Huwag Kasing Habulin ang Pag-ibig
Magtetrenta anyos na si Angela ngunit ni isang beses ay hindi pa siya nagkakaroon ng boypren. Atat na atat na siyang mahalikan at mayakap ng isang taong magpapakabog sa kaniyang puso. Minsan nga ay naitatanong niya sa sarili kung ano ba ang mali sa kaniya at wala ni isa mang nanliligaw sa kaniya.
“Bakit ha? Bakit hindi ako nagkaka-jowa? Sabi naman ng nanay ko ay maganda naman ako. Medyo maitim pero makinis naman ang balat ko. Wala naman akong putok, o kaya bad breath! Pero bakit?”
Himutok ni Angela sa kaibigang si Nikki.
“Girl naman, huwag kang magmadali. Ibibigay din naman ‘yan sa’yo ng Diyos sa tamang panahon,” sabi naman ng bestfriend habang tutok na tutok ang tingin sa cellphone.
“Heh! Palibhasa may jowa ka na. Hindi mo ko naiintindihan,” sagot naman ni Angela na hindi mapigilang mainggit sa kaibigan. May nakilala kasi ito noon sa social media na kalaunan ay naging nobyo nito. Ngayon, kahit malayo sa isa’t-isa ay pinipilit ng mga ito na magkita kahit isang beses sa isang buwan.
“Sana ay makatagpo na rin siya ng lalaking para sa kaniya,” tahimik na sabi niya sa sarili. Napabuntong hininga na lang ang dalaga at saka nagbukas ng cellphone, meron kasi siyang sinalihang isang grupo sa social media na para sa mga single na gusto nang magka-jowa.
Hindi siya ganoong tao pero dala ng desperasyon niya ng mga oras na iyon ay nagpost siya at sinabing, “Wanted: Boyfriend, Qualifications: Kahit wala!” Siyempre ay hindi na siya magpapabebe, ano!
Maya-maya lamang ay may natanggap siyang mensahe mula sa isang estranghero. Nagpakilala ito bilang si Kyle, miyembro din ng grupo ng mga single na gusto nang magka-jowa. Pinindot niya ang litrato nito ngunit drawing lang ang makikita doon.
“Wala naman sigurong masama kung re-reply-an ko ‘to no?” Nagreply nga si Angela sa lalaki hanggang humaba nang humaba ang kanilang usapan. Pakiramdam ni Angela ay ito na nga ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Mukha naman itong mabait at ang halos isang taon lang din ang tanda nito sa kaniya.
Simula noon ay araw-araw nang magkausap ang dalawa. Hindi mapawi ang ngiti ng dalaga habang nagtititipa sa kaniyang cellphone. Marami-rami na ang kanilang napag-uusapan kaya’t kampante na si Angela kay Kyle. Pakiramdam niya nga ay nahuhulog na ang loob niya dito eh.
“Hoy! Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” isang araw ay puna ng nanay ni Angela sa dalaga.
“Wala ho ‘nay, nakakatawa ho kasi kausap itong kaibigan ko eh,” sabi ni Angela na nakatutok pa rin sa hawak na cellphone. Nang kinwento ni Angela na nakilala lang niya ito sa internet ay agad itong binalaan ng ina.
“Naku! Huwag ka basta magtitiwala sa mga ganiyan anak, at baka ikaw ay mapahamak. Ang pag-ibig, darating ‘yan kaya’t ‘di dapat hinahabol,” payo naman ng ina.
“Nay naman! Pag-ibig agad? At oho, nag-iingat naman ho ako ‘no,” tugon ni Angela sa ina.
Isang araw na bagot na bagot ang dalaga sa pagbabantay ng kanilang tindahan ay nag-chat sa kaniya si Kyle at niyayaya siya nitong kumain sa labas. Day off daw nito sa trabaho at ayos lang ditong bumiyahe ng malayo para lang makapagkita sila. Kinilig naman ang dalaga sa mensahe ng binata kaya walang pagdadalawang-isip siyang sumang-ayon.
