Labis ang Pagkasabik ng Ginang na Makatanggap ng Balikbayan Box mula sa Anak sa Ibang Bansa; Kalunos-Lunos ang Kaniyang Matatanggap
Pagod na pagod galing sa pinagtatrabahuhang pabrika ang dalagang si Mildred. Pagpasok niya sa bahay ay bumungad agad sa kaniya ang inang abalang-abala sa pag-aayos ng gamit.
“Kanino po galing ang mga ‘yan, ‘nay? Naggrocery po ba kayo? Akala ko po ay wala pa tayong budget?” pagtataka ng dalaga.
“Hindi pa ako nakapaggrocery dahil wala pa ngang pera! Aba’y wala ka pa namang inaabot sa akin, ‘di ba? Saka sa tingin mo ba ay makakabili ang kakarampot mong kita ng mga ganitong imported na bilihin? Bigay ito ng kumare kong si Hilda. Nagpadala kasi ng package ang anak niyang nasa Dubai. Hay, napakasarap siguro ng pakiramdam kung nasa ibang bansa ang anak mo!” pahayag naman ni Petra.
“Pasensya na po kayo at hindi ko man lang naibibigay sa inyo ang mga ganyang bagay. Hayaan n’yo at lalo ko pang paghuhusayan ang trabaho ko para tumaas ang sahod ko,” malungkot na sambit namna ni Mildred.
“Kahit anong gawin mong pagtatrabaho ay hindi ka uunlad nang kagaya ng anak ng kumare ko. Walang magandang buhay na naghhintay sa iyo sa pabrika. Kung sinusunod mo lang ang payo ko sa iyo na magtrabaho ka sa ibang bansa, e, ‘di sana’y ganito rin ang nalalasap ko. Pero, wala, mahirap kasing magkaroon ng anak na duwag at makasarili!” dagdag pa ng ginang.
Napayuko si Mildred dahil nasaktan siya sa mga sinabi ng ina. Kung mataas lang kasi ang kaniyang pinag-aralan ay maganda sana ang makukuha niyang posisyon sa trabaho. Ngunit dahil maagang nahinto at pinagtrabaho ng ina ay hindi na nakatapos ng pag-aaral ang dalaga.
Ilang araw ang lumipas at masayang umuwi si Aling Petra dala ang isang balita.
“Anak, may maganda akong ibabalita sa iyo. ‘Yung isa kong kumare, may kakilala raw na ahensya. Naghahanap ng domestic helper sa Saudi. Pagkakataon mo na ito na makapangibang bansa! Tutulungan ka raw niyang mag-ayos ng papeles. Kaya tara na at kausapin natin siya kung ano ang susunod na gagawin,” bungad ng ina.
“P-pero, ‘nay, mahina talaga ang loob ko. Hindi ko kayang mangibang bansa dahil hindi naman po ako bihasa sa pagsasalita ng Ingles, saka natatakot din po ako,” tugon naman ni Mildred.
“Ang tanga-tanga mo talaga! Ito na nga, lumalapit na sa atin ang grasya, ayaw mo pa! Ito na ang pagkakataon mo para makatulong lalo sa akin. Hindi ba’t sabi mo ay gusto mo akong tulungan. Kung ito talaga ang pangarap mo sa akin ay susunggaban mo ang trabaho at mangingibang bansa ka!” giit ni Petra sa anak.
Kahit tuloy labag sa kalooban ni Mildred ang pag-alis ng bansa ay wala siyang nagawa. Ang tanging nais lang niya ay makatulong sa kaniyang ina.
Matagumpay na nakaalis ng bansa itong si Mildred upang maging isang domestic helper sa isang pamilya sa Saudi. Tulad ng inaasahan ay hindi naging madali para sa dalaga ang makiangkop sa banyagang pamilya.
Isa pa ay hindi rin maganda ang trato sa kaniya ng mga amo. Kaya naman nais niyang kausapin ang ina upang makauwi na siya kaagad.
“Naku, Mildred, wala ka pa ngang isang buwan ay ganyan ka nang magsalita. Hayaan mo at masasanay ka rin. Basta pagbutihin mo ang trabaho. O, ‘yung sinasabi ko sa’yong mga sabon at lotion, ‘yun ang ipadala mo sa akin pag nakasahod ka na, a! Hindi na ako makapaghintay na maranasan ang makatanggap ng balikbayan box!” sambit naman ni Petra.
