Inday TrendingInday Trending
Laging Nagdadala ng Lutong Ulam ang Babae Para sa Kaniyang mga Kasamahan, at Upang Magpapansin sa Guwapong Boss na Kaniyang Kursunada; Mahulog Nga Kaya Ito sa Kaniya?

Laging Nagdadala ng Lutong Ulam ang Babae Para sa Kaniyang mga Kasamahan, at Upang Magpapansin sa Guwapong Boss na Kaniyang Kursunada; Mahulog Nga Kaya Ito sa Kaniya?

Tuwang-tuwa ang mga kasamahan sa trabaho ni Naomi nang dumating na siya. Agad nilang napansin ang malaking eco bag na bitbit nito; mukhang maraming lamang mga plastic container na naglalaman ng lutong-ulam.

“Hayan na ang biyaya! Mamamantikaan na naman ang mga bibig namin!” bulalas ni Joel, isa sa mga kuwelang katrabaho ni Naomi. Sumang-ayon naman ang iba pa at nagkulumpunan sa working space ni Naomi.

“Sandali lang mga kapatid, hinay-hinay lang, lahat kayo makakatikim ng aking espesyal na kare-kare!” malawak ang ngiti sa mga labi ni Naomi. Napa-wow naman ang kaniyang mga kasamahan.

Lalong naglaway ang kaniyang mga kasamahan nang ilabas na niya ang mga lalagyanang kinalalagyan ng mga sangkap. Inihiwalay niya ang mga gulay, tuwalya, at ang sarsang mani. At siyempre, hindi mawawala ang espesyal na bagoong-alamang na talaga namang inihanda niya kanina pang madaling-araw.

“Grabe Naomi, ang sarap! Amoy pa lang! Puwedeng-puwede ka na mag-asawa!” pabirong banat ni Sheryl. At nagsimula na ngang manudyo ang iba pa.

“Eh sino pa nga ba ang aasawahin, eh ‘di yung dahilan kung bakit siya laging nagluluto at nagdadala ng mga chibog!” bulalas naman ni Joel. Awtomatikong napadako naman ang tingin ng lahat sa iisang direksyon sa opisina—ang kanilang mabait, masipag, matalino, at guwapong superbisor, na noon ay abalang-abala sa loob ng espesyal na cubicle nito.

“Sige na Naomi, pagdalhan mo na si sir…. kami nang bahala sa mga tira-tira,” pabirong sabi ni Sheryl.

“Ano ba kayo? Para sa inyong lahat ito. Ubusin ninyo. Siyempre, pinagbukod ko na siya,” at inilabas ni Naomi ang isa pang mas maliit na eco bag na naglalaman ng lunchbox na may lamang kare-kare. Nagpalakpakan naman sila at napabanggit ng “Sana all!”

“Grabe ka Naomi, iba talaga… eh ‘di ikaw na!” natatawang banat sa kaniya ni Sheryl.

“Oh siya sige na… dalhin ko na sa kaniya,” kinikilig na sabi ni Naomi sa mga kasamahan. Kinuha niya ang maliit na eco bag at lumapit sa cubicle ng superbisor na si Paolo.

Lihim niyang pinagmasdan ang napakaguwapong boss. Mukhang abalang-abala ito habang nakaharap sa laptop.

Marahan siyang kumatok. Sumulyap naman ito sa bintanang salamin. Sumenyas na pumasok siya.

“Hi Sir Paolo, good morning! Puwede po ba kayo maistorbo?” nagpapa-cute na tanong ni Naomi sa kanilang superbisor na napakaguwapo at napakakisig.

“Sure, oo naman. Have a seat. Ano’ng concern natin?” tanong ni Paolo.

Concern po ako sa inyo… sigaw ng utak ni Naomi.

“Ah sir, gusto ko lang po sanang ibigay itong inihanda kong lunch para sa inyo. Pasensiya na po sa nakayanan ko,” sabi ni Naomi sabay abot kay Paolo ng maliit na eco bag na kinalalagyan ng kaniyang mga dalang putahe.

“Grabe, lagi kang may dala rito sa opisina. Ikaw ba ang nagluluto sa lahat ng mga dinadala mo rito sa opisina? Binubusog mo kami,” tanong ni Paolo.

“Opo sir, ganiyan ko po kayo kamahal. I mean, lahat po kayo…” saad ni Naomi.

Ang totoo niyan, si Paolo lamang ang gustong pagdalhan ni Naomi subalit upang hindi mahalata ng iba, lahat na lamang ay pinakakain niya. Nabasa niya kasi na upang makuha raw ang loob ng lalaki, dapat daw pakainin ito ng masasarap na putahe.

