Inday TrendingInday Trending
Tinutuksong Mataba ng Dalagang ito ang Kaniyang Kapatid, isang araw, Labis Siyang Nakonsensya sa Nasaksihan

Tinutuksong Mataba ng Dalagang ito ang Kaniyang Kapatid, isang araw, Labis Siyang Nakonsensya sa Nasaksihan

“Hoy, ikaw, Gina, ha, tigil-tigilan mo ang panloloko sa kapatid mo, ha? Malilintikan ka na talaga sa akin! Halos araw-araw sa ginawa ng Diyos, palagi na lang ‘yon umiiyak! Kapag tinatanong ko, ang palaging sagot, “ayoko na po mabuhay, mama, amoy at katawang baboy raw ako sabi ni ate!” Imbis na ikaw ang magtanggol sa kaniya sa mga bully, ikaw pa ang nang-bubully!” sermon ni Hilda sa panganay niyang anak habang ito’y nag-aaral sa silid, isang gabi nang marinig niya na naman ang atungal ng kaniyang bunsong anak.

“Totoo naman ang sinasabi ko, eh. Sinasabi ko ‘yon para mag-ayos siya ng katawan. Nagdadalaga na siya kailangan na niya magdiet at maglinis ng katawan,” kalmadong sagot ni Gina habang abala sa pagsusulat ng mga dapat niyang pag-aralan.

“Kahit na, sabihin mo nang maayos!” bulyaw pa nito dahilan upang siya’y marindi.

“Oo na, sige na, ako na ang mali. Doon ka na, mama, nag-aaral ako,” taboy niya sa ina saka ito pilit na tinulak palabas ng kaniyang silid.

“Isang beses pa, ha, papalayasin talaga kita sa bahay na ‘to!” panakot nito sa kaniya bago tuluyang lumabas ng kaniyang kwarto dahilan upang siya’y mapairap.

“Ready na ang damit ko!” pilosopo niyang sagot saka muling nagpatuloy sa pag-aaral.

Walang araw na hindi kinukutsa ng dalagang si Gina ang kaniyang bunsong kapatid. Tuwang-tuwa kasi siya sa tuwing aatungal na ito na para bang baka kapag sinasabi na niya itong amoy at mukhang baboy.

May katabaan kasi ito, maliit at mamula-mula ang mapipintog na pisngi dahilan upang tuksuhin niya ito at bukod doon, napapansin niya pang nahahawig ang amoy nito sa isang baboy.

Sa katunayan, kapag nakakasalubong niya pa ito sa kanilang barangay o kahit saan man niya ito makita, mag-isa man ito o kasama ang ilang kaibigan, sisigaw siya ng, “Baboy! Balik na sa kulungan mo, yari ka na kay mama!” dahilan upang palagi itong mapahiya at tumakbo pauwi sa kanilang bahay habang siya, maiyak-iyak sa katatawa.

Ito ang dahilan upang halos araw-araw din siyang pagalitan at pagsabihan ng kaniyang ina. Ang lagi niyang rason, “Gusto ko lang na maging sensitibo na siya sa kaniyang itsura dahil nagdadalaga na siya,” pero ang totoo, natutuwa lang talaga siya sa itsura ng kaniyang kapatid na para bang maliit na biik na naglalakad.

Noong gabing iyon, matapos siyang bulabugin ng sermon ng kaniyang ina, agad na siyang bumalik sa pag-aaral para sa pagsusulit niya kinabukasan. At dahil nga ito’y isang malaking pagsusulit, inabot siya ng madaling araw upang mapag-aralan lahat ng kanilang leksyon sa buong semestre.

Bandang mga alas tres ng madaling araw, nakaramdam siya ng kalam ng sikmura dahilan upang agad siyang bumaba sa kanilang kusina upang kumuha ng makakain.

Ngunit kakalabas niya pa lang, halos mawalan siya ng hininga nang makita niyang may aninong naglalakad pababa ng kanilang hagdag. Pero maya maya, napagtanto niyang kapatid niya ito dahil sa hubog ng katawan nito.

Patungo rin ito sa kanilang kusina dahilan upang mapailing na lang talaga siya, “Ang kapatid ko talaga, napakatakaw kaya sobra ang lapad, eh!” Gugulatin niya pa lang sana ito nang marinig niyang humihikbi ito habang patungo sa kanilang lababo.

Pasimple niya itong sinundan at pinagmasdan ang maaaring gawin nito sa lababo. Doon niya nakitang sinundot nito ang sariling lalamunan gamit ang hintuturo upang masuka dahilan upang labis siyang maawa.

“Ayoko na, ayoko nang maging mataba! Pero anong gagawin ko kung palagi akong nagugutom? Nakakainis!” sambit nito sa sarili sa gitna ng mga paghikbi dahilan kaya labis siyang nahabag at makaramdam ng pangongonsensya.

Doon niya napagtantong napakalaki pala talaga ng epekto ng mga panunukso niya sa kaniyang kapatid.

Niyakap niya ito mula sa likuran, labis itong nagulat kaya agad siya nitong tinulak palayo.

“Tutuksuhin mo na naman ako sa mga narinig mo?” tanong nito sa kaniya habang pilit na pinipigil ang pag-iyak, umiiling-iling lang siya saka muling niyakap ang kapatid.

“Pasensiya ka na, ha, kung si ate pa ang nangungunang magbaba sa’yo,” wika niya saka hinigpitan ang yakap sa kapatid.

Simula noon, imbis na paulanan ng tukso at katatawanan ang kapatid, sinama niya ito sa pag-eehersisyo niya tuwing gabi pagkagaling sa eskwela.

Lagi niya na rin itong sinasabayang kumain upang mapigilan niya ito sa sobrang pagkain. Palagi na niya itong binibili ng prutas at gulay, kapalit ng mga tsokolate at chichiryang lagi nitong kinakain na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.

Hindi man agad na bumaba ang timbang ng kaniyang kapatid, laking tuwa niya nang makitang unti-unti itong bumabalik sa dating masiyahing dalaga.

Advertisement