Kinaiinisan ng Ginang ang Lalaking Nanghihingi ng Kalakal; Sa Isang Kumalat na Bidyo Niya Makikita ang Tunay na Katauhan Nito
Abalang-abala ang dalagang si Luchie sa paghahanap ng mga dyaryo, bote, karton at iba pang mapapakinabangan. Ibibigay kasi niya ito kay Mang Danny, ang lalaking laging nagpupunta sa kanila upang manghingi ng kalakal.
Naiinis naman ang tiyahing si Gemma dahil sa ginagawang ito ng pamangkin.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na huwag mo nang bibigyan ng kahit anong kalakal ang lalaking ‘yun? Ang laki ng katawan ay walang ginawa kung hindi manghingi. Daig pa niya ang ilang mga matatanda na nagkakalkal ng basura para lang makakita ng mga kalakal!” naiinis na sambit ni Gemma sa pamangkin.
“Tiya, nakakompromiso na po kasi ako kay Mang Danny. Nakiusap lang naman po siya kung mayroon po tayong mga gamit na itatapon na. Tutal naman ay itatapon na rin natin ito’y mainam nang mapakinabangan ng iba,” paliwanag naman ng dalaga.
“Itapon mo doon sa basurahan at hayaan mong siya ang magkalkal. Nasasanay na ‘yang lalaking ‘yan na manghingi lang nang manghingi. Hindi ako natutuwa sa itsura ng lalaking ‘yun, e. Parang hindi mapagkakatiwalaan. Kaya ikaw, Luchie, huwag na huwag mong kakausapin ang lalaking iyon! Hala, ilagay mo na sa basurahan ‘yan at hayaan mong mag-unahan sila kung sino ang kukuha!” saad muli ng ginang.
Upang hindi na mapagalitan ay sinunod ni Luchie ang ipinag-uutos ng kanyang tiyahin. Ilang beses din siyang patanaw-tanaw sa labas ng bahay. Hinihintay niya ang pagdating ni Mang Danny dahil nahihiya siya sa ginoo.
Maya-maya ay dumating ang isang matandang lalaki. Dumeretso ito sa basurahan upang manguha ng kalakal.
“Tingan mo, ‘yang matanda na ‘yan ang dapat mong tinutulungan, Luchie. Hindi ‘yung lalaking iyon! Ang mga katulad niyang matanda ay wala nang lakas para magtrabaho pa. Sila ang tunay na nakakaawa!” saad ng ginang.
Sumigaw si Gemma upang kausapin ang matanda.
“Sige, tatang, kunin mo na ang lahat ng mapapakinabangan mo riyan!” saad pa nito.
Mga bandang hapon na nang makarating si Mang Danny. Kumatok ito sa gate ng bahay ng magtiya. Lumabas naman si Luchie para kausapin ang ginoo.
“Mang Danny, pasensya na po. May nakakuha na pong matanda sa mga kalakal na naipon ko. Sa susunod ko na lang po kayo bibigyan. Pasensya na po ulit,” saad ni Luchie.
“Walang anuman. Ako nga itong nahihiya sa inyo. May dinaanan pa kasi ako kanina, e. Sige, kapag meron ka na lang ulit. Babalik na lang ako,” nakangiting sambit naman ni Mang Danny.
Naghahanap si Luchie ng p’wedeng ibigay sa ginoo upang pampalubag ng loob, ngunit nariyan na ang kaniyang tiyahing si Gemma.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na huwag kang makikipag-usap sa lalaking iyan? Ang tigas rin ng ulo mo, ano?” sambit ni Gemma sa pamangkin.
“Sinabi ko lang naman po, tiya, na nakuha na ng matanda ang kalakal. Sa susunod na lang po siya bumalik,” tugon naman ng dalaga.
“Anong sa susunod bumalik? Hindi na siya babalik dito dahil ayaw kong nakikita ang pagmumukha niyang tamad na ‘yan! Magtrabaho siya ng hindi siya umaasa sa mga kalakal natin! Hindi na siya nahiya!” dagdag pa ni Gemma.
Lumabas ng gate itong si Gemma upang pagsabihan si Mang Danny.
“Sa iba na lang kayo manguha ng kalakal at may matandang kumukuha na rito. Mas nais kong tulungan ang matanda dahil hindi siya pabigat tulad ng ibang taong may kakayahan pa namang magtrabaho ay nasanay na lang sa hingi,” masungit na wika ng ginang kay Mang Danny.
Humingi na lang ng pasensya itong si Mang Danny.
“Hindi n’yo naman po dapat na ginanoon ang ginoo. Mabait naman po siyang nakisuyo sa akin noon,” sambit ni Luchie.
“Tigilan mo ang pakikipag-usap sa lalaking iyon at baka kung ano pa ang gawin niya sa atin. Kapag may nawala rito ay siya ang pagbibintangan ko dahil siya lang naman ang may dahilan para gawan tayo ng masama!” bilin pa ng ginang.
Napapiling na lang itong si Luchie sa sobrang katarayan ng kaniyang TIta Gemma.