Kahit makailang ulit na nagsusumbong itong si Mildred sa kaniyang ina sa hindi magandang trato sa kaniya ng mga amo ay hindi siya nito pinapansin. Ang akala kasi ni Aling Petra ay nag-iinarte ang anak dahil nga ayaw nitong magtrabaho sa ibang bansa.
Sabik na sabik na si Aling Petra dahil ilang araw na lamang ay unang sahod na ng kaniyang anak. Tiyak siyang malaki ang ipapadala nito.
“Sinabi ko sa iyo ay hindi mo kikitain dito sa Pilipinas ang laki ng kinikita mo riyan sa Saudi. Pag-inaman mo ang trabaho mo para sa susunod ay mas malaki pa rito ang ipadala mo! ‘Yung balikbayan box ko ay huwag mong kalimutan. Nais kong inggitin ang mga kapitbahay natin lalo na ‘yang si Aling Tansing. Panay ang parinig na marami daw pinadalang gamit ang anak niya!” wika pa ni Petra.
“P-pero, ‘nay, gusto ko na po talagang umuwi d’yan sa atin. Mahirap po ang trabaho ko rito. Madalas pa akong kinakandado ng mga amo ko. Parang awa n’yo na po, payagan n’yo na akong umuwi,” pakiusap ng dalaga.
“Tumigil ka nga, Mildred! Lakasan mo naman ang loob mo. Hindi tayo yayaman sa kaduwagan mo, e. Wala kang mapapala dito sa Pilipinas, sinasabi ko na sa’yo!” binagsakan na ni Petra ng telepono ang kaniyang anak.
Lumipas muli ang ilang linggo at panay ang pagpapaalala ni Petra sa anak para sa kaniyang balikbayan box. Ni hindi man lang niya magawang kumustahin ang kalagayan ng anak.
Isang araw ay nakatanggap ng tawag itong si Aling Petra. May bagahe raw siyang kailangang kunin sa paliparan.
Sabik na sabik itong nagpunta doon upang makipagkita sa mga taong kumausap sa kaniya sa telepono. Ngunit laking pagtataka niya nang isang pulis ang sumalubong sa kaniya.
“A-akala ko ba ay may bagahe akong kailangang kunin? Bakit kailangang eskortan pa ako ng pulis?” tanong ng ginang.
“Sumama na lang po kayo sa akin, ginang. Ihanda po ninyo ang iyong sarili sa inyong makikita,” saad naman ng pulis.
Hindi tuloy alam ni Petra ang kaniyang nararamdaman.
Nang makarating sila sa isang warehouse ay labis na nagulantang itong si Aling Petra sa kaniyang nakita.
“Natagpuan pong wala nang buhay ang anak ninyo. Ang sabi ng mga amo niya ay kinuha raw nito ang sariling buhay dahil sa labis na kalungkutan. Ngunit hindi kumbinsido ang mga awtoridad dahil marami kaming nakitang sugat at pasa sa katawan ng inyong anak. Sa tingin namin ay may kinalaman dito ang kaniyang mga amo. Wala po bang naikukwento sa inyo ang anak n’yo kung pinagmamalupitan po siya doon sa Saudi?” tanong ng pulis.
“M-minsan na niyang sinabi sa akin. Hindi ko naman alam na totoo pala ang sinasabi niya,” lutang na si Aling Petra habang tinatanong ng mga pulis.
Nanginginig ang lahat ng parte ng katawan ni Petra habang pinakatititigan ang walang buhay na katawan ng kaniyang anak. Bigla na lang napatulo ang kaniyang mga luha dahil sa masaklap na sinapit ni Mildred.
“Ako ang naglagay sa’yo kalagayan mong iyan, anak. Kung hindi kita ipinagtulakan na umalis ng bansa ay hindi ito mangyayari sa iyo. Kung nakinig lang sana ako sa iyo ay nailigtas pa sana ang buhay mo. Kasama pa siguro kita ngayon!” patuloy na pagtangis ni Aling Petra.
Sinisisi ni Petra ang kaniyang sarili. Hindi niya akalain na ang balikbayan box na kaniyang matatanggap ay ang mga labi ng sariling anak. Patuloy sa paghingi ng tawad ang ginang sa walang buhay na anak, ngunit kahit anong gawin niyang pagsigaw ay hindi na siya maririnig pa nito.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkasawi ni Mildred dahil mayaman ang pamilya ng amo nito sa Saudi.