Nakulitan na ang Babae sa Kaniyang Matandang Ina, Walang Pagdadalawang-isip na Inabandona Niya Ito

Nakulitan na ang Babae sa Kaniyang Matandang Ina, Walang Pagdadalawang-isip na Inabandona Niya Ito

HeartbreakingKarmaStories

Sitenta’y sais anyos na ang ina ni Marie, na ngayon ay nangangailangan ng mahaba-habang pasensiya, malawak na pag-unawa at sapat na pag-aalaga.

“Ayoko sa amoy ng niluluto mong pagkain, Marie. Ang baho at mukhang hindi masarap. Amoy malansa,” nakaismid na wika ng kaniyang inang si Yolie.

“Pero ‘nay, iyan lang po ang nakayanan ng asawa ko para sa’ting lahat.” Pakumbabang paliwanag ni Marie, kahit na ang totoo ay naiinis na siya sa ina.

“Bakit kasi nag-asawa ka ng mahirap Marie?” patuloy na reklamo ng ina.

Dumadating sa puntong nais niyang sumbatan ito at pagalitan, katulad na lang ngayon. Ngunit sa t’wing naiisip niyang nanay niya pa rin ito ay buong lakas niyang pinipigilan ag sarili.

“Lulutuan ko na lang kayo nang gusto niyo, ‘nay,” wika ni Marie matapos lamang ang usapan.

Pitong taong gulang siya no’ng umalis ang kaniyang ina at iwanan silang mag-ama. Noon ay buong pagtataka si Marie, kung bakit nagawa ng kaniyang ina ang iwanan siya? Dahil ngayong may pamilya na siya’t mga anak ay mawaglit lamang ang mga anak sa paningin niya’y namimiss na niya ang mga ito.

Tapos muli na lamang nagpakita ang kaniyang ina noong nam*tay ang kaniyang papa, edad bente dos anyos siya.

“Mama, isasama niyo na po ba ako?” inosenteng tanong noon ng batang siya.

“Hindi pa rin, anak. Hayaan mo at dadalaw-dalawin naman kita kapag may oras ako,” wika ng ina.

Ngunit ang pangako nitong dadalawin siya’y hindi man lang nangyari hanggang sa nakapag-asawa siya at na ipanganak ang panganay niyang anak na lalaki.

Makalipas ang siyam na taon ay muling nagpakita ang kaniyang ina at saglit na tumira sa bahay niya.

“Ewan ko ba sa’yo Marie at bakit ba kay hilig-hilig mong gumawa ng anak. Naka-apat ka na! Diyos ko naman Marie, hindi ka ba naiinis sa ingay ng mga anak mo,” inis na wika ni Yolie sa kaniya.

“Mga anak ko po sila ma, kaya bakit naman ako makakaramdam ng inis?” prangkang wika ni Marie.

“Hay naku! Kaya ayokong bumibisita sa’yo e. Mas maigi pa kapag kasama ko si John, masarap ang buhay ko at pa-bakasyon-bakasyon lang. Hindi kagaya ritong sa ingay pa lang ng mga anak mo. Nakakaramdam na ako ng matinding stress,” maarteng wika ni Yolie, habang pumipilantik pa ang mga kamay sa ere.

Iyon ang buhay na gusto ng kaniyang ina— pagpapasarap at panlalalaki. Hindi na niya matandaan kung pang-ilang lalaki na nito si John. Basta ang alam niya’y gustong-gusto ng kaniyang ina ang mag-buhay reyna na hindi kayang ibigay ng kaniyang kawawang ama.

Ngunit sadyang kumukupas ang lahat. Tumanda na nang tuluyan ang kaniyang ina at ngayon ay may mga sakit na itong dinaramdam sa katawan. Kaya nito naisipang umuwi sa kaniya para magpaalaga.

