Mahigit Tatlong Dekada ang Lumipas nang Magkahiwalay Sila ng Bunsong Kapatid; Tama ba ang Sinasabi Nilang Lukso ng Dugo?
“Dok Mike, tapos ko na pong pakainin ang patient sa room 307, ano pa po ba ang kailangan kong gawin pagkatapos?” ani Janna, ang nars na kasama niya.
“Gano’n ba? Sige Janna, ako na ang bahala kay patient 307, wala na rin naman akong gagawin ngayon,” ani Dok Mike at naglakad na patungo sa pasilyong papunta sa kwarto ng pasyente.
Noon pa man ay magaan na ang loob ni Dok Mike sa babaeng pasyente, kaya sa tuwing wala na siyang gagawin ay pinupuntahan niya ito at kinakausap upang kahit papaano’y malibang naman ang ginang. Sampung taon ang agwat ng edad nila, at kung kaniyang alalahanin ay kasing edad ng pasyente ang kaniyang bunsong kapatid na halos tatlong dekada na niyang hindi nakikita.
“Hello, good afternoon!” nakangiting bati ni Dok Mike sa pasyenteng nagngangalang Rafaela.
“Hello, dok,” balik bati nito. “Mabuti po at pinuntahan niyo ulit ako.”
“Wala na po kasi akong gagawin kaya naisip kong puntahan kayo upang kumustahin. Kumusta na ang lagay mo?” tanong niya rito saka hinila ang bakanteng upuan at umupo.
Nakangiting sinuri ni Rafaela ang sarili saka sumagot. “Medyo maayos na rin naman po ako, Dok Mike.”
“Mabuti naman,” aniya.
Sumandal ito sa headrest ng kama at tinitigan ang butihing doktor na ngayon ay sinusuri ang kaniyang pulsuhan, pati na ang nakakabit na suwero sa kaniyang kanang braso.
“Alam mo, dok, kung buhay pa ang kuya ko ngayon ay baka magkasing-edad lamang kayo no’n. At saka magkasing-bait rin kayo ng kuya ko, dok,” ani Rafaela.
“Talaga ba?” ani Dok Mike.
Pareho pala sila ng babaeng pasyente. Kung nabuhay rin siguro ang kapatid niyang babae ay baka kasing-edad din nito.
“Sa totoo lang, dok, sana nga nabuhay na lang ang kuya ko, baka kapag buhay pa siya hanggang ngayon ay may pag-asa pa para magkita kaming dalawa,” patuloy ni Rafaela sa pagku-kwento. “Tatlong dekada na rin kasi mula noong naghiwalay kami ng kuya ko, mula noon hanggang ngayon ay hindi ko na siya muling nakita,” maluha-luhang wika nito.
Tila nanlamig ang buong katawan ni Mike sa kwento ni Rafaela. Medyo nagkakatugma kasi ang nangyari sa kapatid niya at sa kinukwento nito.
“Limang taon ako noon… noong lumayas si kuya, kasama ako, kasi palagi siyang binubugb*g ng amain namin at ako naman ay kamuntikan nang mapahamak sa kamay ng amain namin. Nagdesisyon si kuya ko na tumakas kasama ako at iwanan ang mama namin na imbes na kami ang kampihan dahil mga anak niya kami ay mas kinampihan pa ang amain naming salbahe,” kwento ni Rafaela.
Habang nakikinig sa kwento si Mike ay nanginginig na ang kaniyang mga kamay at gusto na niyang humagulhol ng iyak. Pero gusto niyang marinig ang buong kwento ni Rafaela, gusto niyang kumpirmahin sa sariling ito na nga ang kapatid na matagal na niyang hinahanap— tatlong dekada na ang nakakalipas.
“Naalala ko, sumakay kami noon sa bus. Kinailangang bumaba ni kuya, kasi iihi ata siya o may bibilhin lang sa terminal. Ang sabi niya sa’kin ay huwag daw akong umalis sa upuan, na siya namang sinunod ko. Pero nakaalis na lang ‘yong bus, hindi na muling umakyat ang kuya ko,” nagsisimula nang umiyak na kwento ni Rafaela.
Hindi na napigilan ni Mike ang pinipigilang mga luha. Nag-unahan na iyong umagos sa mukha niya. Humihikbing umangat ang mukha niya sa mukha ni Rafaela at humagulhol na kinuha ang kamay nito at yumuko.
“Bumalik ako, Faye, bumalik ang kuya, sinubukan kong habulin ang bus, pero hindi ko naabutan. Hindi kita iniwan, hindi ko gustong magkahiwalay tayo, patawarin mo ang kuya, Faye,” tumatangis niyang wika.
Faye, iyon ang totoong pangalan ng kaniyang kapatid na babae, habang siya naman si Francis. Kagaya niya siguro’y binago rin ng taong umampon dito ang totoong pangalan.
“Hinanap kita, sinubukan kong hanapin ka. Nanawagan ako sa mga radyo at telebisyon noon, pero hindi na kita muling nakita. Araw-araw, Faye, wala akong ibang hinihiling na sana nakaligtas ka sa araw na iyon at hindi ka napahamak. Hinihiling ko palagi na sana muli pang magkrus ang landas natin at makita ko man lang ang paglaki mo,” umiiyak niyang kausap sa kapatid na matagal na nawalay sa kaniya. “Patawarin mo ang kuya, Faye.”
Humahagulhol na rin ng iyak si Faye, at niyakap ang pinakamamahal na kapatid. Nasa harapan na niya pala ang kapatid na matagal nang inasam na muling makita. Isa na pala itong magaling na doktor at siya’y isang may sakit na pasyente. Pero kahit ganoon ay nagpapasalamat pa rin siya, dahil kahit anuman ang mangyari sa buhay niya ngayon, muli niya namang nakita ang Kuya Francis niya.
“Babawi ang kuya, Faye, babawi ako,” ani Dok Mike, saka mahigpit na niyakap ang kapatid.
Salamat dahil natupad na rin ang matagal na hinihiling ni Mike, ang muling makita ang matagal na nawalay na kapatid. Ngayong alam niyang ito ang bunsong kapatid na matagal na niyang hinahanap ay sisiguraduhin niyang mas aalagaan niya ito at gagawin ang lahat upang gumaling ito sa sakit.
Matagal man silang hindi nagkita, marami man ang nangyari sa buhay nilang hindi nila nasaksihan, ay nanatili ang pagmamahal nila bilang isang tunay na magkapatid. Totoo nga ang lukso ng dugo dahil una pa lang niyang nakita si Rafaela ay magaan na ang loob niya rito. Iyon naman pala’y ito ang matagal na niyang nawawalang kapatid na si Faye.
Sadyang magulo at malupit ang tadhana, pero kahit ganoon ay malaki pa rin ang pasasalamat ni Mike sa Panginoong Diyos, dahil bago pa man nahuli ang lahat ay muli nitong pinagkrus ang landas nilang magkapatid.