Inday TrendingInday Trending
Nagpustahan ang Matalik na Magkaibigan na Magpapakasal sa Edad na Trenta; Ano ang Nakapaloob sa Pustahang Iyon?

Nagpustahan ang Matalik na Magkaibigan na Magpapakasal sa Edad na Trenta; Ano ang Nakapaloob sa Pustahang Iyon?

Payapang nahiga si Marie sa kaniyang kama nang may maalala kaya ngali-ngali siyang bumangon upang tingnan ang kalendaryong nakasabit sa may pintuan.

Hindi niya naiwasang mapasinghap nang malakas nang makitang kaarawan niya na pala bukas. Ang pang-trenta anyos niyang kaarawan. Naging sobrang abala siya sa paghahanapbuhay upang hindi mapansin ang pagdaan ng araw. Talagang wala sa loob niya na kaarawan niya na pala bukas.

Muli siyang bumalik sa kama upang kunin ang selpon at tawagan ang matalik na kaibigang si Sandro.

“Bakit?” bagot nitong sagot.

“Anong bakit?” mataray niyang tugon. “Nasaan ka? Baka nakakalimutan mo na kaarawan ko bukas. Anong ihahanda mo para sa’kin?” dere-deretso niyang wika.

Matagal na silang magkaibigan ni Sandro, mula pa noong mga sipunin pa lang sila’y magkaibigan na sila ng lalaki. Nasaksihan niya na ang lahat ng ganap sa buhay nito, kahit noong tin*li ito ay naroon siya, siya pa nga ang nagpapa-inom dito ng gamot upang ‘di mamaga ang sugat. Lahat… halos lahat ay alam na niya tungkol sa lalaki, at mukhang gano’n din naman ito sa kaniya.

Si Sandro ang unang nakapansin na may r*gla ang palda niya noon at ito ang taga-bili niya ng napkin…kahit hanggang ngayon, lalo na kapag biglaan ang pagdating ng kaniyang buwanang dalaw. Kaya pareho na silang walang itinatago sa isa’t-isa.

“May trabaho ako bukas,” sagot nito. “At saka bakit ako ang maghahanda sa kaarawan mo? Hindi ko naman kaarawan iyon.”

“Aba! Syempre, kaarawan ko kaya dapat lang na ikaw ang manlibre sa’kin. Dapat bongga ah! Sige na kailangan kong matulog nang maaga upang maganda ako bukas sa kaarawan ko,” ani Marie. “Hihintayin ko ang text mo kung saang restawran gaganapin ang kaarawan ko. Ikaw na rin ang mag-imbita sa iba pa nating kaibigan, kailangan kong mag-beauty rest. Okay, bye!” aniya saka ibinaba ang tawag, hindi na hinintay pa ang sagot ni Sandro. Kapag kasi hinintay pa niya ang sagot nito’y maririnig lamang niya ang reklamo nito at kung ano-ano pang ibang nais sabihin. Mas maigi na iyong wala na itong magagawa kung ‘di sundin ang sinabi niya.

“Makatulog na nga,” kausap niya sa sarili at nakangiting humiga at ipinikit ang mga mata.

Trenta na siya bukas… nakakainis man na patanda na siya nang patanda at hanggang ngayon ay wala man lang siyang nobyo. Hindi naman siya pangit, pero bakit walang nagkakagusto sa kaniya?

Kinabukasan ay tinawagan siya ni Sandro upang ipaalam kung saan ito nagpa-reserve na restawran. At sinabi na rin nito kung sino-sino sa mga kaibigan nila ang pupunta sa kaniyang kaarawan. Nagpasalamat siya sa kaibigan at saka nagpaalam. Tuloy na tuloy na nga ang kaniyang ika-trentang kaarawan.

Kinagabihan ay doon na nga dumeretso si Marie sa restawran na sinabi ni Sandro sa kaniya. At labis ang sayang naramdaman niya dahil bukod pa pala sa mga kaibigan nila’y naroroon rin ang mga magulang niya at pati na ang pamilya ni Sandro.

“Uy, bongga ka talaga, Sandro, ah. Hindi ko inaasahan na ganito kabongga ang pa-birthday mo sa’kin. Hindi ko lubos akalain na pinaghandaan mo talaga ang ika-trenta kong kaarawan. Pa-ayaw-ayaw ka pa noong tinawagan kita, tapos malalaman ko…” aniya na may nanunuksong ngiti sa labi.

Masayang-masaya siya dahil matagal na rin niyang hindi nakikita at nakakasama ang pamilya niya, kaya napaka-espesyal ng araw na iyon na naririto ang mga ito. Kaya labis-labis ang pasasalamat niya sa ginawa nito.

Habang abala ang lahat sa pag-uusap at ang iba naman ay kumakain, biglang tumayo si Sandro sa harapan at kinuha ang atensyon nilang lahat.

“Marie, happy birthday to you!” nakangiting bati ni Sandro. “Ngayong pareho na tayong trenta’y baka ito na rin iyong tamang panahon para tuparin ang pangako natin sa isa’t-isa noon,” anito.

Naglakad paatungo sa pwesto niya. Gulat at pagkalito ang nakarehistro sa mukha ni Marie. Ngunit naroon ang ngiting hindi niya mabigyang kahulugan, kung iyon ba ay kinikilig o kinikilabutan.

“Tutal umabot na tayo ng trenta’y hanggang ngayon ay pareho pa rin naman tayong walang mga asawa, bakit hindi na lang natin tuparin ang ipinangako natin noon na maging tayo… Ako ang papa, at ikaw ang mama ng mga future anak natin,” ani Sandro. Hindi mapigilan ang pagngiti, ganoon din si Marie at ang mga tao sa paligid nila.

“Will you marry me, Marie?” ani Sandro.

“Agad agad!” gulat na palag ni Marie. “Kasal agad?”

“Ano pa bang gusto mo? Sa tagal nating magkakilala, kailangan pa bang maging magkasintahan tayo? Halos tatlong dekada na kitang kasama at kilala, kaya hindi ko na kailangang kilalanin ka, kaya ang gusto ko, kasal na agad,” ani Sandro.

Hindi napigilan ni Marie na kiligin sa sinabi ni Sandro. Tama nga naman, kung tutuusin ay mas matagal pa silang magkakilala ng binata kaysa sa normal na magkasintahan. Nilagpasan na nga nila ang “getting to know” stage. Kaya ano pa bang silbi upang patagalin pa?

Yumuko siya upang nakawan ng halik sa labi ang binata saka nagsalita. Hindi tuloy napigilan ng mga kaibigan at pamilya nila ang mapasigaw sa kilig. Matapos isuot ni Sandro sa kamay niya ang singsing ay agad itong tumayo upang halikan siya sa labi.

Hindi niya alam kung ano ang kahaharapin nila pagkatapos nilang iakyat sa ibang lebel ang relasyon nila mula sa pagiging magkaibigan, patungo sa mag-asawa. Pero iisa lang ang sigurado siya. Kung minahal niya noon si Sandro bilang isang matalik na kaibigan, mas mamahaliin niya ito ngayon bilang kaniyang kabiyak at katuwang sa buhay.

Alam niyang anuman ang mangyari ay hindi siya iiwan ni Sandro at ganoon din ito sa kaniya. Kaya nga siguro hindi siya nagmadaling hanapin ang lalaking para sa kaniya, dahil alam niyang nand’yan naman palagi sa tabi niya ang kaibigan na ngayon ay kaniya nang mapapangasawa.

Advertisement