na niyang umiyak sa harapan ng asawa at anak, pinigilan niya ito dahil alam niya na sa panahong ito ay siya ang unang pagkukunan ng lakas ng loob ng kanilang pamilya. Kailangan ni Brian na tibayan ang sarili upang alalayan ang asawa at ang kaniyang anak.
“Mahal, lakasan mo ang loob mo para kay Angel. Marahil may dahilan kung bakit siya ibinigay sa atin ng Diyos. Kaya ibuhos natin ang lahat ng pagmamahal natin sa kaniya,” naiiyak na sabi ni Brian sa asawa habang yakap-yakap niya ito.
Hinarap ng mag-anak ang pagsubok na ito na sila ay magkakasama. Naging anghel ni Angel ang kaniyang magulang at walang sawa nila itong inalagaan at minahal.
Dahil madalas nilang dalhin ang anak sa orphanage, kahit apat na taong gulang pa lamang ang kanilang anak ay makikitaan na ito ng pagiging matulungin sa kapwa. Maalaga rin ito sa mga kaibigan. Kahit na gusgusin ang iba sa kaniyang mga kalaro ay magiliw pa rin niya itong kinakausap at kinukwentuhan ng mga lugar na kaniyang napupuntahan sa tuwing ipinapasyal siya nila Brian at Claire.
Isa sa matalik na kaibigan niya sa orphange ay si Sophia. Si Sophia ay apat na taong gulang na rin, at tulad niya ay mayroon rin itong kapansanan. Hindi gumagana ang isang mata ni Sophia, luwa ito at nagtutubig. Kaya malabo ang kaniyang pagtingin. Ngunit kahit na ganoon ay napalaking mabuti ng mga tao sa ampunan si Sophia. Kahit kinukutya siya ng ibang mga bata doon na kaya siya iniwan ng kaniyang magulang ay dahil sa kaniyang mata, hindi nagpapaapekto o nagpapadala si Sophia.
Paborito nila Angel at Sophia na kalaro ang isa’t isa, kahit hindi magsyadonh magkaintindihan dahil hirap si Angel sa pagsasalita, hindi ito naging hadlang upang magkapaglaro sila ng malaya.
Tila maayos na ang lahat, ngunit dumating na ang panahon na kinatatakutan nila Brian at Claire. Halos linggo-linggo na nilang isinisugod si Angel sa hospital dahil sa hirap nitong paghinga, ayon sa doktor ay unti-unti ng sumusuko ang puso ni Angel at hindi na nito masabayan ang mabilis na paglaki ng bata. Kaya tinaningan lamang ng limang taon si Angel ay dahil hanggang sa ganitong katawan na lamang kaya suportahan ng puso ni Angel.
Habang patagal nang patagal ang pagkaka-ospital kay Angel, inihahanda na rin ng mga doktor ang mga magulang nito sa anuman posibleng mangyari. Maari magkaroon ng himala, pero dapat ay maging handa ang mga ito sa kung sakaling tuluyan nang huminto ang puso ni Angel sa pagtibok.
Isang gabi habang natutulog ang mag-asawa sa tabi ng kama ng ospital na hinihigaan ni Angel, nagising ang dalawa nang bigla silang hinawakan nito.
“Ma… Pa… ‘wag na kayong malungkot. Ayaw ko po…” dahan-dahan sinasabi ni Angel sa kaniyang magulang habang kinakapos ng hininga.
“Ayaw ko pong nakikitang umiiyak kayo… Okay lang ako, mama at papa. Magiging okay din ako,” wika ng bata, mistulang anghel ang boses nito.
“Kung mawawala ako mama… lagi ko kayong babantayan ni papa mula sa heaven,” patuloy na wika ni Angel habang ang mga magulang niya ay patuloy ang pagluha.
“Anak, lakasan mo ang loob mo. Kaya mo ‘yan, anak. Malakas tayo ‘di ba? Papasyal pa tayo sa maraming lugar,” umiiyak na sabi ni Claire sa anak.
“Love na love ka namin ni mama mo, anak,” sabi naman ni Brian habang hinahaplos ang buhok ng kaniyang munting anghel.
“Mahal na mahal ko po kayo, mama at papa,” nakangiting sabi ni Angel sa kaniyang magulang.
Natapos ang gabi na punong-puno ng masayang kwentuhan ng mag-anak. ‘Yon na pala ang huling gabi na makakapiling nila ang anak nilang si Angel. Mahirap at masakit man, pilit na kinaya ng mag-asawa na tanggapin ang paglisan ng anak.
I-dinonate ni Brian at Claire ang mata ng yumaong anak na si Angel sa batang si Sophia. Naging matagumpay ang operasyon, at muling nakakita si Sophia gamit ang dalawang mata.
Ngayon, sa tuwing pumapasyal ang mag-asawa sa ampunan, lagi nilang tinitingnan ang batang si Sophia, upang maalala ang mata ng kanilang anak na minsan kanilang nasilayan. At dahil sa komplikasyon sa panganganak, hindi na muling makakapagdalantao ito.
Lumipas ang ilang buwan, napagdesisyunan ng mag-asawa na ampunin at ituring na sariling anak si Sophia. Gabi-gabi pa rin nilang sama-samang ipinagdarasal ang kaluluwa ni Angel. Doon, nabuong muli ang munti nilang pamilya.