Hindi Boto ang Dalaga sa Kasintahan ng Kaniyang Kapatid; Sa Araw ng Kasal ng mga Ito ay May Ibubunyag Siya na Ikabibigla ng Lahat

“Wala akong tiwala sa babaeng iyon. Hindi siya ang nararapat sa iyo,” wika ni Alexa na nakatatandang kapatid ni Osmond.

“Tigilan mo na nga ako, ate! Pagod na pagod na ako sa pagkontrol mo sa buhay ko, pati ba naman babaeng iniibig ko’t gusto kong pakasalan ay hahadlangan mo pa rin? Hindi na ako papayag na diktahan mo pati damdamin ko! Akala ko pa naman ay nagbago ka na, kasinungalingan lang pala ang mga ipinakita mo kay Rosenda,” matapang na sagot ng binata.

Hind kasi boto si Alexa sa kasintahan ng kapatid. Para sa kanya ay hindi ito mapagkakatiwalaan.

Bumalik sa alaala niya ang nakaraan, mga bata pa lang sila nang sabay na bawian ng buhay ang mga magulang nila nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng mga ito papuntang Davao. Naiwan silang magkapatid sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola. Lumaki sila sa marangyang buhay at dahil sa pagkawala ng mga magulang nila ay sa kanilang magkapatid naiwan ang lahat ng yaman at ari-arian ng mga ito. Sa paglipas ng panahon ay si Alexa na ang tumayong magulang sa kanyang nakababatang kapatid. Oo, pinaghihigpitan niya ito dahil ang gusto niya ay ang makabubuti para kay Osmond. Kaya nga nang mag-aral ito sa kolehiyo ay siya ang pumili ng unibersidad na papasukan at kursong kukunin ng kapatid. Siya ang nasunod sa pag-aaral nito hanggang sa makatapos ito at isa nang ganap na abogado kahit pa ang gusto naman ng binata ay ang kursong medisina.

Ang hindi niya alam ay natutong magrebelde ni Osmond dahil sa pangingialam niya sa buhay nito. Naging babaero ang kapatid niya na kung sinu-sinong babae ang iniuuwi sa bahay nila at ipinakikilalang nobya nito. Nang malaman niya ang kalokohan ng kapatid ay hindi niya ito kinunsinti. Ginawa niya sa paraang alam niya kung paano mapapalayo ang mga ito sa kapatid.

“Magkano ba ang kailangan mo para lubayan ang kapatid ko?” tanong niya sa isa sa mga naging nobya ni Osmond.

“Anong akala mo sa akin, mukhang pera? Mahal ko ang kapatid mo kaya hindi mo kami mapaghihiwalay,’ matapang na sagot ng babae.

Napangiti si Alexa, kumuha siya ng tseke sa bag niya at may isinulat na halaga roon.

Advertisement

“Siguro naman sa halagang iyan ay lulubayan mo na ang kapatid ko,” wika niya sabay abot ng tseke sa kausap.

Nang makita ng babae ang halagang nasa tseke ay nanlaki ang mga mata nito.

“Diyos ko, dalawampung milyon? Ang laking halaga nito!”

Pagkatapos ng usapang iyon ay nagtagumpay si Alexa. Tinanggap ng babae ang alok niyang pera at nangakong susunod sa napagkasunduan nila, na makipaghiwalay ito sa kapatid niya.

Nang malaman ng lalaki ang ginawa niya ay galit na galit itong hinarap siya.

“Ikaw na naman ang may kagagawan kung bakit nakipag-break sa akin si Amanda, ano? Pinairal mo na naman ang pera mo! Kailan mo ba ako lulubayan ate? Lahat na lang ng nagiging girlfriend ko’y binabayaran mo para layuan ako,” sambit ng binata.

“Dapat nga ay magpasalamat ka pa sa akin dahil sa ginagawa ko’y nalalaman mo kung anong klaseng pagkatao meron ang mga girlfriend mo. Hindi ka nila mahal, ang gusto lang nila ay ang pera natin, kung talagang mahal ka nila, hindi sila masisilaw sa mga alok ko sa kanila. Kailan ka ba titigil sa pambababae mo? Akala mo siguro ay hindi ko alam na nagbibilang ka lang ng mga babae para inisin ako, ano? Pwede ba, ayusin mo ang buhay, hindi ka na bata, Osmond,” sagot niya sa kapatid.

“Dapat ay tinanong mo ang sarili mo kung bakit ako nagkakaganito, ate? Dahil sa iyo kaya ako ganito,” tugon ni Osmond sa kanya saka tumalikod at umalis ng bahay.

