
Ikinahiya ng Dalagang ito ang Kaniyang Nobyo dahil sa Trabaho Nito, Natauhan Siyang Swerte pala Siya Rito
“Kailan mo ba ipapakilala sa amin ang nobyo mo, Hannah? Ang tagal-tagal niyo nang magkarelasyon, hanggang ngayon, hindi mo pa ‘yon sinasama sa mga date natin! Ikaw lang tuloy ang walang kapareha sa mga pagsasalo natin katulad ngayon!” sambit ni Gwen sa kaniyang kaibigan pagdating nito at napansin niyang mag-isa na naman itong dumating, isang gabi nang mag-imbita siya sa kaniyang bahay para sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan.
“Ah, eh, abala kasi ‘yon sa trabaho niya kaya hindi ko na sinasama. Imbis na samahan niya ako sa mga pagsasalo-salo natin, hinahayaan ko na lamang siyang magpahinga. Mas kailangan niya ‘yon, eh, kaysa magsaya sa ganitong pagdiriwang,” paliwanag ni Hannah habang isinasalansan sa lamesa ang dala-dala niyang mga lumpiang shanghai.
“Ang bait mo naman palang nobya! May ganyan ka pa lang ugali, ano?” biro nito dahilan upang magtawanan ang iba pa nilang kaibigan at dahil dito natapik niya ito sa braso saka sila nagtawanang dalawa, “Teka, ano bang trabaho niya at parang pagod na pagod siya? Daig niya pa ang negosiyante kong nobyo na halos araw-araw, nangingibang-bansa, ha?” tanong pa nito kaya bahagyang nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi.
“Basta, hindi na mahalaga ‘yon!” pabiro niyang sambit saka muling tinapik sa braso ang kaniyang kaibigan.
“Malihim ka talaga, ha? Sige na nga! Simulan na natin ang kasiyahan!” sigaw nito saka agad nang niyaya ang iba pa nilang kaibigan kasama ang nobyo ng mga ito na magpunta na sa lamesang iyon.
Labis na nililihim ng dalagang si Hannah ang pagkatao ng kaniyang pangkasalukuyang nobyo. Kahit itsura o pangalan nito, hindi niya hinahayaang malaman ng kaniyang mga kaibigan. Bilang sa kaniyang mga daliri ang nakakakilala rito dahil sa lihim niyang dahilan.
Isa kasi itong janitor sa ospital. Marangal naman kung tutuusin ang trabaho nito kaya lang, pakiramdam niya, kung sasabihin niya ito sa kaniyang mga kaibigan, kung hindi siya pandidirihan ng mga ito, papayuhan siya ng mga itong hiwalayan ang naturang binata at humanap ng mayamang lalaking makakapagbigay sa kaniya ng maalwang buhay.
Pawang mga negosiyante at doktor pa naman ang nobyo ng kaniyang mga kaibigan dahilan upang labis siyang mahiyang ipakilala ang nobyo niyang ito na walang maipagmamalaki sa mayayamang nobyo ng mga ito.
Hindi naman niya ito magawang hiwalayan dahil sa bait at sipag nito na labis na nagpamahal sa kaniya. Kaya naman, imbis na maputol ang kanilang relasyon, tinatago niya na lamang ito.
Noong araw na ‘yon, habang sila’y sabay-sabay na kumakain, labis pa rin siyang pinipilit ng kaniyang mga kaibigan na isama niya kahit minsan ang kaniyang nobyo. Sumasang-ayon lamang siya upang maiba na ang kanilang usapan.
Ngunit, habang sila’y kumakain, napansin niyang ibang-iba ang trato ng mayayamang binata sa kaniyang mga kaibigan.
Katulad na lamang ng nobyo ng kaibigang si Gwen na walang ginawa kung hindi ang sigawan ito sa tuwing pinipigilang magselpon sa harap ng pagkain.
Kapag nahilig naman sa balikat ng nobyo ang kaniyang isa pang kaibigan, agad na iiwas ang lalaki at sasabing, “Huwag ka ngang masyadong malandi! Ang dami-daming tao rito, pinapakita mo ang kalandian mo!”
At higit sa lahat, labis siyang nasaktan para sa pinakabata niyang kaibigan nang sampalin ito ng kaniyang nobyo dahil lamang sa maliit na pagtatalo.
Dahil sa mga pangyayari iyon, ganoon na lamang siya natauhan na hindi niya dapat ikinakahiya ang kaniyang nobyo. Wala man itong maipagmalaki katulad ng mga binatang nobyo ng kaniyang mga kaibigan na sandamakmak ang pera sa bulsa, kahit kailan, hindi siya nito napagtaasan ng boses, napahiya sa harap ng tao at lalo’t higit, hindi siya nito pinagbuhatan ng kamay. Bagkus, palagi siya nitong nirerespeto at sinusuportahan sa lahat ng nais niya sa buhay.
Wika niya sa sarili habang pinagmamasdan kung paano amuhin ng kaniyang mga kaibigan ang mga binatang hindi marunong rumespeto ng babae, “Ako pala ang pinakaswerte sa aming magkakaibigan.” Saka niya mag-isang tinuloy ang pagkain sa mahabang lamesang iyon na puno ng mga pangmayamang pagkain.
Simula no’ng araw na ‘yon, sinama na niya sa mga salu-salo ang kaniyang nobyo. Kaunti at murang pagkain man ang ambag nito, labis siyang kinainggitan ng kaniyang mga kaibigan dahil sa bait at respetong pinapakita nito hindi lamang sa kaniya, ngunit pati sa kaniyang mga kaibigan.
“Dapat nga talaga ugali ang mahalin, hindi ang taba ng bulsa,” sambit ng kaibigan niyang si Gwen saka agad na hiniwalayan ang lalaking iyon.