Di Baleng Mahal ang Pamasahe, Basta’y Magta-taxi Raw ang Babaeng Ito; Byaheng Langit Pala ang Masasakyan Niya
“Hindi ka ba nanghihinayang sa perang itinatabi mo para sa taxi? Kung mag LRT ka na lang kaya? Mas malaki ang matitipid mo, Claire,” batid ni Sarah, ang katrabaho ng babae.
“Ito naman si Sarah, parang hindi ka na nasanay sa akin. Kung ang mantra ng ibang tao ay magkaroon ng sasakyan, ako ang mantra ko lang ay huwag mapagpawisan papasok at pauwi sa trabaho. Huwag mo nang guluhin ang buhay transportasyon ko, kalma ka lang diyan!” maligalig na sagot ni Claire rito habang abala pa rin sa pagbubukod ng pera niya sa pamasahe.
“Wala lang, ako kasi nanghihinayang sa pera mo. Alam ko naman na malaki ang sahod mo rito sa kumpanya natin pero mabilis lang ang pera, Claire. Tingnan mo nga ngayon, mag-aaral na rin si bunso ko. Dagdag gastusin na naman sa amin ng asawa ko. Kung pwede ko nga lang lakarin pauwi sa amin ay gagawin ko na para lang makatipid,” bahagi muli ng katrabaho niya.
“Hala ka, biyernes na ngayon, huwag mo muna akong paulanan niyang mga ganyan mo at gusto kong magkaroon ng maayos na pahinga. Nakakaloka ‘to! Trenta’y singko anyos na ako at wala akong jowa, mas lalong wala akong balak mag-anak kaya hindi ko mararanasan ‘yang ganyan! Siya, uuna na ako, maglakad ka nalang!” birong sabi ng babae rito at mabilis na lumabas ng opisina. Dali-dali siyang pumara ng taxi, alam niyang traffic ngayon dahil araw ng biyernes at magbababad na naman siya kahabaan ng EDSA.
“Ano ba ‘yan, ang baho naman!” bulong na reklamo ni Claire nang makapasok siya sa taxi at kaagad niyang napansin ang pine tree na nakasabit sa aircon nito.
“Manong, pwede bang paalis muna niyang air freshener niyo? Nahihilo kasi ako sa amoy niyan,” pakiusap ni Claire sa drayber.
Bahagya lamang na ngumiti si Claire nang makita niyang tinanggal agad ito ng lalaki kaya naman inilabas na niya ang kaniyang telepono at earphones upang ituloy ang pinapanuod na Korean nobela.
Kaya lamang ay naaaburido na ang babae dahil panay ang tanong ng drayber sa kaniya.
“Ang daldal niyo po pala ano,” pasimpleng ani Claire sa lalaki dahil kahit naka-earphones na siya ay rinig na rinig pa rin ito.
“Naku, hindi naman, sa totoo lang lahat ng pasahero ko ay natutuwa sa akin dahil nga hindi nila namamalayan ang traffic,” magiliw pa ring sagot ng lalaki sa kaniya at dahil hindi na nga umuusad ang trapiko ay pinatulan na lamang niya ang lalaki.
“Masaya po ba kayo sa buhay niyo ngayon?” malakas at diretsong tanong ni Claire dito.
Saglit na natahimik ang lalaki at bahagya siyang sinilip sa salamin.
“Alam mo, sa lahat ng pasahero ko ay ikaw lang ang tanging nagtanong sa akin niyan,” balik ng lalaki sa kaniya.
Nagkibit-balikat lang ang babae at tila ba naghihintay siya ng sagot mula rito.
“Alam mo bang isa akong propesor dati?” sagot ng drayber sa kaniya.
“Nasa rurok ako ng karera ko noon, may pamilya, malaking sahod, maayos na buhay pero sa isang iglap ay nawala ‘yun lahat,” dagdag pa nito.
“Kasi pinambabae niyo? Pinangsugal niyo? Iniwan kayo kaya malungkot at nagsisisi kayo ngayon?” mabilis na sagot ng dalaga rito.
“Hindi, niloko ako ng asawa ko mula noong sumakabilang buhay ang anak namin. Sinubukan kong magmahal ulit pero niloko lang ako ulit kaya ayaw ko na, hanggang sa nagdesisyon akong alagaan na lang ang mga magulang ko at mabuhay nang maayos araw-araw,” malungkot na bahagi nito.
“Kaso nung nawala na rin ang mga magulang ko, mas lalo kong naramdaman ang lungkot. Kaya heto ako ngayon, dito lang ako sa taxi ko natutulog. Wala akong bahay, wala akong ipon kasi hindi ko pinag-isipang mabuti ang buhay ko at naniwala akong ayos nang mabuhay sa araw-araw. Kaya kung tatanungin mo ako ulit kung masaya ba ako? Sasabihin kong, hindi. Hindi talaga, kaya kung ako sa’yo, kung nasaktan ka man o may plano kang hindi binibigay ng Panginoon ay huwag mong ayawan ang buhay. Magmahal ka, magpatawad ka at ulit-ulitin mo lang para hindi ka maging kasing lungkot ko,” naluluhang wika ng lalaki sa kaniya.
“O, nandito na tayo, salamat sa’yo,” sunod na wika nito na siyang ikinagulat ni Claire. Dali-dali siyang kumuha ng pera para i-abot ang bayad dito.
“’Tay, salamat ha,” naluluha ring saad ng dalaga at tuluyan na itong pumasok sa kanilang bahay. Dumiretso ang babae sa kaniyang kwarto at doon siya umiyak.
Dahil ang totoo nito ay napakalungkot ng buhay niya. Itinakwil siya ng kaniyang mga kapatid at magulang dahil ayaw niyang aminin sa sarili na siya ang mali. Naging kerida kasi siya at nakasira ng pamilya ngunit imbes na magsisi ay mas pinili niyang magmataas sa kanyang pamilya at tinatak sa kaniyang sarili na hanggat may pera siya at nakakasakay siya ng taxi sa araw-araw ay hindi niya kailangan ang mga ito. Ayaw niyang magmukhang mahirap sa mata nila o walang narating kaya kahit na malaki ang nawawala sa kaniya sa pagta-taxi ay isinasawalang bahala lamang niya ito.
Hindi niya malaman ngunit sa mga sandaling iyon na lumuluha siya ay nagising siya sa katotohanang limang taon na niyang sinasayang ang sarili sa maling persepsyon at prinsipyo sa buhay.
Kaya naman kinaumagahan ay kaagad siyang umuwi sa kanila at humingi ng tawad sa kaniyang pamilya.
“Matagal ka na naman naming pinatawad, ikaw lang ang hindi nagpapatawad sa sarili mo. Mabuti naman, anak, bumalik ka na. Mahal na mahal ka namin at tanging kabutihan mo lang hiling namin sa’yo,” lumuluhang sabi ng kaniyang ina.
Mula noon ay nagkaroon muli ng direksyon ang buhay ni Claire at mas nakita niya ang kinabukasan na dapat niyang paghandaan. Hinanap niyang muli ang drayber upang pasalamatan sana ito ngunit hindi na niya muli pang nakita ang lalaki. Gayunpaman, alam niya na ginamit ito ng Diyos upang magising siya sa katotohanan na ang byaheng dapat niyang pag-ipunan ay ang byaheng langit at hindi pang lupa lamang.