“Pahingi naman ng pasalubong diyan!” hirit kaagad ni Celia sa nakababatang kapatid na kararating lang galing ibang bansa.
“Ay, pasensya ka na ate ha? Wala kasi akong pera pambili ng mga pasalubong eh,” sabi naman ni Jonar na nakaupo sa sofa at mukhang pagod na pagod sa biyahe.
“Nag-abroad tapos alang pera, maniwala ako sa’yo! Oh sige kahit yung tsokolate na lang sa ref niyo!” sabi ng nakatatandang kapatid na imbes na mangamusta ay dumiretso sa kusina upang mangubra ng pasalubong.
Lingid sa kaalaman ni Celia ang totoong dahilan ng pag-uwi ng kapatid. Natanggal pala ito sa trabaho dahil nakitaan daw ito ng sintomas ng isang nakahahawang sakit. Dahil walang ibang magagawa kaya napilitan na lamang itong umuwi sa bansa.
Dala-dala ang isang supot ng tsokolate, nagbalik si Celia sa sala at naabutan ang iba pa niyang kapatid na naroon. Tamang singit naman ang babae sa usapan ng mga ito.
“Nga pala Juniel, hindi ba gagraduate na ang anak mo sa high school? Sa anak ko na lang niya ibigay yung uniform niya ha? Para hindi na ako bibili ng bago,” bilin ni Celia habang ngumangata ng isang pirasong tsokolate.
“Sasabihin ko ate,” seryosong sagot ng kapatid na si Juniel. Nagpaalam na si Celia sa mga kapatid at sinabing aasikasuhin pa raw kasi ang asawa dahil papasok na ito sa opisina. Ni hindi man lamang napansin ng ate na mukhang problemado ang magkakapatid. Nasabi na pala sa mga ito ni Jonar ang dahilan kung bakit ito nagbalik bansa. Wala itong naipon kaya nagbabasakali itong matulungan ng mga kapatid.
“Mapapautang kita kuya, kaso nga lang ay sa isang buwan pa. Kakapanganak lang din ni misis eh, maraming gastusin,” sabi ni Juniel sa kapatid.
“Tutal naman ay laging ikaw ang nilalapitan ni Ate Celia kapag gipit siya, siguro naman ay pwede mo siyang hiraman ngayon para sa pagpapagamot mo,” sabi ng isa pang kapatid na si Jaycee.
“Sige, susubukan ko.” Nagpasalamat si Jonar sa dalawang kapatid na lalaki. Kahit medyo matagal siya sa ibang bansa ay kaunti lang ang ipon niya. Lagi kasi siyang inuungutan ng mga kamag-anak palibhasa’y nag-abroad. Nang gabi ring iyon ay pumunta siya sa bahay ng ate. Wala siyang pag-aalinlangang tutulungan siya nito dahil kung tutuusin ay may utang pa ito sa kaniya noon.
“Oh Jonar, napadalaw ka, anong kailangan mo?” diretsahang tanong ni Celia.
“Ate… mayroon ka bang extrang pera? Ang totoo kasi niyan, kaya ako umuwi ng bansa dahil nagkasakit ako. Kailangan ko kasing magpagamot at hindi sasapat ang naipon ko,” sabi ni Jonar sa kapatid habang kamot-kamot ang batok.
“Ay naku, Jonar! Ngayon pa lang nakakabawi ang pamilya namin sa pagkakabaon sa utang! Wala akong maipapautang sa’yo ngayon,” pinal na sabi ng ate na bahagya pang tumaas ang boses.
“Pero ate balita ko mukhang ayos na ulit ang negosyo niyo ah,” sabi ni Jonar na bahagyang may hinanakit sa tinig.
“Oo nga! Pero alam mo namang may pinag-aaral pa kaming mga anak, hindi ba? Intindihin mo din naman na malaki din ang gastos ko sa kanila,” nakapameywang pa na dahilan ng ate.
Nasaktan ang damdamin ni Jonar sa diretsang pagtanggi ng ate at hindi man lang nito pagpapakita ng simpatya kahit na nalaman nito ang kalagayan ng kalusugan niya. Kapag ito ang naghihingi ay ang bilis, ngayong ito ang hihingian ay sobrang kunat.
Bigong umalis si Jonar at naghanap na lang ng ibang malalapitan. Mabuti na lang at may ibang kamag-anak na nagpahatid ng simpatya at tulong. Ang kapatid niya ngang si Juniel kahit walang-wala ay nakuha pa rin siyang abutan kahit dalawang daang piso. Ang ateng si Celia ay nanatiling matigas ang puso sa nangangailangang kapatid.
Lumipas ang isang taon at sa awa ng Diyos ay tuluyang gumaling na si Jonar. Dahil sa husay nito sa larangan, natanggap kaagad ito sa isang sikat na engineering company sa bansa. Mas malaki pa ngayon ang sahod niya kaysa noong nasa ibang bansa siya. Isang araw ay kumatok muli sa kaniyang pinto ang nakatatandang kapatid.
Nagulat siya sa ipinagbago ng hitsura nito. Ang dating mapostura, ngayon ay mukhang losyang na. Maiitim ang paligid ng mata nito at halata ring malaki ang pinayat.
“Jonar, maari ka bang makausap ngayon?” tanong ng kaniyang Ate Celia.
“O-oo naman ate, pasok ka,” sabi ng binata.
Pag-upo sa sofa ay bigla na lang umiyak at nagkwento si Celia. Bumagsak daw muli ang negosyo nito at ng asawa. Dahil sa pagbabakasakaling makabangon ay nangutang sila nang nangutang ngunit hindi na sila nakabawi. Ngayon ay sinisingil na sila ng bangko at ang bahay nila ang maaaring mawala sa kanila. Dumagdag pa ang bunso nitong anak na nito lang ay tinamaan ng Dengue. Lumapit na daw ang ate sa lahat ng kaibigan at ilang kamag-anak ngunit walang nagpahiram at puro panunumbat lamang ang inabot niya sa mga ito.
“Noong ako kasi ang mayroon ay naging maramot ako sa kanila. Kaya ngayong ako ang may pangangailangan ay ayaw na nila akong tulungan. Alam kong naging ganoon din ako sa’yo. Kaya nga hiyang-hiya ako ngayon, ngunit para sa aking pamilya…”
Nahabag naman si Jonar sa kalagayan ng kaniyang kapatid. Nangako siyang tutulungan ito sa abot ng kaniyang makakaya.
“Patawarin mo ko Jonar sa pagiging madamot at sakim ko. Hindi man lang kita naabutan ng tulong noon ngunit handa ka pa ring tumulong sa akin ngayon. Patawarin mo ang ate…” iyak pa ni Celia.
“Hayaan mo na yun, ate. Kalimutan na natin ‘yon. Sana’y maging leksyon na lang sa ating lahat ang mga nangyari. Ako nang bahala sa pagpapagamot sa pamangkin ko. Huwag kang mag-alala, nandito ako’t tutulong sa’yo hangga’t kaya ko. Dahil pamilya tayo,” sagot ni Jonar na lalong ikinahagulgol ni Celia. ‘Di niya akalaing hindi nagtanim ng sama ng loob ang kapatid sa kaniya sa kabila ng kadamutang ipinakita niya rito noon.
Ang mundo ay umiikot. Minsan nasa itaas ka, minsan nasa ibaba. Ang mahalaga ay huwag maging madamot sa kapwa para kapag ikaw na ang nangangailangan ay may aanihin kang kabutihan.