Galing sa mahirap na pamilya si Monica, kaya naman labis na pagsisikap ang kanyang ginawa upang makapagtapos at maiahon niya sa hirap ang kanyang pamilya. Marami ang humahanga sa dalaga dahil bukod sa angking talino niya ay napakabait at maganda pa siya. Kaya naman napakataas ng tingin sa kaniya ng pamilya niya. Siya rin ang inaasahan ng mga ito na magtataguyod sa kanila.
Umalis siya sa kanilang probinsya na punong-puno ng pag-asa at pangarap at nagtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Isang buwang mahigit pa lamang ang nakalilipas mula nang siya ay makapagtapos ng kolehiyo. Masipag at matalino si Monica kaya naman nakapagtapos siya ng may maraming karangalang natanggap.
“Monica hija, pagpasensiyahan mo na at maliit lang din ang bahay namin at itong maliit na kwarto na lamang ang bakante at maari mong magamit,” paghingi ng paumanhin sa kaniya ng kaniyang tiyahin. Dinala siya nito sa isang maliit na kwarto sa may bandang dulo ng bahay.
Pansamantalang makikitira muna siya sa kapatid ng kanyang ina na habang naghahanap pa ng trabaho. Hindi niya masyadong kilala ang kanyang tiyahin, pero sa pagkaka-alam niya ay mabait naman ito. Ngayon lang niya kasi ito nakita at makakasama dahil hindi naman ito umuuwi sa kanilang probinsya.
“Naku, ‘wag po kayong mag-alala sa’kin. Ayos na po ako dito, tiya. Maraming salamat po sa pagpapatira ninyo sa’kin dito. Pangako po ‘pag makahanap na po ako ng trabaho ay babawi po ako sa kabutihang loob niyo,” masiglang tugon ni Monica sa tiyahin.
“Oh sige ha, aasahan ko ‘yan,” nangiting pahayag nito, “O siya, ilagay mo na ang mga gamit mo sa loob at kumain ka na para makapagpahinga ka na pagkatapos.”
Mangingisda ang ama ni Monica habang nagtitinda naman sa palengke ang kanyang ina. Nakatira lamang sila sa isang maliit na kubo kasama ang apat niya pang nakababatang kapatid. Mahirap man ang buhay nila ay sinisigurado naman ng kanilang mga magulang na sila ay nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi naging hadlang ang kahirapan nila upang mangarap ng mataas si Monica.
Nagsumikap talaga siya at nag-aral ng mabuti upang makapagtapos. Ipinangako niya sa kanyang sarili na siya ang mag-aahon sa kaniyang pamilya sa kahirapan. At ito nga, nakapagtapos na siya! Para kay Monica ay ito na ang simula ng pag-abot niya sa kanyang mga pangarap.
Kinabukasan ay maagang bumangon ang dalaga upang tumulong sa mga gawaing bahay bago umalis upang maghanap ng trabaho. Bilang pasasalamat na rin sa pagpapatira sa kaniya ng kaniyang tiyahin.
“Oh tiya, halina na po kayo at ipinaghanda ko na po kayo ng almusal,” masayang bati niya sa tiyahin niyang mukhang kagigising lang.
“Aba, napakaaga mo naman atang nagising at naunahan mo pa ako. Nakakatuwa ka namang bata ka,” mukhang nagagalak ang kanyang tiyahin sa kanyang ginawa. Bigla niya tuloy na-miss ang nanay niya. Nakaramdam siya ng lungkot at pangungulila sa kanyang pamilya ngunit pilit niyang nilabanan ang nararamdaman.
Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob! Pumunta siya ng Maynila para sa pangarap niya. Para sa pamilya niya. Titiisin niya ang lahat para sa mga ito.
Naka-ilang kompanya na si Monica ngunit hindi pa rin siya pinapalad na matanggap. Lumipas na ang mahigit isang buwan ay wala parin siyang nahahanap na trabaho. Hindi niya maintindihan kung bakit. Ang akala niya ay madali lamang siyang matatanggap dahil sa matataas naman ang kanyang markang nakuha noong siya’y nag-aaral pa.
