Inday TrendingInday Trending
Pinagdudahan ng Amo ang Serbidora Niyang Pangit at Mahina ang Ulo; Mali Pala ang Hinala Niya Rito

Pinagdudahan ng Amo ang Serbidora Niyang Pangit at Mahina ang Ulo; Mali Pala ang Hinala Niya Rito

Wala pang isang buwan na namamasukan si Alicia sa karinderya ni Mrs. Apacible. Sitenta anyos na ang matanda na mag-isang pinapatakbo ang ilang dekada na nitong negosyo. Kasama nito sa bahay ang pamangkin na nagtatrabaho sa call center na sa umaga ay tulog kaya hindi ito natutulungan sa pagbabantay sa karinderya. Ang tatlong anak naman ng ginang ay may kanya-kanya nang trabaho at pamilya sa Canada. Nagpapadala na lang ng malaking halaga ang mga ito sa matanda.

Mayroong apat na tauhan si Mrs. Apacible, dalawang tiga-luto at dalawang serbidora. Isa si Alicia sa mga serbidora na bukod sa nag-aasikaso sa order ng mga kustomer ay ito rin ang tiga-hugas ng mga pinagkainan at tiga-linis.

Sa apat na tauhan ng matanda ay si Alicia ang pinakamahina ang ulo at pinakapangit. ‘Di naman sa pamimintas, ang dalawa kasing binatang tiga-luto ng ginang sa karinderya ay may mga hitsura, maging ang kasamang serbidora ni Alicia ay may maipagmamalaking mukha at may magandang hubog ng katawan, kaya maraming kalalakihan ang kumakain sa karinderya dahil sa magandang serbidora ni Mrs. Apacible.

Sa mga utusan ay tanging kay Alicia lang may duda ang matanda kahit wala namang ipinapakitang ‘di kaaya-aya, wala itong reklamo pagdating sa trabaho dahil masipag at magalang ang dalaga. Ewan ba kung bakit wala pa rin tiwala rito si Mrs. Apacible, maging sa pagmumukha ng dalaga. Paano ba naman, literal kasing pangit si Alicia, makapal ang kilay at labi, sarat ang ilong at ubod ng itim ang balat. Mukha talagang ulikba na hindi mapagkakatiwalaan.

“Uy Bakekang, pahingi nga ng isang basong tubig at nauuhaw na ako,” pangungutyang sabi ng isang kustomer.

“Sandali lang po, sir,” magalang na sagot ni Alicia.

“Nakakaalibadbad naman ang pagmumukha ng serbidorang ‘yan. Nakakawalang ganang kumain,” hirit naman ng isa pa.

Imbes na magdamdam o magalit ay ‘di na lang inintindi ni Alicia ang pamimintas sa kanya sa halip ay binigyan din niya ng maiinom ang lalaking pumula sa kanya.

“Heto po ang tubig, sir. Para hindi po kayo mabulunan,” nakangiti niyang sabi.

Lingid sa kanya ay pinagmamasdan lang siya ni Mrs. Apacible. Napapaisip pa rin ang matanda sa pangit na serbidora.

“Kahit anong pilit ko sa aking sarili na huwag pagdudahan itong si Alicia ay hindi ko magawa. Kinakabahan talaga ako sa babaeng ito, malakas ang kutob ko na bibigyan ako nito ng problema at ang aking negosyo. Kung ‘di lang ako naaawa, matagal ko nang pinaalis ito,” bulong ng matanda sa isip.

Ang isa pa kung bakit wala siyang tiwala sa isa niyang serbidora ay dahil panay kasi ang sulyap nito sa kaha na lalagyan ng kita sa karinderya. Palaging nakabukas iyon, pero wala naman maglalakas-loob na lumapit doon para kumupit dahil araw-araw siyang nakabantay sa kaha. Sa mga tauhan niya sa karinderya ay si Alicia lang ang napapansin niyang palaging nakatingin sa kaha kaya sa isip niya ay may masama itong binabalak.

