Aalamin ng Lalaking Ito ang Tinatagong Nakaraan ng Kaniyang Kasintahan, Kayanin Kaya Niya?

Aalamin ng Lalaking Ito ang Tinatagong Nakaraan ng Kaniyang Kasintahan, Kayanin Kaya Niya?

LoveMysteryStories

“Bakit ba kasi hindi mo na lang tanungin ulit si Gina tungkol nga sa ex niya para naman hindi ka nagkakaganyan? Baka mamaya saan pa mapunta ‘yang  tamang hinila mo,” wika ni Monica, matalik na kaibigan ni Roby.

“Ilang beses ko nang tinanong ‘yan sa kaniya pero nagagalit lang siya sa akin. Lagi niyang sinasabing past is past daw pero para sa akin kasi mahalaga ‘yun. Kailangan kong maintindihan ang nakaraan niya para mahalin ko pa siya lalo ng tama,” baling naman ng lalaki.

“Mahalin ng tama o gusto mo lang makasigurado na wala na talagang epekto ang nakaraan ni Gina sa kaniya? Ganito na lang ang isipin mo, may mga nakaraan ka rin na ayaw mo nang balikan. Lahat tayo ay may ganoon na sa punto ng buhay natin, ‘yung pahina na halos gusto nating punitin sa kabanata ng buhay natin pero hindi natin magawa kaya naman ililihim na lang natin siya. Minsan, kakalimutan o ‘di kaya naman ay ibabaon kasama sa hukay. Hindi ka perpekto, Roby, kaya sana ganoon din ang tingin mo kay Gina,” paliwanag naman ng babae.

“Babae ka kasi kaya mo ‘yan nasasabi. Lalaki ako, Monica, dapat lang na alam ko ang lahat sa kaniya. Mamaya pala magkita-kita sila ng mga kaibigan niya tapos nandoon ‘yung ex niya, e, ‘di nagkita pa sila? Paano ako nun, ako ang kawawa! Ang akin kasi, alam niya ang lahat sa akin, sinasabi ko lahat tungkol sa ex ko kaya dapat lang na ganoon siya sa akin,” pagpupumilit pang muli ng lalaki.

“Hindi ikaw ang kawawa, Roby, ikaw ang walang tiwala, magkaiba ‘yun! ‘Nak ng tokwa ka! Ano ba gusto mo sa jowa mo? Itali mo sa salawal mo para kasa-kasama ka kung saan man siya nagpupunta at para malaman mo bawat isang tao na nakita niya sa isang araw? Malala ka pa sa NBI natin! Kung ako si Gina, hihiwalayan na lang kita,” inis na sagot ni Monica sa kaibigan. Hindi naman sumagot pa si Roby at humithit na lamang ng sigarilyo sa inis niya.

Magtatatlong taon nang magkasintahan sina Roby at Gina ngunit hanggang ngayon ay may isang nakaraang relasyon ang babae na ayaw niyang pinag-uusapan kaya naman mas lalo namumuo ang hinala sa kaniyang sarili. Maraming umuusbong na tanong na nais niyang masagot ng babae kaya kahit na maraming nagsasabi na huwag na niyang pilitin na alamin pa ay ginawa pa rin niya.

“Hala, hindi mo ba talaga kilala si Kokoy? Matagal na ex ni Gina ‘yun!” sagot sa kaniya ng isang babaeng nakakakilala raw sa dating nobyo ni Gina.

“Sige na, sabihin mo na sa’kin kahit ‘yung pangalan lang sa Facebook,” pilit niya rito.

Mabilis naman niyang napilit ang babae at kaagad na hinanap ang taong matagal ng bumabagabag sa kaniya. Nang matagpuan niya ito ay hindi siya makapaniwala.

“Tang*na!”

“Kilala ko na si Kokoy,” diretso nitong sabi sa babae.

Saglit na hindi nagsalit si Gina at tila namutla ang babae sa kaniyang narinig.

“Bakit? Bakit mo siya hinanap? Paano? Paano mo siya nakilala?!” galit na sagot sa kaniya nito at nakita ni Roby ang kakaibigang galit sa mga mata ng nobya.

“Love, bakit hindi mo sinabi sa akin kung sino siya? Bakit? Sa tingin mo ba hindi ko maiintindihan? Hindi kita matatanggap?” tanong naman kaagad ni Roby sa babae.

“Alam kong mali ako na hindi ko sinabi sa’yo kung sino siya pero-” putol niyang sabi saka siya nagtakip ng mukha at napaiyak na lamang kaagad ito.

“Hindi mo kailangan umiyak, love! Kahit na nalaman ko kung sino si Kokoy ay walang nagbago sa pagtingin ko sa’yo! Mahal na mahal pa rin kita!” mabilis na yakap ng lalaki kay Gina para patahanin ito.

“Hindi ko lang kasi kaya, hindi ko pa kayang sabihin sa’yo. Noon kasi, sa tuwing sinasabi ko kung sino si Kokoy ay nag-iiba ang tingin sa akin ng karelasyon ko o ng ibang tao. Sabi nila nakakadiri raw ako at kung ano-ano pang masasakit na salita kaya naman mas pinili kong kalimutan na lang ‘yun. Gusto kong magsimula ng bagong Gina, gusto kong makalimutan ang nakaraan ko,” iyak pang muli ng babae sa kaniyang nobyo.

“Wala kang dapat na ikatakot. Sorry rin kung naging makulit ako kasi akala ko may nararamdaman ka pa sa ex mo kaya naman pilit kong inalam kung sino siya. Patawarin mo ako kung hindi ako nakapaghintay na ikaw mismo ang magkwento sa akin ng lahat. Pero gusto ko lang malaman mo na walang nagbago at hindi bumaba ang pagtingin ko sa’yo, Gina, mahal na mahal kita!” ani Roby saka niya hinalikan ang babae habang umiiyak ito. 

Nalaman na lahat ng lalaki na ang dating kasintahan ni Gina ay isang babae rin. Dumanas kasi ng diskriminasyon ang kaniyang nobya sa pagkakaroon ng ganoong relasyon kaya naman pala mas pinili nitong ilihim na lang at kalimutan. Ngayon ay mas naintindihan ni Roby si Gina at mas naging bukas naman ang babae sa kaniyang nobyo. Ngayon niya napatunayan na sa sampung lalaki ay may isang magtitiwala sa kaniya. Sa kaniyang nakaraan, sa kaniyang kasalukuyan at handang bumuo ng kaniyang bagong kinabukasan.

More Stories