Kinukutya ang Babae Sapagkat Wala Raw Siyang Ginawa Kundi Magbenta sa Internet; Laking Gulat Nila Nang Malaman ang Tunay na Buhay ng Babae

Kinukutya ang Babae Sapagkat Wala Raw Siyang Ginawa Kundi Magbenta sa Internet; Laking Gulat Nila Nang Malaman ang Tunay na Buhay ng Babae

InspiringStoriesSuccess

“Anong ibig mong sabihing hindi ka na papasok bukas sa trabaho mo, Nando?” nanlulumong tanong ni Camille sa kaniyang kinakasama. 

“E, h’wag na daw akong pumasok. E’di h’wag pumasok! Ang dami naman diyang iba. Akala ata nila gusto ko ang trabaho diyan sa construction!” naiinis na tugon ng asawa sabay bato ng kaniyang bag sa sahig. 

“Hindi ka pwedeng mawalan ng trabaho ngayon, Nando. May dalawang bata tayong pinagagatas. Nag-aaral ang panganay natin. Saan tayo kukuha ng panggastos? Sana ba ay kung tayong dalawa lang ang iniintindi natin sa buhay. May mga binubuhay tayong mga anak, Nando!” pakikipagtalo ni Camille. 

“Anong magagawa ko? Alangan namang ipagpilitan ko ang sarili ko dun? Bukas na bukas ay hahanap ako ng ibang trabaho. H’wag mo na akong talakan. Naririndi na nga ako sa ginawa ng boss ko sa akin, hanggang dito ba naman sa bahay ay bubungangaan mo ako?” galit na tugon ni Nando. 

Hindi na alam ni Camille kung saan pa kukuha ng pasensiya para sa kaniyang asawang si Nando. Madalas kasi itong matanggal sa pinapasukang trabaho. Kung minsan naman ay umaalis ito sapagkat hindi raw kaya ang mabigat na gawain. Wala nang magawa pa si Camille kung hindi tanggapin na lang ang katamaran na ito ng asawa. 

Hindi nakapagtapos si Camille at maagang nakisama kay Nando dahil maaga rin siyang nabuntis nito. Hindi rin niya akalain na ganitong buhay pala ang mararanasan niya sa kinakasama. Ngunit kahit na tanggap na niya ang pagkabatugan nito at wala talaga siyang maaasahang magandang hinaharap sa lalaki ay hindi naman siya makakapayag na hindi niya mabigyan ng magandang buhay ang mga anak. 

Makalipas ang ilang linggo ay nakahanap muli si Nando ng trabaho sa talyer. Ngunit hindi pa ito nakakadalawang linggo sa pinapasukan ay nasangkot naman ito sa pagnanakaw. 

“Hindi ko na alam ang gagawin ko sa’yo, Nando. Siguro ay panahon na para isipin ko naman ang buhay ko at ng mga anak natin. Bahala ka na sa buhay mo. Uuwi na lang kami sa amin at ako na ang bahalang bumuhay sa mga bata,” sambit ng napuno nang ginang. 

“E’di lumayas ka. Akala mo ba ay pipigilan ko kayo? Kayo nga ang pabigat sa buhay ko!” sigaw ni Nando. 

Mula noon ay naghiwalay na sila ng landas. 

Magiliw namang tinanggap si Camille at ang mga anak nito ng kaniyang mga magulang. Ngunit dahil ayaw niyang maging pabigat ay gumawa siya ng paraan upang kahit paano ay makatulong siya sa mga gastusin para sa mga bata. 

Dito niya naisipan na magtinda online. 

“Sa tingin ko, ‘nay, ay papatok ang pagtitinda kong ito. May mga gamit ang mga anak ko na puwede pang pakinabangan ng iba. Tulad ng mga kinaliitan na nilang damit at mga laruan. Dito ako magsisimula upang makakuha ng ipampupuhunan,” sambit ng dalaga sa kaniyang ina na todo ang suporta sa kaniya. 

Walang oras na hindi laman si Camille ng internet. Madalas itong magpost ng kung anu-anong mga ibinibenta. Nang makaipon ay ginamit niya ito upang ipuhunan sa ibang paninda. 

