Inday TrendingInday Trending
Binago ng Babae ang Sarili Para sa Lalaking Gusto; Nagulat Siya Nang May Matutuklasan Tungkol Dito

Binago ng Babae ang Sarili Para sa Lalaking Gusto; Nagulat Siya Nang May Matutuklasan Tungkol Dito

“Sigurado ka na ba rito?” makailang ulit na tanong ni MJ sa kaibigang si Mariz. Naroon sila ngayon sa ospital kung saan naka-schedule ang pagpaparetoke sa ilong ni Mariz.

“Oo nga bes, paulit-ulit eh. Alam mo namang mawawala na ang edad ko sa kalendaryo kaya dapat itodo ko na ang pagpapaganda para mapansin na ‘ko ni Philip ‘no,” pinal na sabi ng dalaga sa kaibigang binabae. Buti pa ito nakatagpo ng ng pag-ibig, habang siya, may m@tres nga, wala namang lovelife.

Alam naman ni Mariz na nag-aalala lang ang kababata para sa kaniya. Nitong mga nakaraang buwan kasi ay kitang-kita na desperada na siya na mapansin ng katrabahong si Philip na matagal na niyang gusto. Nang marinig niya na ang tipo nito ay mga babaeng mapuputi at balingkinitan ay talaga naman ginawa niya ang lahat para maabot ang standards nito. Mahilo-hilo siya sa tindi ng diet niya, at halos laklakin na niya ang mga pampaputi sa tindahan. Halos nauubos din ang sweldo niya sa pagbili ng kung anu-anong pampaganda. At ngayon nga, pati pagpaparetoke ay pinatos niya nang malamang gusto nito sa babae ang matangos ang ilong.

Pagdating sa opisina, malamang ay marami ang nakapansin ng munting pagbabago sa mukha ni Mariz.

“Mukhang blooming ka ngayon ah!” sabi ng kaopisinang si Gina.

“Teka, parang may nagbago sa mukha mo,” pakikisali sa usapan ni Philip. Labis namang natuwa si Mariz na mapansin ng binata na mas gumanda siya.

“Oy ano ba kayo? Ako lang ‘to guys, baka dahil nag-gygym na ko ngayon,” palusot ni Mariz.

“’Sus! Pumupunta ka lang siguro sa gym para makakita ng abs ‘no! Kilala kita Mariz!” panunukso pa ni Gina. Ang totoo ay gusto ni Mariz ang mga medyo chubby na katulad ni Philip ngunit hindi niya na lang binaggit dahil ayaw niya namang magmukhang desperada masyado.

Dahil napansin na ni Philip ang beauty niya ay talagang mas lalong nagsikap si Mariz sa pagpapaganda sa sarili. Ngunit nagulat siya nang isang araw pagdating niya sa gym, nakita niya doon si Philip!

“Bakit ito nagwowork-out doon? Sayang, ang cute pa naman ng medyo chubby cheeks nito,” sa isip-isip ng dalaga. Pero naisip niya na lang na ayos din, kasi pagkakataon na niya para mas makilala ito

Talagang nagpapaganda si Mariz bago pumunta sa gym. Sinadya niyang mag-make-up pa, at magsuot ng mga seksing damit para maakit ito. Kilig na kilig siya tuwing makikita itong ngumingiti sa kaniya.

Isang araw ay isinama niya si MJ sa gym. Mukhang malungkot kasi ang kaibigan dala nang pag-aaway nito at ng mga magulang. Nagtapat na kasi ito na binabae ito, at hindi tanggap iyon ng mga magulang nito. Para kahit papano maaliw ito ay sinadya niyang yayain ito nang araw na iyon.

Mukhang nagulat naman si Philip nang makita siyang may kasamang iba. Ipinakilala niya si MJ dito at ang matamlay na kaibigan, panay ang tukso sa kaniya.

Lingid naman sa kaalaman ni Mariz ay hindi pala nahalata ni Philip na binabae ang kaibigan. Nakita niya ang paglingon-lingon nito sa kanila.

“Ano ba, girl! Akala ko ba itotodo mo na? Pero bakit hanggang ngayon ‘di ka pa rin nagtatapat ng damdamin eh magkasama naman pala kayo linggo-linggo sa gym?” imbyernang sabi ni MJ sa kaibigan.

“Eh… nakakahiya ‘no! Ewan ko, siguro hahanap ako ng tiyempo,” sabi ni Mariz.

“Ay naku, ngayon na bilis! Sige ka, gusto mo mabulok ‘yang matres mo kakahintay?” sabi pa ni MJ na tinutulak-tulak pa siya.

“Ayoko nga!” halos pasigaw pa na sabi ni Mariz sabay haklit sa braso niya na hawak ng kaibigan. Ngunit nagulat na lang siya nang bigla na lang may humila sa kaniya. Mabilis ang mga pangyayari kaya ang sunod niya nang nakita ay may tumulak kay MJ at napatumba ito sa sahig.

Napatili siya at inawat ang lalaki. Gulat na gulat siya nang makita ang galit na mukha ni Philip.

“Pare ‘pag ayaw ng babae huwag mong pilitin, nasasaktan mo na siya eh!” sabi nito kay MJ na tila gulat na gulat pa rin sa nangyari. Kinakabahan siya sa gagawin ng kaibigan kaya nagulat siya nang bigla na lang itong nagtitili na parang kinikilig pa.

“Ayy! Nakakaloka kayong dalawa! Hoy Philip hindi kami talo niyan ni Mariz dahil pareho kami ng hanap. At kung nagseselos ka, gora na! Mag-aminan na kayo ‘no!” sabi nito sabay maarteng nag-walk-out.

Sabay na nagkatitigan ang dalawa. Tila ba doon lang nila napagtanto ang mga nangyari. Agad na humingi ng pasensya si Philip, akala raw nito ay kasintahan ni Mariz si MJ, at nang makita nito mula sa malayo na mukhang pisikal na nag-aaway ang dalawa ay pumagitan ito.

“Ang totoo niyan Mariz, may gusto rin pala akong sabihin sa’yo. Matagal na kitang gusto, pero mukhang ‘di yata ako pasok sa standards mo eh. Pinipilit kong makasabay sa mga tipo mo kaya binabago ko ang sarili ko. Tulad niyan, talagang nag-gym pa ako simula nang marinig ko na gusto mo raw ng matipuno ang katawan,” kamot sa ulong sabi ng binata.

Halos hindi naman makapaniwala si Mariz sa narinig. Gusto siya nito! At hindi lang iyon, binabago rin nito ang sarili para lang mapansin niya ito! Hindi siya makapaniwala sa biro ng tadhana.

Ipinagtapat niya kay Philip na binabago niya rin ang sarili para mapansin ng binata. Kapwa na lang sila natawa sa kanilang mga pinaggagawa, sa lahat ng pagod, pera, at panahong nasayang. Imbes na ipakita ang totoong sila ay pinili nilang ibahin ang hitsura at pananamit sa pag-aakalang iyon ang paraan upang makuha ang interes ng isa’t isa.

Simula noon, natutunan nilang magpakatotoo lang sa kanilang sarili at sa isa’t isa. Tinanggap nila kung ano man ang meron sa isa’t isa, at para sa kanila, iyon ang kahulugan ng tunay na pag-ibig.

Advertisement