Inday TrendingInday Trending
Buong Buhay ng Dalaga, Nanay Niya ang May Hawak sa mga Desisyon Niya sa Buhay Gayundin sa Pamamahala sa Kaniyang Sariling Pera; Anong Hakbang ang Gagawin Niya Upang Makawala Rito?

Buong Buhay ng Dalaga, Nanay Niya ang May Hawak sa mga Desisyon Niya sa Buhay Gayundin sa Pamamahala sa Kaniyang Sariling Pera; Anong Hakbang ang Gagawin Niya Upang Makawala Rito?

“Hindi, Grethel. Hindi mo papasukin ang negosyong iyan. Malay mo ba sa paghawak sa negosyo? Saka marami kang kakompetensiya. Baka mapaano lang ang pera mo sa ganiyan. Tigilan mo iyan.”

Napayuko na lamang si Grethel sa desisyon ng kaniyang inang si Gracia hinggil sa kaniyang pera. Buong buhay niya, si Gracia ang humahawak ng kaniyang mga ipong pera, at kahit na nasa hustong gulang na siya, hindi pa rin niya mapakialaman ang kaniyang sariling ipon. Sa katunayan, hindi lamang pahinggil sa kaniyang paghawak sa pera ang pinanghihimasukan nito kundi maging mga desisyon niya sa buhay.

Balak niya sanang magnegosyo at magtayo ng milk tea house mula sa kaibigang nagpapa-franchise. Subalit tutol na rito ang kaniyang ina.

“Ma, unang-una po, gusto ko lang po sana masubukan ang magnegosyo at mapaikot ang perang pinagtrabahuhan ko. Malay po ninyo, lumago at mapaikot pa natin nang lubusan ang pera, mas okay po iyon, tama po ba?” paliwanag niya.

“Sinasabi mo bang kinukupitan ko ang pera mo? Sinasabi mo bang ipinagdadamot ko sa iyo ang sarili mong pera? Aba Grethel, nagiging sumbatera ka na yata. Maghinay-hinay ka naman sa pananalita mo. Baka nakakalimutan mo ako ang nanay mo. Kahit na umabot ka pa sa edad na 100 o kaya mag-asawa ka na, hinding-hindi mawawala ang utang na loob mo sa akin. Kung hindi dahil sa aming mga ina, hindi kayo mabubuhay nang maayos na mga anak,” litanya ni Gracia.

At heto na naman sila. Kapag ganito na ang usapan, tumatahimik na lamang si Grethel. Ibinabala na naman ng ina ang pagtanaw ng utang na loob ng mga anak sa kanilang mga magulang. Subalit ang punto naman ni Grethel, 27 taong gulang na siya, at hindi naman ibig sabihin na siya na ang magdedesisyon sa kaniyang buhay, at binabastos o binabalewala na niya ang ina.

Kaya nang gabing iyon, isang desisyon ang ginawa niya. Palagay niya, ito na ang tamang panahon para gawin naman ang gusto niya. Sa mga nakalipas na panahon ay nakapag-impake na siya, at marami sa mga damit at gamit niya ay nadala na niya sa inupahang apartment. Paunti-unti, palihim na dinadala niya ang mga gamit doon. Magsasama na sila ng kaniyang kasintahang si Joel. Ginawa niyang senyales ang pagtutol ng kaniyang ina sa pagtatayo niya ng sariling negosyo. Sabi niya sa sarili, kapag tumututol ito, aalis na talaga siya sa poder nito. Kapag pumayag naman, mananatili siya sa kanilang bahay. Minabuti niyang gumawa ng liham upang ipaliwanag ang kaniyang sarili sa desisyong gagawin. Iniwan niya ito sa harapan ng refrigerator.

Lumipas ang tatlong taon. Tiniis niyang hindi makipag-usap sa kaniyang ina. Pinutol niya ang anomang komunikasyon dito. Nagpalit siya ng mga contact numbers, at nag-deactivate ng mga social media accounts. Nagbunga na rin ang pagmamahalan nila ni Joel. Sakitin ang kanilang anak kaya tutok na tutok siya. Ayaw niyang kung saan-saan ito nagpupunta, at sinasaway ito kapag lumalabas ng bahay upang makipaglaro sa mga kapitbahay. Kapag ganoon, naaalala niya ang kaniyang ina. Ganoong-ganoon kasi ang pagpapalaki nito sa kaniya.