Isang gabi, umuwi na ang tatlo niyang tauhan at naiwan si Alicia. Isasakatuparan na niya ang plano para mawala na sa karinderya niya ang dalaga. Sa gagawin niya ay siguradong lalabas ang totoo nitong kulay. Isang sigaw lang niya ay maririnig agad siya ng pamangkin niyang natutulog sa loob at mga kapitbahay na tanod na nakatambay lang sa tapat ng karinderya niya.

Inumpisahan na niya ang drama.

“Huwag ka munang uuwi ha, Alicia. Tulungan mo muna akong magligpit dito,” aniya.

Tumango naman ang dalaga.

“Opo, ma’am. Hindi po talaga ako aalis hangga’t hindi pa po ako tapos sa pagwawalis at paglalampaso,” sagot ni Alicia.

Napangiti si Mrs. Apacible. Inutusan niya ito na pumunta malapit sa kaha.

“A-Alicia, n-nahihilo yata ako, ang p-paningin ko…” daing ng matanda.

“Naku po! Mrs. Apacible!” ‘di mapakaling sabi ng dalaga. “A-ano pong nangyayari sa inyo?” natataranta pang tanong nito.

Ginalingan pa ni Mrs. Apacible ang akting at nagkunwaring nawalan na ng malay.

“Diyos ko! Ma’am? Ma’am, gising po!”

Agad na naghalungkat sa mga gamit na nakapatong sa mesa ng ginang ang dalaga. Nilapitan din nito ang kaha at tiningnan, may dinukot ito sa loob. Kinuha nito ang selpon na naroon.

“Sinasabi ko na nga ba,” bulong ni Mrs. Apacible sa sarili. Sisigaw na sana siya ngunit nang makita ang ginawa ni Alicia ay hindi niya itinuloy ang balak.

Ang kinuha nitong selpon ay pilit na pinipindot ng dalaga. Hindi nito magamit iyon dahil may password ang selpon na ang matanda lang ang nakakaalam.

“Ano ba ito? Hindi ko naman magamit! Saan ba ako kukuha ng iba pang selpon? Kung kailan na kailangan ko eh, wala akong magamit. Kung ‘di lang sana nasira ‘yung selpon ko…” doon nahagip ng mata ni Alicia ang isa pang selpon sa ibabaw ng refrigerator. “Diyos ko, salamat at meron pang isa, sana gumana. Alin kaya dito ang numero ng ospital?” wika pa ng dalaga na nakita naman ang hinahanap. Ang nadampot niya ay lumang klase ng selpon na ginagamit ng amo kapag may tinatawagang mga supplier. Ang totoo’y ganoong selpon lang naman ang alam niyang gamitin at hindi ‘yung bagong klase na may password pa.

Ida-dial na niya ang numero nang biglang bumangon si Mrs. Apacible, nakangiti at nakatitig sa kanya.

“Hindi ako makapaniwala,” sabi ng matanda.

Nagulat si Alica. “Hala, ma’am! Magaling na po kayo agad?” naguguluhang tanong ng serbidora na napapakamot pa sa ulo.

Nagawang ipagtapat ni Mrs. Apacible ang totoo.

“Nagkuwanri lang ako, akting ko lang iyon,” bunyag ng matanda.

“Hala, akting lang? Ma’am naman, bakit niyo po iyon ginawa? Hindi po magandang biro. Halos hindi na po ako makahinga sa sobrang kaba kanina,” sabi ng dalaga na napabuntung-hininga na lang.

“Sinubok lang kita kung mapagkakatiwalaan ka o hindi. Pinagdudahan kasi kita na may masama kang balak dahil napapansin ko na panay ang tingin mo sa kaha. Inakala ko na gusto mo akong pagnakawan. Tinesting lang kita kung ano ang gagawin mo kung sakaling ganoon nga ang nangyari sa akin, akala ko’y lilimasin mo ang pera sa kaha ko, selpon at mga mahahalagang gamit dito, pero mali ang akala ko, imbes na magnakaw ka ay naisip mo pang tumawag sa ospital,” pagtatapat ni Mrs. Apacible.

Napangiti si Alicia sa sinabi niya.

