Inday TrendingInday Trending
Under de Saya Raw ang Mister sa Misis na Matapang; Totoo Nga Kaya ang Pagkataong Ito ng Lalaki?

Under de Saya Raw ang Mister sa Misis na Matapang; Totoo Nga Kaya ang Pagkataong Ito ng Lalaki?

“Narinig niyo na ba ang tsismis mga mare?”

“Hala! Hindi pa, ano na naman ba ‘yan?”

“Si Edlyn! Nahuli na naman ang asawa na may kalaguyo! Pang-apat na beses na itong ganitong pangyayari diyan sa kanila. Ewan ko ba naman diyan kay Edlyn at ayaw pang hiwalayan ‘yang walang kwentang lalaking ‘yan!”

Ito ang maririnig sa eskinita kung saan naroon din si Sam na nagsasampay ng kaniyang mga labahin. Kunwari pa ay hindi niya nadidinig ang usapan subalit taas noo siya nang marinig ang kaniyang pangalan na pinupuri ng mga ito. Buti na lang daw at wala siyang problema sa mister. Sa lahat kasi ng nakatira sa kanilang barangay, siya ay kilala sa pagiging matapang at mayroong asawang sunod-sunuran sa kaniya.

Kinagabihan, nakauwi na si Enchong sa kanilang bahay na nakayuko. Labis ang kaniyang takot dahil naalala nga pala niyang nagpapabili ng prutas si Sam. Nang makita siya ng misis, todo mura ang inabot niya rito at hampas ng kung ano ano sa kaniyang katawan. Nangako na lamang siyang bukas din ay bibili na siya kaagad.

Dalawang taon na ring ganito ang pamumuhay nina Sam at Enchong. Sa dalawang taon nilang pagsasama, nagbunga na rin ang kanilang pagmamahalan ng isang babaeng sanggol. Simula nang manganak si Sam, lalo itong naging matapang at naging mas mabigat ang kamay sa kaniyang mister. Gayunpaman, hindi kailanman siya pinagbuhatan ng kamay ni Enchong upang gumanti. Dahil nga rin dito, laging ipinagmamayabang niya sa kaniyang mga kaibigan na hawak raw niya sa leeg ang asawa.

Dumating ang araw ng Sabado at hindi pa man putok ang araw, bumangon na si Enchong upang mamalengke. Hindi kasi kailanman namalengke si Sam. Tanging paglalaba lamang ang inaatupag nito sa kanila dahil mabilis maubos ang mga lampin ng kanilang anak. Maliban doon, pasarap na ito sa kaniyang buhay dahil kahit na ang pagluluto, ginagawa pa ni Enchong bago pumasok sa trabaho.

Pagkarating ng kinahapunan, muling narinig ang sigaw ni Sam sa kanilang bahay.

“Ano ba naman ‘yan! Sunog na sunog na ‘yang sinaing mo! Wala kang isip!” mura at masasakit na salita ang walang pasubaling binabato ni Sam sa kaniyang mister na wala namang sinabi at patuloy ang pananahimik.

Kinabukasan, patuloy ang pag-aasikaso ni Enchong sa kanilang bahay. Habang si Sam naman ay tanghali na kung gumising at maghapon pang nakahiga. Aniya, siya kasi ang nag-aalaga sa kanilang anak. Lalo na ngayong inaapoy ng lagnat ito.

Lumipas pa ang ilang mga araw at dinala na rin ni Sam ang kanilang anak sa ospital dahil hindi ito gumagaling sa mga simpleng gamot lamang. Doon nila nalaman na kailangan pang magtigil ng kanilang anak sa ospital upang operahan ang puso nito na nagkaroon pala ng problema.

Pagkaraan ng halos dalawang buwan, patuloy ang pagdadalamhati ni Sam matapos bawian ng buhay ang kanilang anak. Sa tuwing sinusubukan naman ni Enchong na patahanin siya, ang tangi niyang tugon ay pananaboy at pansisisi.

“Wala kang kwentang ama! Ikaw ang dahilan kung bakit wala na ang anak ko! Ikaw! Ikaw! Lumayas ka na rito, heto na ang mga damit mo!” walang awang pinalayas ni Sam si Enchong dahil sa labis nitong lungkot sa pagkawala ng kanilang anak.

Wala namang nagawa si Enchong kundi sundin ang asawa. Nagpatuloy itong lumakad palayo at nakitigil muna sa kaniyang mga kaibigan. Subalit walang araw naman na nagdaan na hindi sinuyo ni Enchong ang kaniyang misis. Dahil din dito, muling kinainggitan ng mga misis sa kanilang barangay si Sam.

“Buti ka pa talaga, Sam! Napakabait ng asawa mo. Iyong asawa ko, naku, parang gusto ko na lang sakalin!” reklamo ng isa sa mga kapitbahay ni Sam.

Pangiti-ngiti lamang ang babae sa gilid habang pinakikinggan ang mga puri ng kaniyang mga kapitbahay. Ilang saglit lamang, habang sila ay nag-uusap, muling dumating ang kaniyang mister na may dala pang mga bulaklak. Inulan naman siya ng tukso na patawarin na raw ito.

Subalit imbes na yakap at halik, sampal at muling pananaboy ang ginawa ni Sam kay Enchong sa harap ng maraming tao. Marami ang naawa para sa lalaking umuwi nang bigo at luhaan.

Kinagabihan, malalim na ang gabi at natutulog na si Sam nang marinig ang tunog ng pagbukas ng pinto. Mabilis siyang tumayo upang tingnan at nagulat siya sa kaniyang nakita- si Enchong! Bitbit nito ay posporo at tangke ng gas na nakabukas.

“Tama na ang paghihirap natin! Akala mo ba hindi ako nasasaktan? Ano’ng akala mo sa akin? Robot? Pwes, nagkakamali ka!” malakas na sigaw ni Enchong. Hindi pa man nakakasambit ng anumang salita si Sam, agad na sinindihan ni Enchong ang bitbit niyang tangke at sumabog ang buong bahay.

Ang istorya nina Sam at Enchong ay kumalat hindi lamang sa kanilang barangay kundi pati na rin sa mga karatig bayan. Nagsilbi ang kwento ng mag-asawa na leksyon para sa mga misis na parating maging mapanuri at maingat sa kanilang mga binibitawang salita at pakikitungo sa mga asawa – dahil lahat naman ng tao ay may hangganan ang pasensiya.

Advertisement