“Ako na nga hahawak ng pera mo. Baka mamaya ipambili mo na naman ang buong allowance mo sa mga paper dolls na iyan na hindi mo naman nilalaro, o masisira lang sa bandang huli,” naalala niyang sabi ng kaniyang ina noon, kaya ang anomang mga pera niya, ito na ang humahawak. May pagka-bulagsak kasi siya sa pera, at madalas, padalos-dalos ang mga desisyon sa buhay.

At habang lumalaki ang kaniyang anak, nauunawaan na niya ang kaniyang ina.

“Gusto kong dumalaw sa Mama ko, Joel. Gusto ko siyang makita. Ipapakilala ko kayo sa kaniya,” isang gabi ay sabi ni Grethel sa kaniyang mister. Pumayag naman ito.

Kabado man, nagtungo sila sa dati nilang bahay. Gulat na gulat ang kanilang kasambahay nang makita siya.

“G-Grethel! Grethel! Kumusta ka na… may asawa’t anak ka na pala?” nabiglang bulalas ng kasambahay na may edad na rin.

“Nasaan ang Mama?” kinakabahang tanong ni Grethel.

“Naku, wala na siya…”

At biglang napaiyak si Grethel sa kaniyang narinig. Huli na pala ang lahat. Sa loob ng tatlong taon ay sinisi niya ang kaniyang sarili dahil hindi man lamang niya naisip na dalawin, kumustahin, o kausapin ang kaniyang ina.

“Wala na pala siya… hindi ko man lang naipakilala ang asawa’t anak ko sa kaniya…” sumisigok-sigok na sabi ni Grethel. Hinimas-himas naman ni Joel ang kaniyang likuran.

“Mamaya siguro darating na ‘yon. Umalis lang saglit. Babalik pa naman ‘yon, ano ka ba. Nagpunta lamang sa simbahan upang magdasal,” saad ng kasambahay.

Napamaang naman si Grethel sa kaniyang narinig. Buong akala niya, ang sinasabi ng kasambahay ay wala na ito dahil nasa langit na ang kaluluwa.

“Bakit hindi mo kaagad sinabi?” natatawang sabi ni Grethel habang nagpapahid ng luha.

“Eh ikaw eh, umiyak ka kaagad…” sabi naman ng kasambahay.

Maya-maya, dumating na nga ang kaniyang Mama. Napatda ito nang makita siya. Wala nang sabi-sabi. Wala nang lita-lintaya. Walang tanong-tanong. Lumapit ito sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. Bumalong ang mga luha nito sa pisngi.

“Akala ko, hindi na darating ang sandaling ito, anak. Patawarin mo ako sa mga nagawa kong panghihimasok sa buhay mo. Nag-alala lang ako sa iyo, noong bata ka pa kasi, alam mo namang padalos-dalos ka sa paggasta, sa mga desisyon mo sa buhay, kaya natakot ako na baka dalhin mo ang ugaling iyon hanggang sa pagtanda. Kaya naging mahigpit akong ina. patawarin mo ako…”

“Ma… huwag po kayong humingi ng tawad. Ako po ang dapat gumagawa niyan. Naglayas ako, at hindi man lamang nakipag-usap sa inyo sa loob ng tatlong taon. Wala akong kuwentang anak! Naging makasarili ako. Ngayong may sarili na akong anak, alam ko na po ang nararamdaman ninyo,” paliwanag ni Grethel.

“Huwag na nating isipin ang nakaraan, anak. Lumipas na iyon. Ang mahalaga ay ngayon. Hayaan mo akong makabawi sa anak mo, ano ang pangalan niya?” nakangiting saad ni Gracia sabay ngiti sa kaniyang apo.

Nagkamali man sila sa isa’t isa noon, ang mahalaga ay nagkapatawaran na sila ngayon. Nangako sa sarili si Grethel na hinding-hindi na niya iiwan ang kaniyang ina, at magiging mabuting ina’t asawa siya sa kaniyang anak at asawa.

Advertisement