Inday TrendingInday Trending
Inggit ang Nararamdaman ng Dalaga sa Kagandahan ng Kaniyang Kapatid, Pulis ang Nagpaintindi sa Kaniya sa Masama Niyang Gawi

Inggit ang Nararamdaman ng Dalaga sa Kagandahan ng Kaniyang Kapatid, Pulis ang Nagpaintindi sa Kaniya sa Masama Niyang Gawi

“Bakit naman ganiyan ang buhok ng kapatid mo, Neri? Pinaglaruan niya ba ‘yan? Kita mo, hindi pantay-pantay ang pagkakagupit,” sambit Joan sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang dumaan siya sa bahay nito upang kuhanin ang hiniram niyang pera rito.

“Ewan ko ba sa batang ‘yan! Palagi na lang naglalaro ng gunting. Ilang beses ko na rin ‘yang pinagsabihan at dinadala sa parlor para ayusin ang buhok niya,” sagot ni Neri saka pinapasok sa kanilang silid ang kaniyang kapatid na abala sa paglalaro sa kanilang sala.

“Itago mo na kasi ang mga gunting sa bahay niyo, loka-loka ka, hinahayaan mo! Kaya siguro, puro sugat din ang katawan niyan dahil sa paglalaro ng gunting!” payo nito sa kaniya.

“Hayaan mo siya, ‘yan ang gusto niya, eh,” tugon niya habang iniimis ang mga pinagkalatang laruan ng kapatid.

“Sobra ka naman! Pero, kahit na puro sugat na ang katawan niya at hindi pantay-pantay ang gupit ng buhok, litaw na litaw pa rin ang ganda niya, ano? Sayang, hindi nakita ng mga magulang niyo ang ganda niya. Saka, malayong-malayo ang itsura niya sa’yo, ano? Para siyang anghel,” sambit nito na ikinapantig ng tainga niya.

“Hindi ka pa ba uuwi? Nakuha mo na ang kailangan mo, hindi ba?” masungit niyang tanong dahilan upang magmadali itong tumayo.

“Ay, oo, sige, alis na ako, ha? Ingat kayo rito,” sabi nito saka agad na lumabas ng kanilang bahay habang nagpatuloy siya sa pagliligpit ng laruan.

Ang dalagang si Neri na ang siyang nagtaguyod at nag-alaga sa kaniyang nag-iisang kapatid simula nang sabay na mawala ang kanilang mga magulang dahil sa isang aksidente pagkatapos itong isilang ng kaniyang ina.

Tila himala ngang naligtas ito dahil kasama ito sa sasakyang nadisgrasya. Ang sabi ng mga rescuer sa kaniya, natagpuan daw itong yakap-yakap ng kaniyang mga magulang na tila ba kahit sa huli nilang hininga, pinili nila itong iligtas at protektahan kaysa sa sariling buhay.

Ito ang dahilan para magsimula siyang magalit sa sanggol na ito. ‘Ika niya, “Kung hindi ka lang sana nabuhay, e ‘di sana, nandito pa rin sila mama at papa at masaya kaming nabubuhay tatlo!”

Lalo pang umigting ang galit niya sa batang ito dahil lumalaki itong maganda at matalino kahit hindi niya ayusan at turuan. Kada may pupuri sa ganda ng kaniyang kapatid, tumataas ang dugo niya at labis na nagagalit dito.

At sa tuwing hindi na niya mapigilan ang galit na dumadaloy sa kaniyang katawan, palagi niyang pinagbubuhatan ang musmos na bata. Kung hindi niya gugupit-gupitin ang buhok nito upang pumangit ang itsura, pagbubuhatan niya naman ito ng kamay o susugatan sa binti at mukha para lang masabing siya’y mas maganda rito. Kapag nagawa na niya ito, ro’n lang siya nakararamdam ng kaginhawaan.

“O, ‘di ba? Mas maganda ako sa’yo!” palagi niyang pinamumukha sa naturang batang iyak nang iyak habang pinagkukumpara ang kanilang mukha sa harapan ng salamin.

Alam niyang siya’y naiinggit sa kagandahan nito ngunit hindi niya ito maamin at hindi niya rin matanggap na ang batang sanhi ng pagkawala ng kaniyang mga magulang, ay lalaking mas maganda sa kaniya at nakukuha pa ang atensyon ng mas nakararami.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang maligpit ang mga laruan ng kapatid, agad niyang kinuha ang kanilang gunting. Hinanap niya ang kaniyang kapatid na tila nagtatago na sa kaniya dahil alam nitong mananakit na naman siya.

“Kiray! Nasaan ka na naman? Huwag ka nang magtago dahil kapag naabutan kita…” hindi na niya natuloy ang pananakot sa kapatid dahil nagulat siyang may mga pulis na sa harapan ng kanilang pintuan.

“Anong gagawin mo?” sabat nito dahilan upang agad niyang itago sa likod ang hawak niyang matalas na gunting.

Ah, eh, wala po, papaliguan ko lang po kasi, eh, tinataguan pa ako. Panakot ko lang po ‘yon,” sagot niya.

“Pasensiya na, ma’am, kailangan naming kunin ang bata at idiretso ka sa pulisya. Napansin kasi ng kaibigan niyo na tila sinasaktan mo ang kapatid mo. Sinasabi mong naglalaro siya ng gunting, hindi ba? Pero tingnan mo, ang mga gunting sa bahay na ito ay nakalagay sa tuktok ng kabinet, hindi maaabot ng bata,” sambit ng pulis saka kinuha ang mga gunting sa kabinet ng kanilang kusina, “Bukod pa ro’n, halatang sinadya ang lahat ng sugat at kalmot sa katawan ng kapatid mo. Mas makabubuti kung aamin ka,” dagdag pa nito saka pinakita sa kaniya ang mga sugat ng kapatid na natagpuang nagtatago ng isa pang pulis sa kanilang damitan.

Wala na siyang magawa no’ng pagkakataon na ‘yon kung hindi ang tumungo at maiyak sa bigat na nararamdaman.

“Pasensiya na po kayo,” tangi niyang sambit saka payapang sumama sa mga pulis.

Doon niya napagtantong kahit ano mang pinaghuhugutan niyang masakit na nakaraan, wala pa rin siyang karapatang saktan ang isang bata, lalo na ang sarili niyang kapatid. Hindi sapat ang salitang inggit o galit para saktan ang isang bata at para maibsan ang kaniyang nararamdamang puot.

Advertisement