Ang ginagawa niya ay pumupunta siya sa Divisoria at naghahanap ng maaaring ibenta saka niya ito pinopost sa peysbuk. Madalas ay wala sa mga kaibigan niya ang pumapansin sa kaniyang mga posts. Ngunit wala siyang pakialam. Patuloy pa rin siya sa pagbebenta online. 

Alam niya na marami sa kakilala na nakakakita ng kaniyang post ay pinagtatawanan siya. Hindi niya ito ininda sapagkat alam niyang wala siyang masamang ginagawa at ang lahat ng ito ay para sa kinabukasan ng kaniyang mga anak. 

Isang araw ay inanyayahan siya sa isang pagtitipon. Naroon ang mga dati niyang kaklase sa hayskul. 

“Grabe, napupurga na ako sa mga pinopost ni Camille sa scoial media. Puro mga tinitinda niya!” sambit ni Grace, isa a mga dati niyang kaklase. 

“Oo nga, e. Minsan nga naiinis na ako kasi puro siya na lang nakikita ko!” dagdag pa ni Rina. 

“Sinabi n’yo pa. Maaga kasing lumandi. Kaya ayan tuloy naging taga-benta na lang ng kung anu-ano!” natatawang sambit naman ng isa pang babae. 

Hindi sinasadya ni Camille na marinig ang lahat ng ito. Nasaktan man siya ay napangisi na lamang siya. 

“Oy, Camille. Narito ka pala. Nasaan ang mga paninda mo? Bakit wala kang dala?” kantiyaw ni Rina sa dalaga. 

“Kung tinapos mo kasi ang pag-aaral natin at hindi ka kaagad nagpabuntis ay baka kagaya ka na namin ngayon na magaganda ang trabaho. Wala e, inuna mo ang pangangati mo! Kaya ngayon, ayan, tindera lang online!” patuloy sa hagalpakan ang mga babaeng ito. 

“Sayang nga at wala akong dalang paninda ngayon. Para naalok ko kayo. Magaganda pa naman ang mga trabaho ninyo at tiyak na may pambili kayo,” pananarkastiko ni Camille. 

“Pero h’wag kayong mag-alala, kasi bukas ay magpopost ako ulit,” dagdag pa ng dalaga. 

Kinabukasan ay tinupad ni Camille ang kaniyang sinabi at nagpost siya sa social media. Dito niya nilahad ang kaniyang tinahak sa pagiging online seller. 

“Maaga po akong nabuntis kaya po nahinto ako sa pag-aaral. Hindi ko man natupad ang pangarap ng mga magulang ko sa akin ay hindi ko pinagsisisihan na dumating sa akin ang tatlo ko pong anak,” panimula niya. 

“Madalas kong marinig ang mga panunukso at tawanan dahil isa lamang daw akong tindera online. Marami man akong naririnig na pangungutya ay hindi ko iniinda ito sapagkat alam kong gumagawa ako ng tama at wastong paraan para buhayin ang mga mahal ko as buhay. Lalo na at wala akong tinatapakang tao. Marangal ang trabahong ito. At ipinagmamalaki ko na isa akong Online Seller

“Nga po pala, ito na po ang bahay na ipinapagawa ko para sa aming mag-iina. Nakabili na rin po ako ng sasakyan at balak pa pong bumili ng isa pa para gamitin sa lumalagong negosyo,” dagdag pa niya. 

“Sa mga naligaw ng landas at pinipilit na ayusin ang kanilang buhay, kaisa ninyo po ako. Huwag susuko sa hamon ng buhay. Maging inspirasyon po sana ang aking pinagdaanan sa inyong lahat!” pagtatapos niya. 

Hindi makapaniwala ang lahat sa naging bunga ng pagtitiyaga at pagsisipag ni Camille bilang isang tindera online. Ang minamaliit nilang tindera ay nagpapatayo na ng magarang bahay at nakapundar na ng mga sasakyan. Masagana na ang kaniyang pamumuhay at naitataguyod niya ng maayos ang kaniyang mga anak. 

Dahil sa post na ito ng dalaga ay maraming nahumaling na magnegosyo na rin. Ang mga dating nangmamata at umaalipusta sa kaniya ay humihingi na ngayon ng tulong upang malaman ang sikreto ng kaniyang tagumpay. 

More Stories