Pagpatak ng alas kwatro ng umaga, gising na ang inang si Rosa para maghanda ng almusal. Hindi sana siya babangon dahil masakit pa ang pangangatawan matapos um-extra ng labada kahapon. Ngunit dahil alam niyang walang ibang gagawa ng mga ito, pinilit niya ang sariling makapaghanda.
Maya-maya pa ay ginising na niya ang kaniyang asawa at ang dalawang anak na nasa high school at kolehiyo. Kasunod nito ay ang kaniyang dalawang anak pa na nagtatrabaho na. Ngunit halos lumagpas pa ang kalahating oras bago nagsibangon ang mga ito. Kung hindi pa siya magbubunganga ay hindi pa sila babangon.
Kay aga-aga ngunit tagaktak na kaagad ang pawis ni Nanay Rosa. Agad namang nagsi-ligo ang asawa’t mga anak niya bago kumain. Nagmamadali na ang mga ito kaya kumain sila nang napakabilis at saka iniwanan ang mga ginamit na pinggan sa lamesa.
“Nay, alis na kami!”
“Bye, ‘nay.”
“Una na kami, Rosa.”
Paalam ng asawa’t mga anak niya habang siya naman ay nagmamadaling lumabas ng banyo dahil bigla na lamang sumakit ang kaniyang tiyan. Ngunit paglabas niya, wala na ang mga ito. Nadismaya siya nang makita ang maruming lamesa, puno ng mga gamit na pinggan, gabundok na labada, pati na sandamakmak na kalat na naiwan sa sahig.
Napaupo na lamang si Rosa.
“Araw-araw na lang, sa ginawa ng Diyos…” himutok ng ginang.
Ganito kasi ang palagi niyang ginagawa at kahit na may nararamdaman siya ay patuloy lamang siya sa pagtatrabaho bilang isang nanay.
Pilit siyang tumayo upang maglinis, maghugas, at simulan na ang paglalaba. Ngunit napatigil siya nang makita ang sarili sa salamin.
Kupas na short, butas-butas ang sandong napakalaki na sa kaniya, wala man lang suot na bra, ang buhok ay parang bruha na nakapusod nang kaunti, at ang mukha pati na katawan ay naliligo sa pawis. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata dahil sa awa sa sarili. Dahil dito, ninais niya munang umalis sana upang makapagpahinga. Agad din ay nagpunta siya sa kaniyang kapatid at doon ay balak na manatili pansamantala.
Kinagabihan, pag-uwi ng asawa’t mga anak, lahat ay nagsipag-upo, ang iba ay pumasok sa kwarto, ang iba ay diretso sa sala ngunit lahat ay abala sa kani-kaniyang mga cellphone. Nagtaka silang lahat nang mapansing magulo ang bahay, tambak ang mga hugasin, pati na ang mga labada. Hinanap nila si Nanay Rosa ngunit bigo silang makita ang ina.
“Baka nagpunta lang ‘yon sa kumare niya diyan sa labas. Hintayin na lang natin,” wika ng asawa sa mga anak.
Gabi na kaya lahat ay gutom na. Isa-isang pumunta ang mga anak pati na ang asawa sa kusina ngunit pagkakita’y wala pa ring pagkain sa hapag-kainan pati na si Nanay Rosa. Dahil dito, pilit nilang kinontak ang ina ngunit hindi nila ito matawagan. Upang maibsan ang gutom, bumili na lamang sila ng lutong ulam sa labas at nagsaing para makakain. Lahat sila ay umaasa na ang ina ay muli na nilang masisilayan pag-gising.
Dumating ang kinaumagahan, dahil walang tigagising ay tanghali na nagsibangon ang lahat. Dali-daling nagsibihis at nang magpunta sa kusina, ganoon pa rin ang lagay nito. Walang pagkain, walang Nanay Rosa na naghahanda sa hapag.
