Sawang-sawa na ang Binatilyo sa Paninda Nilang Lumpiang Shanghai; Sapat Bang Dahilan Ito Upang Ikahiya ang Kaniyang Itay?
“Ano pa bang dadalhin mo sa paaralan, eh ‘di itong paninda nating lumpiang shanghai?”
Napabuntung-hininga na lamang si Rommel sa sinabi ng kaniyang Itay. Gabi at tamang-tamang naghahanda ang kaniyang Itay na si Mang Gabriel ng mga iluluto para mamayang madaling-araw. Naglalako kasi ito ng lumpiang shanghai, at nagsusuplay naman sa mga kalapit na karinderya.
Sa paglulumpia napagtapos ni Mang Gabriel ang tatlo niyang anak sa pag-aaral ng hayskul. Ang panganay na si Janno ay nasa pangalawang taon na sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Industrial Engineering sa isang state university sa Maynila. Ang pangalawang anak naman, si Ditas, ay nasa huling taon ng Senior High School. Si Rommel naman na bunso ay nasa huling taon sa Junior High School. Maaga silang naulila sa kanilang ina, kaya si Mang Gabriel na ang nagsilbing haligi at ilaw ng tahanan.
Dahil honor student si Rommel, magkakaroon daw ng party ang kanilang section bago sila magsipagtapos. Kani-kaniyang dala raw ng pagkain. Ang naitoka kay Rommel ay spaghetti, subalit tumanggi si Mang Gabriel. Bakit hindi na lamang daw lumpiang shanghai ang dalhin niya.
Katwiran ni Rommel, siguro’y nasanay na siyang kumain ng lumpiang shanghai na kanilang panindan, wala namang espesyal sa lasa nito. Masasabi niyang masarap naman, subalit dala marahil ng “pagkaumay” dahil nga lumaki siyang kabisado na niya ang lasa nito. sa ilang dekadang tinitimplahan at niluluto ito ng kaniyang itay, kahit na nakapikit pa, siya ang tagatikim nito.
Subalit ayon sa mga nakatitikim na customer sa mga karinderya kung saan nagsusuplay ang kaniyang itay, napakasarap daw ng lumpiang shanghai: bukod pa sa siksik at napakalutong ng balat.
“Eh ‘Tay… hindi naman po sa minamaliit ko ang lumpiang shanghai natin, kaya lang po… gusto ko lang po sana, maiba naman,” turan ni Rommel.
“Anak, may tatlo akong punto para sa iyo. Una, wala tayong budget. Alam mo namang iginagapang ko ang pag-aaral ng kuya at ate mo. Isa pa, susunod ka na rin, sa Senior High School. Pangalawa, mas mainam na lumpiang shanghai natin ang dalhin mo sa eskuwela para maraming makatikim, malay mo bumili sila. Pangatlo, ikinahihiya mo ba ako? Ang gawa ko?”
Sa pangatlong punto ng kaniyang itay, hindi na sumagot si Rommel. Ayaw naman niyang maramdaman ng kaniyang itay na ikinahihiya niya ang ginagawa nito.
Isang araw, habang papauwi mula sa pag-eensayo para sa kanilang pagtatapos, kasa-kasama ni Rommel ang kaniyang mga kaklase. Maya-maya. isang lalaki ang tumawag sa kania.
“Rommel! Anak! Uwi ka na at magsaing ka na ah?”
Napalingon ang mga kaklase ni Rommel kay Mang Gabriel, noon ay sunong-sunong ang pilak na tray na kinalalagyan ng mga lumpiang shanghai na inilalako nito; sa kaliwang kamay, hawak nito ang mga supot at basyo ng sukang sinamak na nagsisilbing sawsawan. Hiyang-hiya si Rommel sa ginawa ng kaniyang ama. Tumango lang siya at walang lingon-likod na naglakad na.
“Hoy Rommel, saan ka pupunta? Kinakausap ka ng Papa mo, papa mo pala iyon? Yung nagtitinda ng lumpia sa amin?” tanong sa kaniya ng isang kaklase.
Hindi na sumagot si Rommel. Pakiramdam niya, gusto niyang lamunin ng lupa sa pagkapahiya. Hindi niya ikinahihiya ang trabaho ng kaniyang Itay; ang ikinahihiya niya, ang hitsura nito na hindi man lamang nag-aayos sa kaniyang sarili.
At dumating na nga ang party ng section na kinabibilangan ni Rommel. Napakasasarap ng mga pagkaing dinala ng kaniyang mga kaklase para sa lahat. Nahihiya man, inilabas at ipinatanong ni Rommel ang espesyal na tray na kinalalagyan ng kanilang panindang lumpiang shanghai na ginawa ng kaniyang Itay. Nanliliit siya sa mga dinalang pagkain ng kaniyang mga kaklase: may nagdala ng carbonara, lasagna, lechong baboy, lechong manok, Pansit Malabon, pansit palabok, barbecue, at marami pang iba.
Nang nagkakainan na sila, napansin niyang marami ang pumuri sa malutong na lumpiang shanghai, lalo na ang mga guro nila.
“Ang sarap ng lumpiang shanghai! Ngayon lang ako nakakain ng ganitong lumpiang siksik pero napakalutong ng balat. Sino ang nagdala nito?” tanong ng guro sa Matematika.
“Rommel, ikaw ba ang nagdala nito?” tanong ng gurong tagapayo.
“Opo Ma’am, ako nga po,” nahihiyang sabi ni Rommel.
“Ang sarap! Sino ang gumawa?” untag nito.
“Ang Itay ko po. Paninda po namin iyan,” saad ni Rommel. At naikuwento nga niya na dahil sa paglulumpia ay naitataguyod sila ng kaniyang Itay. Hangang-hanga naman ang mga guro kay Mang Gabriel. Sinabi nila na magpapaluto sila ng lumpia sa kaniya.
Napagtanto ni Rommel na hindi niya kailangang ikahiya ang kaniyang Itay sa lahat; bagkus, marapat lamang na ipagmalaki. Kinabukasan, isinama ni Rommel ang kaniyang Itay sa paaralan at ipinakilala sa kanila: ang pinakamahusay na maglulumpia!