“Girl, kung ako sa’yo ay hindi na ako mag-aaksaya pa ng pahanon o lakas na mag-apply dito o sa ibang kompanya sa posisyong iyan. Hindi ka nila kukunin dahil s’yempre, kukunin nila ang mga tulad naming nanggaling sa mga kilalang unibersidad kaysa sa’yong galing probinsya lang duh,” mataray at nangmamaliit na pahayag ng isang sobrang puting babae habang nakatayo sa harap niya habang nakahawak pa sa kanyang beywang. Mukhang naghihintay din ng resulta ng interview nila.
Ilang sandali lang ay tinawag na sila at gaya nga ng sinabi ng babae, ay ito at ang mga kasamahan nito ang natanggap. Pinanghinaan na ng loob si Monica. Bakit ganito ang nangyayari sa kaniya? Napakamalas niya naman ata.
Pagkauwi niya ng bahay ay naabutan niyang nag-aaway ang tiya niya at ang asawa nito. Tila nakainom pa ata ang kanyang tiyuhin.
Nag-aalinlangan siyang pumasok ng bahay nang makita siya ng kaniyang tiyo at sinigawan.
“Hoy Monica, hanggang ngayon hindi ka pa rin nakakahanap ng trabaho?! Akala mo kung sinong magaling eh napaka-walang kwenta mo naman pala! Aba at mahigit isang buwan ka nang palamunin dito ha?! Hanggang kailan ka makikisiksik at magiging pabigat sa’min?!” tiningnan niya ang tiyahin ngunit nakayuko lamang ito at hindi makatingin sa kanya.
Napakabigat ng dibdib niya pero sobrang nahihiya na rin siya sa mga ito kaya naman napag-desisyunan niya na lamang umalis. Hiyang-hiya man ay nagpaalaman pa rin siya ng mabuti sa tiyahin at sa asawa nito.
“Maraming salamat po sa pagpapatira niyo sa’kin dito. Pasensiya na po kayo kung naging pabigat man ako sa inyo. Sana po balang araw ay makabawi po ako sa kabutihang loob ninyo. Mag-iingat po kayo palagi, aalis na po ako,” paalam niya sa tiyahin at sa asawa nito.
Habang naglalakad ng hindi alam ang patutunguhan ay nanariwa sa isip ni Monica ang mga araw sa probinsya kasama ang kanyang pamilya. Mahirap man ang buhay nila ay masaya naman sila. Gusto niya tuloy makita ang mga ito.
Hindi na napigilan ni Monica ang sarili at napaiyak na lamang siya. Pakiramdam niya ay susuko na siya, parang hindi niya na kaya. Takot na takot siya at masyado na siyang nadidisappoint sa sarili niya.
Naupo siya sa isang upuan sa isang plaza malapit sa bahay ng kanyang tiyahin. Habang umiiyak siya ay may napansin siya matandang babae, lumapit ito sa kanya at inilahad ang kanyang palad. Kanina niya pa ito nakikitang humihingi ng limos sa mga dumadaang tao ngunit walang pumapansin sa matanda.
“Ineng, ano kasi… nawawala ako. Hindi ko alam kung paano uuwi. Maaari mo ba akong tulungan?” tanong sa kanya ng matanda. Agad na pinahid naman ni Monica ang luha sa kanyang mga pisngi at ngumiti sa matanda.
“Ah sige po. Alam niyo po ba ang address niyo?” tanong niya sa matanda.
“Hindi eh. Hindi ko alam. Ano kasi ineng, may sakit ako. Hindi ko namalayan na lumabas pala ako at ng napansin ko na lamang na nandito na ako. Tulungan mo naman akong makabalik sa pamilya ko,” naluluhang sagot sa kanya ng matanda.
Naawa naman ang dalaga sa matanda kaya sinamahan niya ito sa pinakamalapit na police station at nagfile ng report. Mabuti na lamang at agad ding nacontact ang pamilya ng matanda dahil ilang oras na rin pala itong hinahanap.
“Nako hija, maraming salamat talaga sa pagtulong mo sa aking mama! Tinatanaw namin itong isang malaking utang na loob. Kung hindi dahil sa’yo ay baka kung ano na ang nangyari sa aking mama,” puno ng pasasalamat na pahayag ng isang ginoong nasa singkwenta na ang edea.