“Ganoon po ba, ma’am? Hindi ko naman kayo masisisi kung ‘yan po ang tingin niyo sa akin, pero kahit mahina po ang aking ulo, kahit hindi po ako biniyayaan ng magandang mukha ay hindi ko po magagawang magnakaw. Ulilang lubos na po ako, wala nang mga magulang, ni kaanak, mag-isa na po ako sa buhay at walang yaman na maipagmamalaki. Ang tanging meron na lamang po ako ay katapatan at dignidad na kahit kailan ay hinding-hindi ko po magagawang sirain. Kaya po ako palaging nakatingin sa kaha ay dahil binabantayan ko po, baka po kasi may kustomer na malikot ang kamay na bigla na lamang lumapit sa kaha. Palagi po kasing nakabukas ang inyong kaha, mahirap na po ang panahon ngayon na gaya nung napanood ko sa TV na habang abala yung ale ay may kustomer na lumapit sa kaha niya at nilimas ‘yung laman. May-ari rin po ng karinderya ‘yung ale,” sabi ng dalaga.

Hindi agad nakapagsalita si Mrs. Apacible, ang lahat ng kanyang pagdududa at pag-aalinlangan kay Alicia ay biglang naglaho at napalitan ng pagtitiwala. Napagtanto niya na hindi dapat husgahan sa panlabas na anyo ang isang tao bagkus ay tingnan ang panloob na katangian nito.

Mula noon ay gumaan na ang loob ni Mrs. Apacible sa kanyang serbidorang si Alicia. Dahil ulila na ang dalaga ay kinupkop na niya ito sa bahay niya at itinuring na parang tunay na apo. Nakasundo rin nito ang pamangkin ng matanda na ‘di kalaunan ay umalis na din sa bahay dahil naisipan nang bumukod. Ang matanda na lang at si Alicia ang magkatuwang habang ang mga anak ay nasa ibang bansa.

Nang minsang nagkukuwentuhan sila ay may itinanong ang ginang.

“Bakit hindi mo ipagpatuloy ang pag-aaral mo, Alicia? Nasa unang taon ka na kamo sa kolehiyo sa pasukan dapat hindi ba?” tanong niya rito.

“Opo ma’am, kaso sayang lang naman po ang pera kung mag-aaral po ako. Bobo naman po ako at pangit pa, wala rin naman po akong mararating,” mahinang sagot ng dalaga na walang tiwala sa sarili.

“Sino naman ang nagsabi na hindi ka maganda? Maganda ka, Alicia,” pamimilit ni Mrs. Apacible.

“Ma’am, pangit po ako, pangit! Huwag niyo na po akong bolahin, tanggap ko na naman po iyon, eh,” tugon ni Alicia.

“Maganda ka, Alicia, maganda ang iyong pagkatao na kahit kailan ay hindi kukupas,” palaging sinasabi ng matanda hanggang sa lumakas ang loob ni Alicia.

Makalipas ang isang taon ay nagkasakit si Mrs. Apacible at pumanaw na, ipinamana ng matanda kay Alicia ang karinderya at ang bahay nito. Ibinigay din ng ginang sa dalaga ang malaking pera na ipon nito sa bangko pati na ang padalang pera ng mga anak sa Canada. Nalaman ng mga anak ang ginawa niyang pag-aaruga kay Mrs. Apacible noong nabubuhay pa ito kaya hindi tumutol ang mga ito na ibigay sa kanya ang lahat ng naipundar ng amo.

Ginamit ni Alicia ang perang ipinamana sa kanya upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Sa pagdaan ng panahon ay nakapagtapos siya sa kolehiyo at isa ng matagumpay na negosyante. Ang maliit na karinderya ni Mrs. Apacible ay pinalaki niya at pinaunlad hanggang sa naging malaking restawran na dinadagsa ng mas maraming kustomer.

Malaki ang pasasalamat niya kay Mrs. Apacible, utang niya rito ang lahat ng kanyang narating. Kundi dahil sa matanda ay hindi siya magkakaroon ng tiwala sa kanyang sarili na lumaban sa hamon ng buhay.

Advertisement