Nang umagang iyon, pumasok silang kulang-kulang ang mga kagamitan, kasuotan, walang almusal, kulang din pati na ang kanilang araw. Ang kawalan ng presensiya ng kanilang ina ay labis na nakaapekto sa kanilang buhay.
Umuwi ng malungkot ang lahat. Hindi pa man nailalapag ang mga gamit, agad na nilang hinanap ang ina ngunit wala pa rin ito. Makalat, marumi, tuyot, walang buhay, wala sa ayos ang lahat. Halos mangiyakngiyak na ang bunsong anak habang hinahanap at pauli-ulit na tinatawag ang ina. Ang ama naman ay tuliro na dahil wala pa rin siyang balita sa asawa.
Pansamantala, ang asawa ni Nanay Rosa muna ang nagluto para sa kanilang hapunan. Ang mga anak na estudyante naman ay napilitang magtulong-tulong upang malinis ang kanilang bahay. Ganoon din, ay sinimulan na ng mga nakatatandang anak ang paglalaba ng mga maruming damit. Tulong-tulong ang bawat isa upang malinis ang kanilang bahay. Habang ginagawa ito ng lahat, saka nila naisip kung gaano kahirap ang mga gawaing ito lalo na para sa kanilang nanay na mag-isa lang itong ginagawa.
Nang matapos na sa pagluluto ang ama, inimbitahan na nito ang lahat upang kumain. Habang nasa hapag na ang bawat isa, magsisimula na sana sila nang biglang narinig nilang humihikbi nang mahina ang bunsong anak.
“Oh, ‘nak. Bakit ka umiiyak?” tanong ng ama.
“Si nanay po ‘tay, namimiss ko na po si nanay,” saka biglang atungal na nang malakas.
Patuloy naman ang pag-alo sa kaniya ng mga kapatid at ama.
“Tay, naisip ko po na hindi man lang natin naitatanong kay nanay kung ayos lang ba siya, nalimutan na natin na pasalamatan siya, na iparamdam sa kaniya na mahal natin siya,” sambit naman ng panganay na anak.
“Totoo iyan mga anak. Sana ngayon, natutunan natin na araw-araw ay pasalamatan siya at ipakita sa kaniyang mahalaga siya,” tugon naman nito.
“Opo, ‘tay. Saka tulungan na natin si nanay sa mga gawaing bahay para hindi siya palaging pagod,” sabi pa ng isa.
Maya-maya pa ay nagulat sila nang magpakita na ang ina na noo’y nakikinig lamang pala sa kanilang pag-uusap. Parang maluha-luha ito dahil sa mga narinig mula sa kaniyang asawa’t anak.
“Nay!” sabay sabay na sambit ng mga anak at tumakbo papalapit sa ina upang yakapin siya.
“Nay, namiss ka po namin!” sabi ng isang anak.
“Nay, san ka galing, ‘nay? Bakit po ang tagal niyo umuwi, ‘nay?” wika naman ng isa pa.
“Mahal, nag-alala ako sa’yo,” dagdag naman ng asawa.
“Mga anak, mahal ko, pasensya na at napagod ako. Umuwi lang ako saglit sa kapatid ko upang magpahinga. Ngunit naisip kong muli na nanay ako at dapat tiisin lahat ng hirap para maalagaan kayong lahat, mali na pag-alalahin kayo. Pasensya na,” sagot naman ni Nanay Rosa.
“’Nay, hindi po. Kami po iyong nagkamali dahil hindi namin napaparamdam sa iyo na nagpapasalamat kami sa lahat ng pag-aalaga niyo sa amin at mahal ka namin,” mahinang tugon ng panganay.
“Pasensya na, ‘nay,” sabay-sabay na sambit ng mga anak.
“Pasensya na, mahal ko,” ganoon din ang kaniyang asawa.
Ngayong alam na nila ang hirap na hinaharap ng ina sa araw-araw ay sinikap ng pamilya na makibahagi sa mga gawaing bahay. Naging daan iyon upang maging mas malapit pa sila sa isa’t-isa.