Kahit Ano’ng Sabihin ng Iba’y Wala Siyang Pakialam; Ngunit Halos Isumpa Niya ang Lahat Noong Dinamay ng mga Ito ang Kaniyang Nanay
Inis na pinatulan at hinarap ni Sandra ang mga tsismosang kapitbahay sa kanilang lugar. Hindi niya alam kung saan nagsimula ang galit, inggit at inis ng mga ito sa kaniya na noon ay hindi niya pinapansin. Sa isip-isip nya, gano’n talaga siguro kapag artistahin, laging front page sa tsismis.
Ngunit hindi na niya nagawang palampasin pa ang mga ginagawa ng mga ito noong pati ang mama niya’y nadamay na sa pangbabatikos ng mga ito. Ayon sa kumakalat na tsismis ay pokp*k daw ang kaniyang ina noong kabataan nito at siya raw ay bunga ng trabahong ito noon.
“Bakit, totoo naman ang sinasabi ko ah! Na dating bayaran ang nanay mo at dahil ikaw ang bunga ng pagiging bayaran niya kaya malamang sa malamang isa ka ring bayarang babae! Kaya ka umaalis at pumapasok sa trabaho kapag gabi ay dahil isa kang bayaran! Kaya bakit galit na galit ka?!” sumisigaw na wika ni Paning, ang isa sa tsismosa niyang kapitbahay. Nagsang-ayunan naman ang mga tsismosa nitong kasama.
“Kung anuman ang naging trabaho ng nanay ko noon ay wala kayong pakialam! Hindi siya nanghingi sa inyo ng pera para makakain siya, kaya ano bang paki niyo kung ano pa man ang naging trabaho niya noon? At ito lang ang sasabihin ko sa inyong mga Marites kayo, hindi ako bayarang babae, matino ang trabaho ko. Hindi por que sa gabi ako pumapasok sa trabaho’y pokp*k na ako! Isa akong call center agent, palibhasa kasi wala kayong alam kung ‘di ang pagtsismisan ang kapwa niyo, kaya wala kayong alam sa buhay!” gigil na litanya ni Sandra.
Hindi totoo ang sinasabi at binabato ng mga ito sa mama niya. Isa itong guro sa pangkolehiyong paaralan at hindi siya totoong anak nito. Dahil tumutok ito sa pagsuporta sa pamilya nito noon ay wala na itong naging panahon upang maghanap ng mapapangasawa.
Kaya hindi niya alam kung saan nanggaling ang tsismis na isang bayarang babae ang mama niya. At mas lalong hindi totoong bunga siya ng pagiging bayaran nito, dahil napunta siya sa buhay ng ina dahil dating estudyante nito ang totoo niyang ina.
Habang nag-aaral ay nagkaroon ng estudyante ring nobyo, nabuntis at ipinagpatuloy ang pagbubuntis. Bago manganak ay nakiusap ito sa Mama Sanya niya na ampunin nito ang isisilang niyang anak, dahil hindi nito alam kung paano ipapaliwanag sa mga magulang ang batang kailanman ay hindi nito plinano.
Sa awa ni Sanya sa inosenteng sanggol na hindi pa man naisisilang sa mundo ay inayawan na ng sariling ina, kinuha niya ang bata at tinuring na tunay na anak. Hanggang sa na-assign si Sanya sa ibang lugar at paaralan ay isinama siya nito at tuluyan na itong walang balita sa tunay niyang ina.
Hindi niya na nagawang makilala pa ang tunay na ina, ngunit alam niya ang totoo nitong pangalan at nakita niya na rin ang mukha nito sa lumang litrato na mayroon ang kaniyang Mama Sanya. Kaya labis siyang nasasaktan na tsini-tsismis itong bayarang babae at siya ang bunga ng pagiging pokp*k nito noon, dahil sa totoo lang… walang alam ang mga ito sa totoong buhay nilang mag-ina.
“Sa hilig niyong makialam sa buhay ng iba, hindi niyo na nakita ang sarili niyong buhay. Ang mga anak niyong babae, hindi niyo man lang nagawang ingatan. Panay bantay kayo sa buhay ko, pero sarili niyong mga anak hindi niyo nagawang bantayan. Mga menor de edad pa’y buntis na!” gigil niyang litanya.
“Sa totoo lang, hindi ko na kayo dapat pinapatulan pero sumosobra na kayo!” aniya habang dinuduro ang mga tsismosa na hindi matikom ang bibig sa kakatsismis sa buhay ng iba.
“Wala akong kasalanan sa inyo… at mas lalong walang kasalanan ang mama ko sa inyo. Kaya tantanan niyo ang kakabantay sa buhay naming mag-ina, dahil higit kanino man sa inyong lahat… mas matino kami at wala kaming ibang inagrabayadong tao, kahit kayo mismo’y wala kaming nagawa sa inyong kasalanan para ganituhin niyo kami,” maluha-luha niyang sambit.
Hindi na niya hinintay ang sasabihin pa ng mga ito. Tumalikod siya at iniwan na ang mga itong hindi nakapagsalita. Sa haba ng panahong mas pinili niyang manahimik at balewalain ang panglilibak nito sa kaniya, ngayon ay hindi niya na kayang manahimik lalo na’t nadadamay na ang mabait niyang mama.
Alam ng Diyos kung gaano kabuti ang Mama Sanya niya. Wala itong nagawang kasalanan sa kapwa. Hindi ito nang-agrabyado ng ibang tao at wala itong nakasamaan ng loob. Kaya sana’y tumigil na ang mga kapitbahay nilang gawan ito ng isyung hindi naman totoo.