
Pinalayas ng Ginang na Ito ang Pilay na Ama, Hindi Siya Makapaniwala sa Balitang Natanggap
“Anong wala kang pera, ha? Hindi ba’t nagtitinda ka ng balut at penoy? Ano ‘yon, wala kang kinikita sa pagtitinda?” mataray na tanong ni Velma sa kaniyang ama, isang umaga nang hinihingian niya ito ng pera pangbayad sa kanilang mga bayarin sa bahay habang sila’y nag-aalmusal.
“Eh, anak, sakto lang ang kinikita ko pambili ng mga gamot ko, pasensiya ka na,” nakatungong sagot nito sa kaniya.
“Papa, naman! Ako na nga ang sumasagot ng pagkain at upa mo kahit may sariling pamilya na ako, eh, tapos kahit konting ambag sa pambayad ng kuryente at tubig walang maibigay!” bulyaw niya rito saka padabog na ibinigay dito ang tinimpla niyang kape.
“Pasensiya na, anak,” tanging sambit nito saka hinigop ang naturang kape.
“Huwag mo akong matawag-tawag na anak! Kahit kailan naman hindi ka naging tatay para sa akin! Bakit ba kasi hindi na lang ikaw ang yumao, bakit si mama pa!” sigaw niya pa dahilan upang mag-iyakan na sa takot ang dalawa niyang anak at siya’y awatin na ng kaniyang asawa.
“Sobra ka naman, Velma,” sagot nito dahilan upang lalo siyang manggalaiti.
“Anong sobra? Ikaw ang sobra! Sobrang pabigat na! Lumayas ka na sa pamamahay ko!” bulyaw niya pa saka niya ito hinila palabas ng kaniyang bahay habang ito’y iika-ikang binabalanse ang katawan gamit ang saklay.
Sa apat na magkakapatid, ang bunsong si Velma ang siyang kumupkop sa may kapansanan niyang ama simula nang mangibang-bayan ang kaniyang mga kapatid dahil sa iba’t ibang negosyo ng mga ito.
Ayos naman sa kaniya na patirahin ang kaniyang ama sa kanilang bahay noong mga unang taon, kaya lang, nang bumagsak ang kaniyang negosyo at hindi man lang siya magawang matulungan ng kaniyang mga kapatid, doon na unti-unting nagbago ang ugali niya tungo sa kaniyang ama.
Ito ang siyang sinisisi niya sa nalugi niyang negosyo dahil nang ito’y maospital, lahat ng naipon niyang pera, naipangbayad niya sa pagpapagamot at pangbili sa mga gamot nito. Bukod pa roon, napabayaan niya ang kaniyang negosyo para lang maalagaan ito.
Humingi man siya ng tulong sa mga nakatatanda niyang kapatid upang may kapalitan siya sa pagbabantay at pag-aalaga rito at upang mapagtuunan niya rin ng pansin ang kaniyang negosyo, palaging sambit ng mga ito, “Magpapadala na lang kami ng pera,” dahilan upang tuluyan niyang mapabayaan ang kaniyang negosyo.
At ngayong siya’y gipit na, hindi niya maiwasang mag-init ang ulo sa tuwing makikita ang amang iika-ikang naglalakad gamit ang saklay nito at walang maibigay na pera sa kaniya.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang palabasin sa kaniyang bahay ang kaniyang ama, sinunod niyang ilabas lahat ng gamit nito at ikandado ang kanilang bahay. Pilit man siyang pigilan ng kaniyang asawa dahil ito’y naaawa sa kaniyang ama, sambit niya, “Tumahik ka kung ayaw mong mapalayas din!” dahilan upang siya’y hayaan na lamang nito.
Ilang linggo ang lumipas, hindi na nga tuluyang nagpakita ang kaniyang ama. Nabalitaan ito ng kaniyang mga kapatid dahilan upang labis na magalit sa kaniya.
“Sana kasi pinakinggan niyo ako noong kailan ko ng tulong! Kung gusto niyong mahanap ang tatay niyo, gumawa kayo ng paraan! Basta ako, tapos na ako sa pag-aalaga sa pabigat na ‘yon!” sambit niya sa mga ito saka niya pinutol lahat ng koneksyon sa mga ito.
Ilang buwan ang lumipas, bigla siyang dinalaw ng kaniyang kumare. Buong akala niya’y ito’y mangungutang dahilan upang pagtaguan niya ito ngunit nang sumigaw itong, “Nanalo sa lotto ang tatay mo at ngayo’y may mansyon na!” dali-dali niya itong nilabas at kinausap.
Tinuro nito sa kaniya kung nasaan ang kaniyang ama at hindi siya lubos makapaniwala nang makitang itong lulan ng isang magarang sasakyan paalis ng naturang mansion.
“Pa-papa!” tawag niya rito, “Bakit naman hindi mo ako binalitaan na nanalo ka sa lotto? Pupwede ba akong makasakay d’yan, papa?” dagdag niya pa dahilan upang ito’y mapangisi.
“Papa? Hindi ba’t sabi mo, kahit kailan hindi ako naging ama sa’yo?” sambit nito dahilan upang siya’y mapahiya at mapayuko, “Salamat na lang talaga sa pulubing nagbigay sa akin ng bente pesos noong araw na ‘yon. Kung hindi, siguro ngayo’y wala na akong buhay sa kalsada habang kayong magkakapatid, payapang natutulog sa malambot na kama,” dagdag pa nito habang yakap-yakap ang isang batang katabi nito saka na nito pinaandar ang sasakyan sa draybber nito.
Doon niya labis na napagtantong lahat silang magkakapatid, nagkulang sa kanilang ama. May kapansanan na nga ito at matanda na, hinayaan pa nilang manirahan sa kalsada na labis niyang pinagsisisihan ngayon pati na ng kaniyang mga kapatid.