Inday TrendingInday Trending
Walang Pakialam ang Binata sa Thesis Nilang Malapit nang Ipasa, Ito ang Nagpabunyag ng Pinakatatago Niyang Kalokohan

Walang Pakialam ang Binata sa Thesis Nilang Malapit nang Ipasa, Ito ang Nagpabunyag ng Pinakatatago Niyang Kalokohan

“Hoy, Roy, baka gusto mo namang tumulong sa thesis natin. Sa isang linggo na ang pasahan no’n, hanggang ngayon kahit isang salita, wala ka pang naiaambag,” sabi ni Thea sa kaniyang kamag-aral, isang hapon nang puntahan niya ito sa computer shop na kinawiwilihan nito.

“Tingin mo ba may pakialam ako?” masungit na tanong ni Roy habang tuloy pa rin sa paglalaro ng kompyuter.

Alam kong wala kang pakialam sa buhay at sa pag-aaral mo, pero sana isipin mo rin kaming mga kagrupo mo. Kapag tinanong ka ng mga propesor natin sa araw ng presentasyon at wala kang masabi, pati kami babagsak!” sigaw nito dahilan upang maagaw ang atensyon ng ibang manlalaro ro’n.

“Share mo lang?” pangbabara niya dahilan upang mapatawa ang lahat ng taong nakaririnig ng kanilang usapan.

“Ah, gano’n? O, sige, tatanggalin na lang kita sa grupo ko at umasa kang hindi ka magmamartsa ngayong Marso,” banta nito sa kaniya, imbis na matakot, tumawa pa siya.

“Martsa lang pala, eh, kayang-kaya ko ‘yon mag-isa,” sabi niya pa kaya muling nagtawanan ang mga tropa niyang andoon, “Doon ka na nga, natatalo na ako dahil sa baho ng bunganga mo, eh!” pagtataboy niya pa rito dahilan upang padabog itong umalis ng naturang computer shop na labis niyang ikinatawa.

Simula nang pumasok sa kolehiyo ang binatang si Roy, wala na siyang inintindi kung hindi ang kaniyang pagkokompyuter. Ito ang dahilan upang halos lahat ng kaniyang marka, kung hindi palakol, ay pasawang-awa.

Sa katunayan, maituturing himala sa mata ng kaniyang mga kamag-aral ang pag-abot niya sa ikaapat na taon ng kolehiyo dahil sa mga pinaggagagawa niya. Minsan na nga lang siya pumasok, kung minsa’y tulog pa siya o naglalaro ng selpon habang nagkaklase.

Ang tanging sikreto niya para makapasa, ginagamit niya ang alindog niya sa binabaeng gurong may mataas na posisyon doon na may gusto sa kaniya upang makuha niya ang mga sagot sa kanilang exam dahilan upang lumaki ang ulo niya at lalong magpabaya sa pag-aaral.

Lagi niyang sambit sa tuwing pinagsasabihan ng mga kamag-aral, “Asa kayong babagsak ako! Eh, wala pa ang exam, alam ko na ang sagot!” dahilan upang halos lahat ng mga ito, galit at inis sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, matapos umalis sa naturang computer shop ang kaniyang kamag-aral, katakot-takot na panlalait ang naabot nito sa mga kapwa niya naglalaro ro’n na labis niyang ikinatawa. Ika niya pa, “Akala mong malalagutan ng hininga kapag hindi nakapasa sa thesis, ‘no?” dahilan upang lalo siyang maghalakhakan.

Isang buwan ang lumipas, napasa na ng kaniyang mga kaklase ang kanilang sari-sariling thesis, nadepensahan na rin nila ito at lumabas na rin ang pangalan ng mga estudyanteng masisipagtapos sa Marso.

Kumpiyansado niyang tiningnan ang pangalan niya sa listahan ngunit laking gulat niya nang wala roon ang pangalan niya.

“Anong ibig sabihin nito?” tanong niya sa sarili saka dali-daling nagpunta sa opisina ng mataas na gurong may gusto sa kaniya.

Agad niya itong kinukwestiyon at nakiusap na ilagay ang pangalan niya roon.

“Ayoko nang mag-aral, gusto ko na makapagtapos ngayong Marso!” sigaw niya rito saka inihagis ang kaniyang bag sa lapag nang sabihin nitong wala na itong magagawa.

“Edi sana nakipagtulungan ka sa mga kaklase mo sa thesis na pinapagawa sa inyo,” wika nito na labis niyang ikinagalit.

“Ah, ganoon? Gusto bang hindi na makatikim at mabunyag lahat ng kalokohan mo sa paaralang ito?” pananakot niya rito.

“Huli ka na, Roy, alam na nila ang lahat. Kaya nga wala ro’n ang pangalan mo, eh,” sabi nito na ikinagulat niya, “Huling araw ko na rito, tinanggal nila ako sa trabaho dahil sa’yo, at ikaw, bukod sa hindi ka makakapagtapos, ipapatalsik ka sa paaralang ito at babalik sa unang taon sa kolehiyo kapag nag-aral ka sa ibang paaralan,” nakatungong sabi nito dahilan upang labis siyang mapaiyak sa kahihiyan at panghihinayang sa taong ginugol niya rito.

Maya maya lang, pinatawag na siya sa opisina ng tagapagpamahala ng naturang paaralan. Sinabi nito sa kaniyang natuklasan na ang kalokohang ginagawa niya at hindi ito mapapalampas.

Umingay sa kanilang paaralan ang balitang ito at katakot-takot na kahihiyan ang kaniyang nararamdaman dahilan upang magkulong siya sa kanilang bahay nang halos ilang linggo habang ang kaniyang mga kamag-aral ay naghahanda sa nalalapit na pagtatapos.

Doon niya napagtantong kung hindi niya pagsisikapan ang isang bagay, kahit anong tagal ang hintayin niya, hindi niya ito makukuha dahil walang bagay na kaloob ng Diyos ang ibibigay nang hindi pinaghihirapan.

Advertisement