“Marie, ayoko talaga sa bahay niyo. Bukod sa ang init dito ay ang iingay ng mga anak mo kahit malalaki na sila, lalo na kapag may pinagtatalunan silang walang kwentang bagay. Baka pwede mo akong hanapan ng sarili ko lang bahay, puntahan mo na lang ako araw-araw para alagaan, tapos uuwi ka rito pagkatapos.

Matanda na ako Marie, mas gusto ko na ng katahimikan at hindi ko iyon nararamdaman sa bahay na ito. Baka ikam*tay ko pa nang maaga,” mahabang wika ni Yolie sa hirap na hirap na boses.

Bakas na nga talaga rito ang katandaan. Tumanda na ang katawan ng ina at nanghihina na ito, ngunit ang matayog na tingin nito sa sarili ay nanatili pa rin.

“Alam mo ‘nay, hindi ko naman talaga dapat sinasabi ‘to. Pero hindi niyo ba nararamdaman na sumosobra na kayo? Sobra-sobra naman yata ang hinihingi niyo sa’in bilang anak ninyo, ngunit ikaw ba ‘nay… naging ina ka ba sa’kin noon?” Napuno na ang pasensya ni Marie.

“Ang lakas ng loob mong sagutin ako Marie, tandaan mo! Ako pa rin ang ‘yong ina!”

“Oo, nanay kita. Ikaw ang nagluwal sa’kin, pero hindi ka nagpaka-nanay sa’kin. Nasaan ka no’ng mga panahong kailangan kita ‘nay? Hindi kita mahagilap, masyado kang abala sa pagpapakasarap. Sino-sinong lalaki na lang ang kasama mo? Basta may pera pinapatos mo!

Alam mo, minsan nagsisisi ako kung bakit tinanggap pa kita sa bahay ko e. Na kung tutuusin, matagal na panahon na rin naman akong walang ina,” puno ng emosyong sumbat ni Marie.

Isang malakas na sampal ang iginawad ni Yolie sa pisngi niya. “Anak lang kita! Minsan naiisip ko rin na sana ipinalaglag na lang kita noon.”

“Sana nga ginawa mo ‘yon. Sana pinalaglag mo na lang ako ‘nay, para hindi ko na naranasan ang paghihirap na naranasan ko mula noong iniwan mo kami ni tatay,” tumatangis na wika ni Marie. “Mag-empake ka na ma at umalis ka na sa pamamahay ko. Nabuhay ako ng maraming taon na wala ka. Kaya alam kong patuloy akong mabubuhay ngayon. Sinanay mo kasi ako na wala ka,” aniya saka inempake mismo ang mga damit ng ina.

Hindi nga siguro sila kailanman mag-kakasundo ng kaniyang ina. Mas maiging ihatid na lamang niya ito sa pasilidad kung saan mas maaalagaan ito.

Bago pa man tuluyang pumasok sa loob ng Home for the Aged ang ina ay hinawakan nito ang kaniyang kamay.

“Patawarin mo ako anak kung marami akong pagkukulang sa’yo. Masyado kong ninamnam ang sarap ng buhay hanggang sa nakalimutan kong lingunin ka. Hindi ko namamalayan na habang lumalaki ka ay tumatanda rin ako. Alam kong huli na ang lahat para sa’ting dalawa pero sana balang araw, mahanap mo rin sa puso mo ang pagpapatawad.” Umiiyak na wika ni Yolie. Hinalikan muna nito ang kaniyang noo bago tuluyang pumasok sa loob.

Sana nga ay magbago na ang kaniyang ina habang hindi pa huli ang lahat. Masakit man sa kaniya ang pag-abandona rito ay mas pipiliin niya ang katahimikan nang sariling pamilya kaysa sa kaniyang ina na hindi naman nagpaka-ina sa kaniya mula noon hanggang ngayon.

May kaniya-kaniyang dahilan ang bawat anak kung bakit mas pinipili nilang i-abandona na lang ang sariling magulang at iyon ang dahilan ni Marie.

More Stories