Gustong-Gusto nang Makasama ng Ama ang Kaniyang Pamilya na Ngayon ay sa Ibang Bansa na Naninirahan; Makamit Pa Kaya Niya ang Nais?
Umuwi si Andrew upang asikasuhin ang visa ng kaniyang ama na ilang beses nang hindi pinayagan ng immigration na sumama sa kanilang lahat. Tatlong beses nang na-deny ang aplikasyon nito, samantalang ang buo nilang pamilya maliban rito’y sa ibang bansa na naninirahan.
Matiyagang naghintay si Mang Loloy sa anak na si Andrew dahil ito ang naglakad sa visa niya. Kaninang umaga pa ito umalis at hanggang ngayon na alas kwatro na ng hapon ay hindi pa rin nakakauwi.
Sadyang umuwi si Andrew upang asikasuhin ang papeles niya, kasama na ang kaniyang visa na tatlong beses nang na-deny. Kaya kung muli sa pang-apat na pagkakataon ay ma-deny pa rin siya’y baka ayaw talaga ng tadhanang paalisin siya ng ‘Pinas at baka ayaw rin ng tadhanang hayaan siyang makasama ang buong pamilya na naroon na sa ibang bansa.
Alas singko y medya na nang mamataan ni Mang Loloy ang kaniyang anak na si Andrew kaya agad siyang tumayo upang salubungin ito. Nais niyang itanong sa anak kung ano ang nangyari sa lakad nito, ngunit agad ding nag-alangan nang makita ang itsura nito.
Dismayado at tila pagod na pagod kaya pinili na lamang niyang itikom ang bibig at hindi na magtanong. Hindi naman siguro ito madidismaya kung may nangyaring maganda sa lakad nito. Baka sa pang-apat na pagkakataon ay denied pa rin ang visa niya. Baka hindi talaga para sa kaniya ang ibang bansa. Maghihintay na lang siya sa pag-uwi ng pamilya niya rito sa ‘Pinas.
“Gusto mong mag-kape, anak?” alok niya sa anak.
Malungkot na tumango si Andrew, saka hinubad ang suot na jacket at isinabit.
“‘Pa, paano ba iyan…” ani Andrew, bitin sa nais sabihin.
Malungkot na ngumiti si Mang Loloy at marahang tumango. “Hayaan mo na, anak, baka hindi talaga para sa’kin ang pangingibang bansa. Baka sabi ni Lord, na dito na lang ako sa ‘Pinas para may magbabantay sa bahay natin dito,” ani Mang Loloy.
“Maiiwan na naman kayo rito, ‘pa,” malungkot na wika ni Andrew.
“Gano’n talaga,” kibit-balikat na wika ni Mang Loloy. “Hayaan mo na lang, may videocall naman, araw-araw niyo na lang akong tawagan,” dugtong niya.
Malungkot na yumuko si Andrew saka isa-isang inilabas ang mga papeles ng ama, pati na ang passport nito saka tinitigan iyon na para bang may binabasa roon at malalim na naglabas ng buntong hininga.
Nalulungkot din naman si Mang Loloy dahil umaasa siyang sana sa pagkakataong ito’y aprubahan na ang kaniyang visa upang sa huling pagkakataon ay makasama na niya ang kaniyang pamilya, ngunit sadyang ayaw yata ng kapalarang mangyari iyon at wala siyang magagawa sa bagay na iyon.
“Ito na po ang passport niyo, ‘pa,” ani Andrew sabay abot sa ama ang passport nito. “Nariyan nakasulat ang lahat, basahin niyo na lang po,” dugtong nito.
Ano pang silbi? Wala siyang ganang basahin ang nakasulat doon, dahil gaya ng laging nangyayari’y denied na naman ang visa niya. Ngunit dahil makulit ang anak niyang si Andrew ay napilitan siyang buksan iyon upang basahin.
Habang pilit iniintindi ang nakasulat ay nanlalaki ang kaniyang mga mata at pa-urong nang pa-urong ang kaniyang paghinga. APPROVED, iyon ang nakasulat sa passort niya kaya hindi niya maiwasang magulat sa nabasa.
Nagsimula namang tumawa si Andrew habang nakikita ang labis na pagkabigla sa mukha ng kaniyang ama.
“Akala ko ba ang sabi mo’y denied na naman?” mangiyak-ngiyak na sambit ni Mang Loloy.
Tatawa-tawa namang inakbayan ni Andrew ang maluha-luhang ama. “Prank ko lang iyon, papa,” anito. “Gusto ko lang kayong isorpresa.”
Hindi napigilan ni Mang Loloy na maiyak sa labis na tuwa. Ang buong akala niya’y maiiwan na naman siyang mag-isa dito sa ‘Pinas. Salamat naman at dininig na rin ang matagal na niyang hinihiling.
Niyakap niya ang kaniyang anak at nagpasalamat, dahil sa wakas ay makakasama na rin siya rito at sa muli ay makikita na niya ang pamilyang matagal-tagal na rin nang huli niyang nakita.
“Ano papa, goodbye ‘Pinas na ba at hello United States?” ani Andrew.
Matamis na ngumiti si Mang Loloy saka tumango. “Paalam muna sa ngayon Pilipinas, dahil doon na muna ako titira sa ibang bansa, kasama ang mga mahal ko sa buhay,” masaya niyang sambit.
Masayang niyakap ni Andrew ang ama. Sa wakas! Sa pang-apat na beses ay na-aprubahan din ang visa ng kaniyang ama na matagal nang naiwan rito sa ‘Pinas. Ngayon ay muli na silang mabubuong pamilya.
May mga oras talaga na hindi aayon sa’yo ang tadhana at dadating tayo sa puntong mapanghihinaan ng loob, pero laging tatandaan na ang gulong ay umiikot. Malay mo, sa susunod na pag-ikot nito’y sa’yo na papabor.