“Nawawala kasi si lola kaya naman hinahanap namin siya. May Alzheimer’s Disease kasi ang lola kaya naman madalas ay hindi niya maalala kung sino siya o kung saan siya nakatira. Kahit kami ay madalas niya na ring makalimutan,” malungkot na paliwanag naman ng binatang nasa tabi ng ginoo. Marahil ay anak niya ito.
“Ganun po ba? Mabuti na lang po pala at walang ibang masamang nangyari kay lola bago nagtagpo ang aming mga landas,” sinserong tugon niya sa mga ito.
“Kaya nga nagpapasalamat kami sa’yo hija. Paano ba namin masusuklian ang iyong kabutihang loob?” tanong nito sa kanya.
Nakita ng lalaki ang kanyang mga dalang gamit kaya naman wala na siyang nagawa kundi sabihin ang totoo dito. Pansamantala naman siyang pinatira sa tahanan nito at tinulungan din siyang makapasok sa isang kilalang kompanya bilang pasasalamat sa kanyang kabutihang nagawa sa ina nito.
“Sir, maraming salamat po sa tulong niyo. Hinding-hindi ko po kayo ipapahiya. Pag-iigihan ko po ang trabaho ko, hindi ko po kayo bibiguin,” labis na pasasalamat at pangako niya sa lalaking tumulong sa kanya.
“Hija, hindi lahat ay gagawin ang iyong nagawa. Tingnan mo nga, ilang oras nang palaboy-laboy ang mama pero wala man lang pumansin sa kanya at nag-abalang tumulong maliban sa’yo. Karapat-dapat ka sa gantimpalang ito. Pero hija, aasahan ko iyang mga pangako mo, ha? Pag-igihan mo sana ang trabaho mo,” nakangiting sagot nito sa kanya. Masayang tumango naman ang dalaga bilang sagot sa lalaki.
Tinupad ni Monica ang kanyang pangako at pinag-igihan talaga ang kanyang trabaho. Pinatunayan niya ang kanyang kakayahan sa kompanya kaya agad-agad din siyang natanggap at kaagad ding na-promote. Madalas siyang tanghalin bilang employee of the month sa kanilang kompanya na labis ding ikinatutuwa ng lalaking tumulong sa kanya. Gaya kasi ng pangako ng dalaga, hindi siya nito ipinahiya at binigo.
Unti-unting umahon sa kahirapan ang pamilya ni Monica dahil sa kanyang pagsisikap. Sinuklian niya ang kagandaang loob ng pamilyang tumulong sa kanya sa pamamagitang ng pagtratrabaho ng maayos at pagiging tapat sa kompanyang pinagtratrabahuan at paminsan-minsan ay dinadalaw niya rin ito sa kanilang tahanan. Kahit na gusto pa siyang kunin ng mga kalabang kompanya, nanatili pa rin siya dito bilang patunay ng kanyang katapatan sa mga ito.
Binalikan niya din ang tiyahin at ang pamilya nito upang magpasalamat dahil kahit sa sandaling panahon lang ay pinatira siya ng mga ito sa kanilang tahanan.
Madalas ay pinanghihinaan tayo ng loob sapagkat hindi natin agad makuha ang gusto natin. Akala natin ay madali lamang ito ngunit taliwas sa ating inaasahan ay hindi pala. Walang madali sa mundong ito pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at patuloy lang lumaban. Magtiwala lamang tayo sa plano ng Diyos para sa atin at siguradong maaayos din ang lahat. Ituloy lang natin ang laban.
Nawa’y kahit gaano kahirap ang ating maging sitwasyon ay huwag nating makakalimutang maging mabuting tao at tumulong sa mga nangangailangan. ‘Wag din sana nating kalimutang magpasalamat sa mga taong tumulong sa atin sa panahong kinakailangan natin. Gaano man kaliit ang tulong na naibigay nila ay dapat pa rin natin itong suklian. Huwag tayong magtatanim ng sama ng loob sa ating kapwa, sapagka’t sa huli ay tayo din lang ang mahihirapan.