Inday TrendingInday Trending
Winaglit ng Ina ang Binatang ito at Hinayaang Manlimos sa Kalye, Isang Aso ang Nagbigay Swerte sa Kaniya

Winaglit ng Ina ang Binatang ito at Hinayaang Manlimos sa Kalye, Isang Aso ang Nagbigay Swerte sa Kaniya

“Mama, mama! Sa isang buwan na po ang kaarawan ko! Hindi niyo po ba ang paghahandaan kahit simpleng pananghalian lang?” bati ni Joel sa kaniyang ina, isang umaga nang makita niya itong bumaba sa isang magarang sasakyan.

“Busy ako, saka, huwag mo nga akong matawag-tawag na mama! Mamaya marinig ka ng mga kumare ko, ano na lang ang sasabihin nila sa akin? Pinabayaan kong maging palaboy ang anak ko?” masungit sa sambit nito habang siya’y tinataboy-taboy.

“Bakit, hindi po ba?” tanong niya rito dahilan upang bigla itong mapaisip at siya’y tinaasan ng kilay.

“May iba na kasi akong pamilya, aba, mahiya ka naman kung sasampid ka pa! Malaki ka na, Joel, maghanap ka na ng trabaho! Hindi ‘yong tumutugtog ka lang d’yan sa kalsada at kumakanta na parang baliw! Nakakahiya ka!” sambit pa nito sa kaniya saka muling sumakay sa naturang sasakyan upang makaiwas sa kaniya.

“Ayaw nila akong tanggapin dahil wala akong maipakitang diploma, sinunog mo ‘yon, hindi ba, mama? Wala rin akong pera pang-medical, kaya hindi ako…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na siyang binara nito.

“Wala akong pakialam, huwag mo ako ulit tatawagin kapag nakita mo ako! Ang baho mo!” wika pa nito saka tinaas ang bintana ng sasakyan at pinaharurot ito sa driber dahilan upang mapailing na lang siya at magpigil ng iyak.

Isa ang binatang si Joel sa mga nakikipagsapalaran ng buhay sa kalsada. Upang makalikom ng pera pangbili ng kaniyang pagkain, ginagamit niya ang talento niya sa pagtugtog ng gitara at pag-awit. May mga nagbibigay naman sa kaniya ngunit hindi pa rin ito sapat upang makapag-ipon siya at makapag-apply ng disenteng trabaho.

Sa katunayan, bunga siya ng isang may kayang pamilya. Lumaki siyang nakukuha niya ang lahat ng gusto niya at nakapag-aral sa isang pribadong paaralan. Ngunit nang maagang bawian ng buhay ang kaniyang ama, sinamsam ng kaniyang ina ang lahat ng kayamanan nito at muling nag-asawa.

Buong akala niya’y susustentuhan pa rin siya nito ngunit siya’y nagkamali dahil noong una pa lang pala, nagpabuntis lang ito sa kaniyang ama para sa pera dahilan upang pabayaan siya nito at magsimula nang panibagong buhay.

Ito ang dahilan upang magpalaboy-laboy siya sa kalsada. Tinuturing niya pa ngang swerte ang pagkuha niya sa gitarang huling bigay ng kaniyang ama dahil pati ito, ayaw ipadala sa kaniya ng malupit niyang ina.

Noong araw na’yon, pagkaalis ng kaniyang ina, minabuti niyang ituloy ang kaniyang pag-awit sa kalsada habang umiiyak sa sakit na nararamdaman. Marami siyang nalimos noong araw na ‘yon dahilan upang kahit papaano, umalwan ang pakiramdam niya.

Ngunit habang siya’y naglalakad patungo sa isang karinderya upang bumili ng pagkain, naagaw ng isang sugatang aso ang kaniyang atensyon. Agad niya itong nilapitan at labis siyang naawa nang makita niyang tila malalim ang sugat nito sa paa dahilan upang hindi ito makalakad.

Hindi siya nagdalawang-isip na ibili ito ng gamot at mga pangtapal sa sugat nito sa pinakamalapit na botika.

Binalikan niya ito at unti-unting ginamot ang sugat nito. Laking tuwa niya naman dahil ito’y maamo at hinayaan siyang magamot ang sugat nito.

“Tatawagin kitang Browny, ha? Kulay tsokolate kasi ang kulay mo,” sabi niya sa aso habang dahan-dahan niya itong hinihimas upang mapaamo ito.

Nang matantiya niyang ayos na ang naturang aso, gamit ang natitira niyang bente pesos, bumili siya ng lutong kanin at chicharon na pinagsaluhan nilang dalawa.

Simula noon, nagpasiya na siyang alagaan ang naturang aso. Sinasama niya ito sa kaniyang pagtugtog na labis namang kinatuwa ng mga tao dahil ito’y turuan at bibo.

Maraming tao ang nagbibigay ng pera sa kanila dahil sa labis na pagkatuwa. Mayroon pang kumuha ng bidyo sa kanilang dalawang mag-amo na nilagay sa social media na naging dahilan ng kanilang pagsikat.

Dito na sila nagsimulang dalawin ng kung sinu-sinong tao at bigyan ng tulong hanggang sa may isang kumpanyang nagbigay sa kaniya ng trabaho at maliit na bahay na maaari nilang pamalagian na labis niyang ikinatuwa.

“Ibang klaseng swerte ang bigay mo sa akin, Browny. Hindi ko akalaing muli akong makakatulog sa isang malinis na silid,” mangiyakngiyak niyang sambit saka niyakap ang kaniyang alagang aso.

Nabalitaan ito ng kaniyang ina at agad siyang hinanap. Humingi ito ng tawad at nais siyang kupkupin ngunit ‘ika niya, “Matagal ko na po kayong pinatawad, mama, pero pasensiya na po kayo, mas mabuti na po sigurong matuto akong mag-isa,” na labis na ikinagalit nito dahil nais nitong makuha ang kaniyang naiipong pera.

Advertisement