Advertisement

Napaupo siya sa sofa, maya maya ay biglang nangilid ang luha sa mga mata niya. Napagtanto niya na baka nga nasobrahan siya sa paggabay sa kapatid niya, na totoong kinokontrol na niya ito.

Nang magkaroon ulit ng nobya ang kapatid niya sa katauhan ni Rosenda ay binigyan niya ito ng pagkakataong makilala. Ang gusto lang naman niya ay ang tamang babae para sa kay Osmond. Gumawa siya ng paraan para magkasarilinan sila ng babae.

“Ikaw pala ang bagong nobya ng kapatid ko. Sabihin mo nga sa akin, gaano mo kamahal si Osmond?” tanong niya.

“Mahal ko si Osmond ng buong puso ko dahil kahit lumaki ako sa hirap ay tinanggap niya ako lalo na ngayon na magkaka-baby na kami,” sagot ng babae.

“A-ano? M-magkaka-anak na kayo?” gulat na reaksyon ni Alexa sa sinabi ni Rosenda.

“Oo, ate. Ipinagbubuntis ko ang anak namin ni Osmond. Magiging daddy na siya.”

Sa natuklasan ay nakaramdam ng kasiyahan si Alexa. Magkakaroon ng ng anak ang kapatid niya, magiging tita na siya.

Isang linggo rin niyang kinilala ang nobya ni Osmond at napatunayan nga niya na kahit mahirap lang ito ay mabait naman ang dalaga at nararamdaman niyang mahal nito ang kapatid niya kaya bilang regalo ay siya ang gagastos sa kasal ng dalawa. Tinatanggap na niya si Rosenda na maging kabiyak ng nag-iisa niyang kapatd. Hindi na siya tututol sa pagmamahalan ng mga ito, payag na siyang mag-isang dibdib ang dalawa subalit nang dumalaw siya sa matalik niyang kaibigan na si Dr. Alejandro ay may nalaman siya tungkol sa kapatid.

Advertisement

“Ano? T-totoo ba ang sinabi mo sa akin, Doc?” gulat niyang sabi.

“Hindi ako maaaring magkamali, Alexa. Matagal na akong doktor ng iyong kapatid kaya sigurado ako,” tugon ng doktor.

At bumalik ulit ang gunita ni Alexa sa kasalukuyan. Kahit anong mangyari ay hindi niya hahayaan na maikasal ang kapatid kay Rosenda, pero mapilit ang binata. Gagawin din ni Osmond ang lahat para hindi siya magtagumpay sa mga balak niya.

“Kahit anong gawin mo ay hindi mo kami mapipigilan, ate. Ikakasal kami ni Rosenda, walang sinuman ang makakapaghiwalay sa amin,” pagbabanta ng kapatid niya.

Sumapit ang araw ng kasal nina Osmond at Rosenda. Engrande ang kasal na ginastusan ng binata dahil hindi itinuloy ni Alexa ang sinabi nito na ito ang gagastos sa kasal. Dinaluhan din ang okasyong iyon ng mga kamag-anak at malalapit nilang kaibigan.

“Masayang-masaya ako, Osmond dahil sa wakas ay natuloy din ang kasal natin. Hindi nagwagi ang kapatid mo na paghiwalayin tayo. Napaka-plastik ng ate mo na noong una ay maganda ang pakita sa akin, pero bigla na lamang nagbago kalaunan,” wika ni Rosenda sa nobyo.

“Huwag kang mag-alala, hindi na tayo mapapakialaman ni ate. Hindi ko tatalikdan ang pananagutan ko sa iyo…pakakasalan kita dahil mahal kita at dahil magiging daddy na ako,” sagot ni Osmond.

“Salamat, Osmond, salamat,” mangiyak-ngiyak pang sabi ni Rosenda na niyakap ang mapapangasawa.

Advertisement

Ang tagpong iyon ay biglang naputol nang dumating sa kasal si Alexa.

“Walang kasalang magaganap!”

Napatingin ang lahat ng taong naroon kay Alexa. Nagbulungan din ang mga ito kung bakit tumututol ang babae sa espesyal na araw ng kapatid.

“Pwede ba, umalis ka rito, ate. Hindi ka imbitado dito!” inis na sabi ni Osmond sa kapatid.