Lumipas ang ilang araw at ipinagtatabi pa rin ni Luchie ng mga kalakal si Mang Danny. Itinago na niya ito sa kaniyang tiya nang sa gayon ay kapag nadaan ang ginoo ay saka na lang niya ito iaabot.
Nang makita ng dalaga ang ginoo ay agad niya itong tinawag. Ang hindi alam ni Luchie ay nakita siya ng kaniyang Tita Gemma.
“Ang tigas din naman ng bungo mo at bumalik ka pa rito! Akin na nga ang kalakal na iyan at ibibigay ko sa matandang nagpupunta rito para magkalkal ng basura! Mas nararapat ‘yan sa kaniya dahil tunay siyang kaawa-awa! Ikaw naman, magbanat ka ng buto dahil kaya mo pa namang magtrabaho!” pagtataray muli ni Gemma.
Hindi na sumagot pa si Mang Danny at humingi na lang ito ng tawad.
“Pasensya na rin po kayo sa inasal ng tita ko, Mang Danny. Pasensya na po at nasungitan kayo dahil sa akin. Nais ko lang naman po kayong tulungan.”
“Huwag mo nang alalahanin iyon, miss. Sumunod ka na lang sa tiyahin mo. Marami pa naman akong nakukunan ng kalakal. Pasensya na rin sa abala,” wika muli ni Mang Danny.
Araw-araw na dumadaan si Mang Danny sa eskinita malapit sa bahay nila Aling Gemma at Luchie.
Sa tuwing nakikita pa rin ng ginang ang lalaki ay iniismidan niya ito. Pinapamukha pa ng ginang ang pagbibigay nito ng kalakal sa matandang lalaki.
Ilang buwan ang lumipas at patuloy si Gemma sa pagtulong sa matanda.
Isang araw ay nakita niya ito malapit sa palengke. May hawak na yosi at nakikipaglaro lang ng cara y cruz sa mga tambay doon. Labis siyang nadismaya. Buong akala niya ay tama ang pagtulong na kaniyang ginawa.
Pag-uwi sa bahay ay mainit ang ulo nitong si Gemma. Inis na inis siya sa panlolokong ginawa ng matanda.
Napansin niyang abalang-abala naman si Luchie sa pinapanood sa selpon nito.
“A-ano na naman ‘yang ginagawa mo, Luchie? Tulungan mo nga ako rito sa mga pinamili ko. Natatandaan mo ba ‘yung matandang kumukuha ng kalakal dito? Aba’y nakita ko sa palengke. May hawak na alak at yosi tapos ay nagsusugal pa! Ang tindi rin! Matanda na ay sinungaling pa! Kaya wala akong tiwala sa mga pulubi na ‘yan, e!” sambit ni Gemma.
“Alam mo, tiya, dapat talaga ay si Mang Danny na lang po ang tinulungan natin. Heto po at napanood ko siya sa ilang bidyo dito sa social media. Hinangaan po ng lahat ang kaniyang ginawa. Kaya naman po pala siya panay hingi sa mga kabahayan ng mga kalakal ay dahil may pinaglalaanan siya. Kargador po sa palengke itong si Mang Danny. Nag-iipon po pala siya ng pera pambili ng regalo sa mga bata sa lansangan. Tuwing Pasko po kasi ay nagbibihis Santa Claus ang ginoo upang magbigay ng regalo sa mga batang ito,” pahayag pa ni Luchie.
Labis na nagsisisi itong si Gemma sa ginawa niya sa mabait na ginoo. Hindi niya lubusang akalain na may pinaglalaanan pala itong mabuting gawain kaya panay ang hingi ng mga kalakal.
“Hindi talaga natin dapat hinuhusgahan ang kapwa natin, tiya. Hindi natin dapat talaga tinitingnan ang estado ng buhay o panlabas na anyo kapag tayo ay tutulong. Sino ang mag-aakala na mabuti pala ang hangarin ni Mang Danny,” saad muli ng pamangkin.
Nang makita ni Gemma si Mang Danny ay agad itong humingi ng tawad.
“Taon-taon ko na po kasing naging panata ang magbigay sa mga mahihirap na bata sa lansangan. Hindi ko naman ito maisasakatuparan sa kakarampot kong sinasahod sa pagiging kargador sa palengke. Nais ko po kasi silang bigyan ng kaunti man lamang na kaligayahan nang makalimot kahit paano sa mahirap na buhay na kanilang pinagdadaanan. Alam ko kung gaano kahirap sa kalsada dahil doon po ako lumaki. Nauunawaan ko po kayo. Hindi ko rin naman po kasi sinabi ang tunay kong hangarin kaya ako nag-iipon ng mga kalakal. Wala na po ‘yon sa akin, ginang. Ayos lang po sa akin,” saad ni Mang Danny.
Mula noon ay sinamahan na ni Gemma ang pamangkin sa pag-iipon ng mga kalakal para kay Mang Danny. Nag-aabot din ng pera si Gemma upang makadagdag sa itutulong ng ginoo sa mga batang lansangan.
Masaya si Gemma sa kaniyang ginagawa dahil ngayon ay tiyak siyang nakararating sa tama ang kaniyang mga itinutulong.