Pinagtatakhan ng Dalaga ang Empleyadong Palaging mas Pinipiling Kumain Malapit sa Banyo; Habag ang Naramdaman Niya sa Totoo Nitong Dahilan
Tanghali na at oras na upang kumain na ng pananghalian ang mga empleyado sa kaniyang kumpanya. Kaya itinabi na ni Alicia ang mga gamit at naghanda sa pagbaba sa may kantina upang doon kumain, nang mapansin ang dalagang empleyadong naglalakad, bitbit ang pinggan nito, patungo sa may banyo.
Sa labis na pagtataka ay sinundan niya ito upang alamin kung ano ang gagawin nito sa may banyo na may hawak na pinggan na puno ng pagkain.
At labis ang pagkawindang niya nang makita itong kumakain sa tabi ng banyo, nakatayo at mag-isa. Nawalang bigla ang kaniyang gutom, imbes na bumaba na upang kumain ay nilapitan ni Alicia ang dalaga upang kausapin.
“B-bakit d’yan ka kumakain, Lorna?” takang tanong ni Alicia sa dalaga.
Nagulat pa ito pagkakita sa kaniya, nang makabawi ay yumuko ito at nagbigay galang bilang siya ang may-ari ng kumpanya.
“Pasensya na po kayo, ma’am, sanay po kasi akong kumain rito malapit sa may banyo,” anito.
Mas lalong nagtaka ang dalagang amo at salubong ang kilay na nilingon ang ibang trabahanteng kumportableng nakaupo sa mahabang lamesa at kumakain, habang si Lorna ay mag-isang kumakain habang nakatayo sa may banyo.
“Bakit hindi ka sumabay sa kanila?” turo niya sa ibang empleyado. “Kaysa rito sa may banyo na nakatayong kumakain, bakit hindi ka umupo? Mas kumportable iyon,” dugtong niya.
Alanganing ngumiti si Lorna saka umiling. “Hindi po kasi ako natutunawan, ma’am, kapag nakaupo akong kumakain. Saka wala akong gana kapag marami akong kasabay kumain.”
Naisip niyang kakaiba rin ang dalagang empleyadong ito. Kaya naman kaysa istorbohin ito’y hinayaan niya na itong ipagpatuloy ang pagkain.
Kinabukasan ay nagbaon ng pagkain si Alicia, gusto niyang sabayan si Lorna, hindi para makialam kung ‘di para maranasan kung ano ang pakiramdam nito. Nakakabusog ba talaga ang pagkain nang nakatayo? Iyon ang unang beses na kakain siya nang gano’n kaya nasasabik na siya sa pagdating ng oras ng pananghalian.
Nang makita niyang naglalakad si Lorna malapit sa may banyo bitbit ang pagkain nito’y sumunod siya upang sumabay rito. Medyo nailang pa nga ito sa presensya niya, ngunit binigyan niya ito ng kasiguraduhan na walang ibang ibig sabihin ang nais niya.
Sanay rin naman siyang kumakain nang mag-isa, at mas gusto nga niya iyon dahil mas nakakakain siya nang marami at mas payapa ang pagnguya niya. Ngunit hindi pa niya nasusubukang kumain nang nakatayo at malapit sa may banyo.
“Nakakahiya naman po sa inyo, Ma’am Alicia, sinabayan niyo pa talaga akong kumain rito,” nahihiyang sambit ni Lorna.
“Ano ka ba! Wala talaga ito, gusto ko lang maranasan, at mukhang maganda nga naman talaga,” nakangiting sambit ni Alicia habang nginunguya ang pagkain.
Marahang tumawa si Lorna saka binitiwan ang hawak na pinggan. “Ang totoo ma’am ay katwiran ko lang po talaga iyong sinabi ko sa inyo kahapon,” ani Lorna.
Natigilan si Alicia sa sinabi ng dalaga. Katwiran, ibig sabihin ay palusot lamang ang sinabi nito kahapon.
“Mula po kasi pagkabata ko’y walang may gustong sumabay sa’kin sa pagkain. Palagi po kasing tuyo at paksiw na isda ang baon kong ulam, minsan kapag walang kita ang tatay ay asin, pasalamat na lang po ako kung makakabaon ako ng hotdog, pero madalas po talaga’y hindi masarap ang ulam ko noon. Kaya palagi akong inaaway at kinakantiyawan ng mga kaklase ko, kasi hindi raw masarap ang ulam ko kaya ayaw nilang sumabay sa’kin, dahil baka manghingi lang ako sa ulam nila.” Paliwanag ni Lorna.
“Kaya mula po noong grade three ako, doon po nagsimula na mas pinipili kong kumain malapit sa banyo ng eskwelahan, mag-isa at nakatayo, para wala pong sumabay sa’kin sa pagkain at hindi nila makita na hindi masarap ang ulam ko,” dugtong ni Lorna.
Nakaramdam ng awa si Alicia para kay Lorna, gusto niyang bumalik sa panahong iyon upang pagsusuntukin ang mga kaklase nitong naging dahilan upang maging ganito ang dalaga.
“Pero masarap na ang ulam mo ngayon, kaya mo nang bumili ng masasarap na pagkain dahil may trabaho at sahod ka na. Bakit nahihiya ka pa ring makasabay sa lahat?” ani Alicia.
Yumuko si Lorna saka nahihiyang ngumiti. “Nakasanayan ko na po siguro, ma’am, kaya hanggang ngayon mas pinipili ko pa ring kumain malapit sa banyo, nakatayo at mag-isa.”
Hindi niya masisisi si Lorna kung gano’n ang nakasanayan nito. Mahirap baguhin ang nakasanayan na. Pero sana dumating ang araw na matuto itong makihalubilo at kumain na may kasama, habang kumportableng nakaupo.
“Hayaan mo, simula bukas ay magpapalagay ako ng lamesa rito at upuan para sa’ting dalawa, para may kasabay ka nang kumain at masanay kang kumain ng nakaupo. Pangako, hindi ako maarte sa ulam,” ani Alicia.
“Salamat po ma’am ah,” ani Lorna.
Hiling ni Alicia, sana nga’y dumating na ang oras na masanay na si Lorna na may kasabay kumain at burahin ang masakit na alaala ng kabataan nito na siyang naging dahilan kung bakit may kakaibang ugali ang dalaga.