“Sa malalaman mo, siguradong hindi mo na gugustuhing ituloy na magpakasal sa babaeng ‘yan. Isa siyang manloloko, Osmond. Pa-iyak, iyak ka pa? Talagang iiyak ka sa ibubunyag ko. Hindi mo maaaring pakasalan ang babaeng ‘yan dahil hindi ikaw ang ama ng ipinagbubuntis niya, Osmond. Niloloko ka lamang niya!” bunyag ni Alexa.

“What?”

Bilang ebidensya ay tinawag ni Alexa ang doktor ni Osmond na si Dr. Alejandro.

“Totoo ang sinasabi ng ate mo, Osmond. Hindi mo anak ang dinadala ng babaeng ‘yan dahil ikaw ay isang ‘baog’. Matagal mo na akong doktor at alam ko ang lahat ng tungkol sa kondisyon sa iyong kalusugan. Hindi ako maaaring magkamali, hindi ka na kailanman magkaaanak kaya imposibleng anak mo ang ipinagbubuntis niya,” hayag ng doktor.

Advertisement

Galit na napatingin si Osmond sa kasintahan.

“Totoo ba ang sinasabi nila, Rosenda? Totoo ba?” tanong niya na marahas na hinawakan ang magkabilang balikat ng babae.

Umiling ang babae. Nagmaang-maangan.

“H-hindi ‘yan totoo, Osmond. Ako ang paniwalaan mo, pakana lang ‘yan ng kapatid mo para hindi matuloy ang kasal natin,” hirit ni Rosenda.

“Talaga lang ha? Sa susunod mong makikita, tiyak na aamin ka na,” nakangiting sabi ni Alexa.

Pumasok sa loob ng simbahan ang isang lalaki at nang makilala ito ni Rosenda ay para itong nakakita ng multo.

“Ano, Rosenda? Nagulat ka ba? Siya si Henry, ang tunay na ama ng dinadala mo, ‘di ba?” nakangising tanong ni Alexa.

‘Di na napigilan ng lalaki ang sarili at nagsalita na rin.

Advertisement

“Ako ang totoong ama ng nasa sinapupunan ni Rosenda. Matagal na kaming may relasyon, may namagitan na sa aming dalawa bago pa may nangyari sa inyo. Plinano niya na paibigin ka nang makilala ka niya sa bar para mahuthutan ka niya ng pera. Magkasabwat kami,” bunyag ng lalaki.

Ipinagtapat din ni Alexa na nang malaman nitong baog siya ay agad nitong pinaimbestigahan si Rosenda at natunton nga ng kapatid niya ang kinakasama ni Rosenda na kasabwat sa mga plano nito. Sa takot na makulong ay mas pinili ng lalaki na ibulgar ang lahat. Ikinabigla naman ng mga bisita ang isiniwalat nila.

Hindi na nakahirit pa si Rosenda at napahagulgol, buko na siya.

Napamura na lang at nanggagalaiti sa galit si Osmond sa katotohanang nalaman niya.

“Umalis ka sa harapan ko! Ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo! Umalis ka dito, baka magbago pa ang isip ko’t ipakulong ko pa kayong dalawa sa lahat ng panlolokong ginawa ninyo sa akin!” singhal ni Osmond na ipinagtabuyan palabas ng simbahan ang babae at ang kinakasama nito.

Umiiyak na humingi ng tawad si Osmond sa ate niyang si Alexa.

“Patawad, ate, kung hindi ako nakinig sa iyo.”

“Ako ang dapat na humingi sa iyo ng tawad, hindi ko namalayan na nasasakal ka na pala. Ang gusto ko lang ay ang mas makabubuti sa iyo. Hindi na ako tututol kahit sinuman ang mamahalin mo, basta ibabalik din niya sa iyo ang pag-ibig na handa mong ibigay. Mahal na mahal kita kapatid ko, ang hangad ko’y maging tunay kang maligaya sa piling ng tamang tao. Sana mapatawad mo ang ate ha?” naluluhang sabi ni Alexa.

Advertisement

At nagkapatawaran ang magkapatid. Hinangaan naman ng mga taong naroon sa simbahan ang pagmamahalan ng mag-ate.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kanila si Rosenda. Wala na itong mukhang maihaharap sa kanila pagkatapos na mailahad ang kasinungalingan nito. Nagbago na rin si Osmond, itinigil na niya ang pagiging babaero at magseseryoso na sa pakikipagrelasyon hanggang sa makita na niya ang tamang babae na kanyang muling iibigin. Dahil naman sa nangyari ay mas lalong tumibay ang relasyon nina Alexa at Osmond bilang magkapatid na palaging nagdadamayan at nagtutulungan.