Uto-uto Raw ang Matanda Sapagkat Madaling Mabilog ang Utak Niya ng mga Estudyanteng Bumibili sa Kaniya; Makalipas ang Ilang Taon ay Aanihin Pala Niya ang Lahat ng Kaniyang Itinanim

Uto-uto Raw ang Matanda Sapagkat Madaling Mabilog ang Utak Niya ng mga Estudyanteng Bumibili sa Kaniya; Makalipas ang Ilang Taon ay Aanihin Pala Niya ang Lahat ng Kaniyang Itinanim

InspiringStoriesSuccess

“H’wag kayong magtulakan at marami pang taho. Hindi kayo mauubusan,” magiliw na sambit ni Mang Julio sa mga estudyanteng nagkukumpulan sa kaniyang paninda. 

“Aba, Julio, dagsa lagi ang mga batang parokyano mo, a. Maaga ka na namang makakauwi niyan,” sambit ng isang nagtitinda rin sa tapat ng eskwelahan. 

“Paanong hindi dudumugin? Kung hindi ipinamimigay ay ibinibenta ng palugi. Ewan ko sa’yo, Julio. Ang dapat sa iyo ay magtayo ng charity hindi ng negosyo!” natatawang kantiyaw ng isa pang tindero. 

“Kayo naman. Hindi ko kasi matiis ang mga bata. Saka nababawi ko naman ang puhunan ko madalas. Kukuha na lamang ako ulit mamaya ng ilalako kong taho sa kabilang baranggay. Doon ay makakabawi ako,” tugon ng ginoo. 

“Wala ka namang napapala sa pamimigay mo ng paninda mo. Tingnan mo nga noong isang araw ay napagbintangan ka pa ng isang magulang na may balak ka sa anak nila. Kaya tigil-tigilan mo na ang pagiging sobrang bait sa mga iyan, magtatapos ang mga iyan at hindi ka rin maaalala,” sambit muli ng isang lalaki. 

Matagal nang nagtitinda ng taho si Mang Julio sa tapat ng mababang eskwelahan sa kanilang lugar. Hiwalay na sa asawa at wala ring anak kaya sa pagtitinda na lamang niya iginugugol ang kaniyang oras. Madalas nga ay wala na itong kinikita dahil masyado itong mapagbigay sa mga batang estudyante. 

Mabilis lumambot ang kaniyang puso lalo na sa tuwing nalalaman niyang hindi man lamang nagawang mag-almusal ng isang bata bago pumasok sa paaralan. 

“Totoy, mag taho ka muna para mainitan ang sikmura mo!” sambit niya sa isang batang gusot gusot ang damit at halatang hindi pa nag-aagahan. 

“Wala po akong pambayad, Mang Julio,” sambit ng bata.

“Naku, ‘wag mo nang isipin muna ang bayad. Ang importante ay magkalaman ang sikmura mo. Mahirap yata mag-aral ng walang laman ang tiyan,” tugon ng ng ginoo. 

Nahihiya man ay tinanggap na ito ng bata. Laging ganito ang ginagawa ni Mang Julio. Hanggang sa katandaan na niya ang pagtitinda ng taho sa gilid ng eskwelahan. 

“Hindi mo na kayang bumuhat ng taho, Julio! Hanggang ngayon ay namimigay ka pa rin ng paninda mo sa mga batang iyan. Ni wala ka nang naiuuwi para sa sarili mo. Ano ang kakainin mo sa araw-araw? Ang tahong tinda mo? Kaya hindi na umasenso ang buhay mo!” saad ng dating tindero na kasa-kasama niya. 

“Ikaw naman, nakaluwag lang ng kaunti ay ganyan ka nang magsalita. May natitira pa naman sa akin. Saka kaligayahan ko na makatulong sa mga batang ito,” tugon ni Mang Julio. 

“Kahit kamat*yan mo ang pagtitinda, Julio, hindi ka aasenso. Sinasabi ko sa’yo!” natatawang sambit muli ng lalaki na kumukuha pa ng mas matinding atensyon sa mga ibang naroon. 

Hanggang naglabasan ang mga bata sa eskwela. Habang itinatabi ni Mang Julio ang kaniyang tindang taho ay may ilang kabataang nag-away sa kaniyang tabi. Kaya natabig ang tindang taho ng matanda at maging siya ay humandusay sa sahig. 

Hindi man lamang humingi ng kapatawaran ang mga batang ito. Bagkus ay dinaanan lamang nila si Mang Julio at nagpatuloy sa gulo. 

“Ayan na nga ang sinsabi ko sa’yo, Julio! Tulong ka nang tulong sa mga batang ‘yan, tignan mo ang ginawa sa iyo. Ni hindi ka man lamang nagawang hintuan at tulungan kahit makatayo!” pangangantiyaw ng isang tindero. 

“Ano, Mang Julio, kaya n’yo pa bang tumayo?” kantiyaw pa ng isang lalaki doon. 

Imbis na tulungan nila si Mang Julio ay puro pangmamata pa ang kanilang ginagawa. 

Hanggang isang lalaki ang pilit umaabot ng kamay ng matanda. 

“Akin na po ang kamay ninyo, Mang Julio,” sambit ng isang binata habang inilahad ang kaniyang kamay upang hawakan ng matanda. 

Agad nitong tinulungan si Mang Julio na makatayo at maging ang lalagyanan ng kaniyang paninda ay isinaayos rin ng binata. 

“Maraming salamat sa’yo, hijo,” nakangiting sambit ni Mang Julio habang pinupunasan ang kaniyang damit na natapunan ng taho. 

“Kumusta na po kayo, Mang Julio? Naaalala n’yo pa ba ako?” tanong ng binata. 

“Sa dami ng batang nakakasalamuha ko at dahil na rin sa katandaan ay hindi ko na maalala,” wika ni Mang Julio. 

“Ako po ang batang tinutulungan ninyo noon na makapasok sa eskwela na laging walang laman ang tiyan. Tuwing umaga po ay binibigyan n’yo ako ng mainit na taho ng libre. At hinding-hindi ko po iyon makakalimutan,” saad ng binata. 

“Sa loob ng maraming taon ay inisip ko po kung paano ko maibabalik sa inyo ang inyong kabutihan. Kaya ngayon po na maayos na ang aking buhay ay nais ko po sana na gantihan ang kabutihan ninyo,” dagdag pa ng binata. 

“Isa na po akong inhinyero at nais ko pong ipagawa ang tahanan ninyo at lagyan ng tindahan  ng sa gayon ay hindi na kayo maglako pa ng taho. Makakapahinga na rin ang katawan ninyo sa bahay,” wika pa nito. 

Hindi makapaniwala ang lahat sa sinabi ng binata. Dito nga nagbalik ang alaala ng pagtulong ni Mang Julio sa batang ito. Laking gulat din ni Mang Julio na sa tagal-tagal ng panahon ay may tinatanaw pala ng batang ito bilang utang na loob ang kaniyang pagtulong na ginawa. 

Hindi alam ni Mang Julio ang kaniyang sasabihin kaya napaluha na lamang ang matanda. 

Agad sinimulan ng binata ang pagsasaayos ng bahay ni Mang Julio. Maging ang tindahan na kaniyang ginawa ay nilagyan rin niya ng mga paninda. Doon ay hindi na kailanman kailangan pa ni Mang Julio na buhatin ang mabigat na lalagyan ng taho upang ilako. 

Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa balik ng kapalaran na kanyang nakamit. At magpahanggang ngayon ay hindi pa rin niya maiwasan na tulungan ang mga bata sa kaniyang paligid. 

More Stories