“Napakasarap ng mga niluluto mo, Naomi. I’m sure mapalad ang lalaking mapapangasawa mo kasi puwedeng-puwede ka na mag-asawa sa sarap ng mga niluluto mo. Napakamaasikaso mo pa. Masuwerte ang boyfriend mo,” papuri ni Paolo.

Bagay na kinakiligan naman ni Naomi.

“Single po ako sir, wala pa po akong boyfriend…”

“Ah talaga? Sa ganda mong iyan? Mabait pa at higit sa lahat, masipag at masarap… magluto. Mga katangiang hinahanap ko sa isang babae,” makahulugang saad ni Paolo.

Kinilig naman si Naomi. Syempre, hindi siya puwedeng magpahalata.

“Sige sir, lagi ko kayong paglulutuan huwag kayong mag-aalala. Saka, mamaya ko na lang po kukunin yung baunan, enjoy your meal!” masayang sabi ni Naomi.

Masayang-masaya si Naomi habang siya ay nagtatrabaho. Paulit-ulit na naririnig niya sa kaniyang isipan ang mga pahayag na sinambit ng kaniyang crush na boss. Batay sa kaniyang pananaliksik, mas gusto ng mga lalaki ang mga babaeng marunong magluto; oo nga naman, sila nga naman ang magluluto kasi para sa kanilang pamilya.

Subalit iyon ang akala ng lahat. Hindi talaga si Naomi ang nagluluto kundi ang kaniyang pinsang si Josie na nakikitira sa kanila. Hindi nila alam na ang mabait na Naomi na nakikita nila ay isa palang maldita.

“Hoy Josie! Walis-walisan na naman? Pumasok ka sa loob at magluluto ka pa. Aralin mo ang pagluluto ng picadillo. Kapag hindi iyan nagustuhan ng mga kasamahan ko, lagot ka sa akin,” mataray na utos ni Naomi nang siya ay umuwi na mula sa trabaho. Naabutan niya si Josie na naglilinis sa bakuran.

“Eh… ate… hindi po ako marunong niyan…”

Piningot ni Naomi ang kanang taynga ni Josie.

“Anong sabi mo? Sumasagot ka na ngayon? Kailan ka pa natutong magreklamo? Baka natatandaan mo Josie alila ka namin kaya wala kang karapatang magreklamo. Magpasalamat ka sa akin dahil pinagtitiyagan kitang patirahin dito. Kung hindi ka lang marunong magluto, hindi kita pagtitiyagaan ditong palamunin eh. Tatandaan mo iyan ha…” saka dinuro-duto ni Naomi ang sintido ni Josie, na mangiyak-ngiyak namang pumasok sa loob ng bahay upang simulan na ang paghahanda sa kaniyang gagawing pagluluto ng isang putaheng hindi naman niya alam.

“N-Naomi…”

Napatda si Naomi nang lingunin kung sino ang nagsalita mula sa kaniyang likuran. Halos gumuho ang kaniyang daigdig. Ang kaniyang crush na boss na si Paolo! Nakatingin lamang ito sa kaniya, at mukhang narinig nito ang lahat ng mga sinabi niya at mga ikinilos niya kay Josie.

“S-Sir Paolo! A-anong… anong ginagawa ninyo rito?” tila natutuyuan ng lalamunan si Naomi.

“Nakalimutan ko kasing i-abot sa iyo ang baunan na pinaglagyan ng niluto mong ulam kanina… I mean, yung niluto ng pinsan mo pala. Kaya minabuti kong isauli dito personally,” tugon ni Paolo. Iniabot nito ang pinaglagyang eco bag kung saan nakasilid ang hinugasang baunan.

“S-salamat sir, n-nag-abala pa kayo, p-puwede naman pong bukas na lang…” nauutal na sabi ni Naomi.

“Okay lang ‘yon. Mabuti nga’t naisipan kong magtungo rito. Naomi, hindi maganda ang ginagawa mo sa pinsan mo. Pinsan mo siya. Huwag mo siyang itratong iba sa inyo. Pangalawa, hindi mo dapat i-kredito para sa sarili mo ang ginagawa ng ibang tao para sa iyo. Siya pala ang nagluluto ng mga dinadala mo at hindi ikaw.”

Napahiya si Naomi at pakiramdam niya, na-turn off na si Paolo sa kaniyang mga ipinakitang asal at bistadong pagsisinungaling.

Doon na nahinto ang pagdadala ng pagkain ni Naomi para sa kaniyang mga kasamahan dahil hiyang-hiya siya sa kaniyang mga ginawa. Humingi rin siya ng tawad kay Josie at tinigilan na niya ang pagmamalupit na ginagawa niya rito.

Advertisement