Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Dalaga ang Trabaho upang Makaganti sa Magulang ng Binata, Ito ang Nagbigay Hirap sa Kaniya

Ginamit ng Dalaga ang Trabaho upang Makaganti sa Magulang ng Binata, Ito ang Nagbigay Hirap sa Kaniya

“Ma’am, may binagsak mo raw sa tatlong asignatura ‘yong isang estudyanteng magtatapos na sana ngayong Marso? Totoo ba ‘yon?” pang-uusisa ni Mildred sa kapwa guro.

“Oo, si Guadez,” tipid na sagot ni Carissa habang nanunuod ng mga bidyo sa social media.

“O, hindi ba’t matalinong bata ‘yon? Estudyante ko rin ‘yon noong nakaraang taon, eh. Palagi ‘yon nagpapasa sa akin ng mga proyekto, ang gaganda pa nga at halatang pinaghirapan. Bukod pa ro’n, palagi pang mataas sa mga pagsusulit kaya nga siya ang may pinakamataas na grado sa akin, eh. Nagpabaya ba siya kaya mo siya binagsak?” kwento at tanong pa nito na ikinarindi niya dahilan upang direstahin niya ito.

“Hindi, sadyang gusto ko lang siya pahirapan para makabawi naman ako sa panunulot ng kaniyang ina sa nobyo ko dati. Tingnan mo tuloy, hanggang ngayon, wala pa akong asawa!” kalmado at tapat niyang sagot dito dahilan upang labis itong mabigla.

“Diyos ko, ma’am, mukhang hindi yata magandang rason ‘yan para ibagsak mo ‘yong bata. Nakakaawa naman, pupwede na sana siyang makapagtrabaho sa isang buwan pagkatapos ng graduation!” sabi nito sa kaniya na ikinainis niya lalo.

“Nangingialam ka ba? Tsismosa ka talaga, ano? Do’n ka na nga!” bulyaw niya rito dahilan upang mataranta itong magpunta sa sariling upuan saka siya bumalik sa panunuod sa kaniyang selpon.

Mataas na guro sa kanilang departamento ang hanggang ngayo’y dalaga pa ring si Carissa. Sa tagal ng kaniyang pagtuturo na halos dalawang dekada na, walang lalaki ang kahit minsang nagtapat ng pagmamahal sa kaniya na malayong-malayo sa atensyon nakukuha niya mula sa mga kalalakihan noong siya’y nag-aaral pa lamang.

Ang tangi niyang iniisip na rason ay ang pag-agaw ng matalik niyang kaibigan sa kaisa-isang lalaking nakabingwit ng pihikan niyang puso.

Dahil nga kaibigan ang turing niya sa babaeng iyon, pinakilala niya rito ang pinakamamahal niyang lalaking. Laking tuwa niya noon dahil agad na nagkasundo ang dalawang ito at madalas silang magsama-sama sa mga galaan. Ngunit hindi niya lubos akalain na paglipas ng isang taon, nakipaghiwalay ang kaniyang nobyo sa kadahilanang nabuntis nito ang kaniyang kaibigan na labis niyang ikinadurog.

“Pa-paano nangyari ‘yon? Palagi tayong magkakasamang tatlo! Bakit niyo ginawa sa akin ‘to? Kailan niyo pa ako niloloko?” galit niyang tanong sa dalawa nang umamin na ang mga ito sa kaniya. Sa sobrang galit niya, pinutol niya ang koneksyon sa dalawang ito at labis na nagpakasubsob sa pag-aaral hanggang maabot niya ang pangarap na maging isang propesor sa kolehiyo.

Ito ang dahilan upang hindi siya nagdalawang-isip na ibagsak ang anak ng dalawang taong nanloko sa kaniya kahit na ito’y magaling at matalinong bata. Tinapon niya lahat ng pinasa nitong proyekto at pagsusulit upang mapatunayang karapat-dapat itong ibagsak.

‘Ika niya sa sarili habang ginagawa ang grado ng naturang batang napag-alamanan niyang siyang bunga ng hiwalayang iyon, “Ito na yata ang tamang panahon upang makaganti ako sa kababuyang ginawa sa akin ng mga magulang mo!”

Habang siya’y abala sa pagpipindot ng selpon noong araw na ‘yon, bigla siyang pinatawag sa opisina ng pinakamataas na tagapamahala sa naturang paaralan.

“Mukhang nakarating na sa kaniya ang ginawa ko, ha? Pwes, ipapakita ko na sa kaniya ang mga record ko na walang pinapasa ang batang iyon,” kumpiyansado niyang sabi saka tumuloy na sa naturang opisina.

Pagkarating niya ro’n, bigla siyang nanlamig nang makita ang dati niyang nobyo at kaibigan. Tumayo ang mga ito at siya’y binati.

“Bakit kayo narito?” masungit niyang tanong sa mga ito.

Mukhang tama nga ang sinabi nila, Ma’am Carissa, kakilala ka nga nila at mayroon kayong mabigat na nakaraan. Ngunit, para sabihin ko sa’yo, ma’am, hindi dapat naaapektuhan ng mapait na nakaraan at sama ng loob na mayroon ka ang mga batang tapat at masipag na nag-aaral sa ating paaralan,” sabi ng pinakamataas na tagapamahala sa kaniya habang pinapakita sa kaniya ang mga proyekto at pagsusulit ng naturang bata na kaniyang tinapon, “Nakita ito ng janitress natin at nakita ka rin sa CCTV na ang kahong itapon mo ay naglalaman ng mga importanteng dokumento ng anak nila. Matinding ebidensya ito sa ginawa mong katiwalian,” dagdag pa nito na labis niyang ikinapanghina.

Labis man siyang humingi ng tawad dito at nilunok ang dignidad upang magmakaawang huwag siyang tanggalin sa mag-asawang naroon, wala siyang nagawa kung hindi ang hintayin ang dedisyon ng mga nakakataas. Katulad ng inaasahan niya, siya’y agad na tinanggal kinabukasan na labis niyang pinagsisihan.

“Dapat siguro talaga, hindi ko hinalo ang personal na problema ko sa trabaho ko,” hikbi niya habang nililigpit ang gamit niya sa naturang paaralan.

Advertisement