Kung Anu-anong Salita ang Sinabi ng Ginang na ito sa Paralisadong Anak, Ikinagulat Niya ang Balitang Sinabi ng Doktor
“Kailan ka ba bibitaw, Josie, ha? Kung gusto mo nang magpunta sa kabilang buhay, huwag ka nang magpatagal pa. Ang laki-laki na ng bayarin namin dito sa ospital, maawa ka naman, bumitaw ka na sa buhay!” sambit ni Rea sa kaniyang anak na ilang buwan nang nakaratay at walang malay sa ospital, isang umaga habang nililinisan niya ito ng sugat sa kamay dulot ng iba’t ibang aparatong ikinakabit dito.
“Mahal, huwag ka namang magsalita ng ganiyan! Nakikita mo namang lumalaban ang anak natin sa sakit niya, eh, tapos ikaw, gusto mo nang bumitaw siya?” sambit ng kaniyang asawa na labis niyang ikinainis.
“Tingin mo ba, magigising pa ‘yang anak mo? Eh, halos ilang buwan na siyang hindi dumidilat o nagreresponde! Tanging mga aparato na lang ang bumubuhay sa kaniya! Bakit ba ayaw mo pa siyang isuko?” inis niyang tugon habang padabog na inaayos ang benda ng anak.
“Dahil nga alam ko at ramdam kong nais pang mabuhay ng anak mo! Huwag kang maghinayang sa pera, mahal, pera niya naman ang pinapangbayad natin dito, eh,” depensa nito na ikinabuntong-hininga niya.
“Iyon na nga, eh, imbis na ipangbayad natin sa ospital, bakit hindi na lang natin paghatian, hindi ba? Wala na rin naman ‘yang pag-asa! May pera na tayong dalawa, hindi pa tayo naaabala sa pagpunta-punta rito!” sigaw niya sa asawa dahilan upang mapayuko na lang ito dahil umaalingawngaw na sa buong silid ang kaniyang bunganga.
Mag-aanim na buwan nang nakaratay at walang malay sa ospital ang nag-iisang anak ng ginang na si Rea dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Sa tagal ng panahong ito, unti-unti na niyang tinanggap na babawiin na sa kaniya ang anak niyang ito.
Masakit man sa kaniya noong una ang kalagayan ng kaniyang anak na para bang wala nang pag-asang mabuhay, tila bigla na lang din siyang nakapagdesisyong isuko ang kaniyang anak nang makita niya ang laki ng halagang naipon nito sa iba’t ibang bangko na mapapasakamay niya kapag ito’y tuluyan nang nawalan ng buhay.
Tanging ang asawa niya na lamang ang may ayaw na isuko ang kanilang anak, kaya naman labis niya itong kinukumbinsi. Ngunit tila matigas ito at nais pang ipaglaban ang kanilang anak dahilan upang halos araw-araw, mabungangaan niya ito. Para kasi sa kaniya, pagsasayang lang ng pera ang ginagawa nilang pakikipaglaban sa anak na wala nang pag-asa sa buhay.
Pagkatapos niyang bungangaan ang asawa noong araw na ‘yon, biglang kumatok ang mga doktor ng kaniyang anak dahilan upang bigla siyang kabahan dahil baka narinig ng mga ito ang kanilang usapan.
“Ah, eh, mga dok, bakit po?” tanong niya pagkapasok ng mga ito.
“Base po sa resulta ng mga eksaminasyong ginawa namin sa anak niyo, napag-alaman po naming siya’y gising simula noong unang araw niya rito sa ospital. Nakaririnig siya at nakararamdam, hindi niya lang magalaw ang kaniyang katawan,” sambit nito na labis niyang ikinagulat, “Tingnan niyo po, nagalaw na ang kaniyang mata, ibig sabihin, lumalaban po talaga siya.
Konting tiis na lang po, sigurado makakalabas na kayo,” masaya pa nitong dagdag dahilan upang mapaiyak sa tuwa ang kaniyang asawa habang siya’y labis na kinakabahan dahil sa mga binitawan niyang salita na naririnig pala ng kaniyang anak.
“Naku, siguro naman hindi niya narinig at naunawaan ang mga sinabi ko. Imposibleng gising siya sa ilang buwang pamamalagi niya rito,” pagpapakalma niya sa sarili habang patuloy pa ring ineeksamina ng mga doktor ang kaniyang anak.
Katulad ng sinabi ng doktor, ilang buwan pa ang nakalipas, tuluyan nang nakadilat at nakagalaw ang kaniyang anak. Ganoon na lang ang tuwa ng kaniyang asawa nang muli nilang marinig ang boses ng dalagang ito.
“Hi-hindi ka ba masaya, mama? Talaga bang mas gusto mong makuha ang pera ko kaysa mabuhay ako?” uutal-utal na sambit nito dahilan upang manlamig siya sa kahihiyan.
“Hindi naman sa gano’n, anak,” nakatungo niyang sambit.
“Ayos lang po, naiintindihan ko,” nakangiting sagot nito ngunit alam niyang masama ang loob nito.
Ilang buwan pa ang nakalipas, tuluyan nang nakalabas ng ospital ang kaniyang anak. Ilang beses man siyang humihingi ng tawad dito, hindi na ito bumalik sa dating pagtrato sa kaniya. Binibigyan lang siya nito ng pera saka agad nang aalis kung saan man niya ito naabutan.
Doon niya napagtantong maling-mali talaga ang pag-iisip niyang kuhanin ang pera ng anak imbis na ipaglaban ang buhay nito. Labis na pagsisisi man ang kaniyang nararamdaman, wala siyang magawa kung hindi ang tanggapin kung ano mang nais ng anak kapalit ng masasakit na salitang sinabi niya rito sa kalagitnaan ng pakikipaglaban nito sa sakit.