Nagpaganda siya ng husto at nagpasyang huwag na lang ipaalam sa ina ang gagawin dahil tiyak na ‘di siya nito papayagan. Nang malapit na siya sa kanilang tagpuan ay nag-text na lang siya sa bestfriend na si Nikka kung saan siya papunta. Para naman hindi nito masabi na nagpadalos-dalos siya.
Pagdating sa napag-usapang restawran ay malakas na ang pagkabog ng dibdib ni Angela, hindi dahil sa takot kung hindi sa matinding pagkasabik. Ano kayang hitsura ni Kyle? Gwapo kaya ito? Matangkad? Maputi?
Habang nagpapatansiya ay nagulat siya nang may isang gwapong lalaking umupo sa kaniyang harapan. Nginitian siya nito atsaka inilahad ang kamay.
“Hi. Ikaw si Angela ‘di ba? Ako pala si Kyle,” sabi ng lalaki. Nanlaki ang mata ni Angela at hindi siya makapaniwala sa nakikita ng mata.
“Jackpot ako dito bes! Mukhang may kaya at ang gwapo pa!” tili ng maliit na boses sa isip ni Angela.
Um-order na sila ng pagkain at nagsimulang magkwentuhan. Masaya namang kausap ang binata sa personal. Tinanong siya nito kung dala ba raw niya ang kaniyang kotse papunta sa restawran.
“Kotse? Ay naku wala akong kotse,” natatawang sabi ni Angela na tila ba lumulutang ang pakiramdam.
“Ha? Eh kanino pala yung mga nasa post mo?” takang tanong naman ni Kyle.
“Naku sa bestfriend ko ‘yon. Lagi niya kasi akong sinasama sa mga lakad niya kaya marami akong picture sa loob ng kotse. Kapag hindi ako pinagbabantay sa sari-sari store namin ay sumasama naman ako,” masayang kwento ni Angela na hindi napapansin ang unti-unting pagbabago ng timpla ng kausap.
“Sari-sari store? Akala ko sa isang sikat na TV channel ka nagtatrabaho, nakalagay sa profile mo eh,” tanong ng binata na tila ba gulong-gulo.
“Ay naku noon ‘yon! Hindi ko pala naiba ang nakalagay sa profile ko,” sabi ng dalaga at saka tumawa. Si Kyle naman at nanatiling nakayuko at mapapansing binilisan ang pagkain nito.
Nahihiya naman si Angela na magmabagal dahil baka may iba pa itong plano sa “date” nila. Nang matapos kumain ay lumapit sa kanila ang waitress upang iabot ang bill nila. Nang akmang mag-aabot siya ng bayad ay pinigilan siya ng binata.
“Ako na ang magbabayad, ako naman ang nagyaya eh,” sabi nito at saka kinapkap ang bulsa ng jacket. Kinapa-kapa pa nito ng ilang ulit ang jacket at pantalon ngunit mukhang ‘di nito mahanap ang wallet niya.
“Naku, naiwan ko siguro sa kotse ‘yung wallet ko. Saglit lang ha,” sabi nito sabay kindat pa sa kaniya. Lumabas ito ng restaurant at naiwan siyang ngiting-ngiti. Ngunit lumipas ang sampung minuto, bente minuto, hanggang sa kalahating oras ay hindi pa rin ito bumabalik. Unti-unting natunaw ang ngiti ni Angela at nang mapagtantong tinakasan na nga siya ng walanghiya ay nadurog ang puso niya.
Ilang beses siyang nagpadala ng mensahe dito ngunit b-in-lock na siya nito sa social media. Naiiyak niyang binayaran ang kanilang mga kinain na sobrang mahal pala, dahil mukhang sosyal ang restaurant na iyon.
Umuwi si Angelang luhaan at sising-sisi. Nagbalik sa isip niya ang payo ng bestfriend at ng ina tungkol sa pag-ibig. Hindi nga dapat hinahabol ang pag-ibig, dahil sa huli, ikaw lang din ang maaaring masaktan kapag nagtiwala ka sa maling tao.