Nakuhanan ng Bidyo ng Lalaking Ito ang Isang Malagim na Pangyayari, Bakit Kaya Siya Pinipigilan ng Sariling Ina?

“Ano? Nakuhanan mo ng bidyo ang nangyaring kr*men d’yan sa may kanto natin?” paglilinaw ni Badet sa sinabi ng kaniyang anak, isang gabi matapos pumutok sa kanilang lugar ang kr*meng nangyari sa tapat ng bahay ng kanilang kapitan. 

“Opo, mama, kuhang-kuha sa bidyo ko kung paano nagmakaawa si kapitan sa lalaking babaril sa kaniya, ang tuluyang pagbaril nito sa kaniya at ang plate number ng ginamit na sasakyan nang suspek para tumakas. Gusto niyo po bang mapanuod?” kwento ni Ryan sa kaniyang ina dahilan upang mapaupo ito at mapabuntong-hininga. 

“Diyos ko, anak, burahin mong lahat ‘yan! Hindi ka ba natatakot na baka ikaw ang balikan niyan?” galit na tanong nito sa kaniya habang pinipilit na kunin ang selpon niya. 

“Mas natatakot po ako na hindi makuha ni kapitan ang hustisya,” sagot niya habang iniiwas ang selpon sa kamay ng ina.

“Tumigil-tigil ka, ha! Burahin mo ‘yan, Ryan! Ayokong masasangkot ka sa pagtunton sa suspek na ‘yon dahil ayokong mapahamak ka pati ang buong pamilya natin!” sigaw nito sa kaniya saka muling sumalampak sa kanilang sofa.

“Pero, mama…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na siyang binato nito ng tsinelas. 

“Kung hindi ka makikinig, ipapadala kita sa probinsya!” bulyaw nito saka mabilis na inagaw ang kaniyang selpon at agad na nagtungo sa kaniyang silid dahilan upang mapailing na lang siya.

Nasaksihan ng binatang si Ryan ang pagtapos sa buhay ng isang hindi makilalang lalaki sa kanilang kapitan sa tapat ng bahay nito, isang gabi habang siya’y pauwi galing trabaho. 

Advertisement

Hindi niya sadyang makuhanan ang buong pangyayari gamit ang kaniyang selpon dahil nakagawian na niyang bidyuhan ang sarili sa kung ano mang ginagawa niya at ito’y inilalagay niya sa internet upang kumita ng pera.

Noong araw na ‘yon, masaya niyang kinukuhanan ng bidyo ang sarili habang kinukwento niya kung ano ang mga nangyari at ginawa niya ngayong araw.

Nang matanaw niya ang kanilang kapitan na malapit sa puso niya dahil lagi siya nitong binabati at binibigyan ng pera tuwing Pasko noong siya’y bata pa, labis siyang nagalak. Sabi niya pa sa sarili, “Ayun, sakto, si Kap! Makumusta nga!” habang tinututok niya rito ang kaniyang selpon. 

Ngunit bago pa man siya makalapit sa kanilang kapitan, may isang puting sasakyan na ang tumigil sa harapan nito at may lalaking bumaba mula rito saka agad na tinutukan ng baril sa ulo ang kanilang kapitan dahilan upang agad siyang magtago sa isang sa mga nakaparadang sasakyan hindi kalayuan dito.

Kitang-kita at rinig na rinig niya ang mga huling katagang sinabi nito habang nakaluhod at nagmamakaawa sa naturang lalaki, “Parang-awa mo na, maraming umaasa sa akin,” ngunit hindi ito nakinig at agad na pinutok ang baril sa ulo nito dahilan upang bigla niyang mabitawan ang selpon at mapayuko sa lugar na pinagtataguan niya.

Nanginginig niyang muling pinulot ang kaniyang selpon saka agad na pinuntahan ang kanilang walang buhay na kapitan na ngayo’y pinalilibutan na ng mga taong nakikiusyoso. 

Maya maya pa’y dumating na ang mga pulis at ambulansya dahilan upang agad siyang umuwi at magmuni-muni sa kaniyang silid.

Napag-isipan niyang gumawa ng maraming kopya ng naturang bidyo upang makatulong sa pagtunton sa suspek saka niya ito sinabi sa kaniyang ina.

Advertisement

Hindi naman niya ito masisi sa takot na nararamdaman nang ikwento niya ang nasaksihan dahilan upang respetuhin niya ang pakiusap nito na huwag siyang mangialam sa kaso.

Kaya lang, kinabukasan, habang siya’y nakain ng tanghalian sa isang karinderya hindi kalayuan sa kaniyang trabaho, may isang sibilyang pulis ang nakisalo sa kaniya.

“Nasaksihan mo ang pagp@slang kay kapitan, hindi ba? Nakita kita sa CCTV na kumukuha ng bidyo, pupwede ko bang makita?” pasimpleng sambit nito habang kumakain. 

“A-ayaw po ng nanay ko…” pag-aalinlangan niya. 

“Mananahimik ka na lang kasi ayaw ng nanay mo? Paano naman ‘yong buhay na nawala?” pangongonsensya nito dahilan upang hindi kalaunan, mapapayag siya nitong ipakita ang bidyong nakuhanan ngunit nakiusap siyang huwag itong sabihin sa kaniyang ina. 

Labis na nagpasalamat sa kaniya ang naturang pulis at ilang saglit lang, agad na itong umalis.

Ilang oras pa ang lumipas, umuwi na rin siya sa kanilang bahay ngunit labis siyang nagtaka dahil may mga patrol ng pulis doon.

“Naku, sabi ko na kay Chief, huwag sasabihin sa nanay ko!” sambit niya saka agad na tumakbo papasok ng kanilang bahay at doon tumambad sa kaniya ang kaniyang inang nakadapa sa sahig habang nakaposas pati na ang pake-paketeng ipinagbabawal na gamot dahilan upang labis siyang magtaka. 

Advertisement

“Pasensiya ka na, Ryan, nanay mo pala ang utak ng kr*meng ‘yon dahil napag-alamanan niyang malapit na siyang ipadampot ni Kapitan sa amin dahil sa pagbebenta niya ng mga ito,” sambit sa kaniyang ng naturang pulis habang tinuturo ang mga gamot na nasa tabi ng ina. 

Ganoon na lamang siya nanlambot sa pangyayaring iyon. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magsisi dahil makukulong ang kaniyang ina o tama lang ba ang kaniyang ginawa.

Naliwanagan siya nang kausapin siya ng kaniyang ina bago ito isakay sa patrol, “Tama ang ginawa mo, anak, wala kang kasalanan. Mali ito at dapat kong pagdusahan. Masaya akong napalaki kita ng tama,” dahilan upang siya’y mapaiyak nang husto.