Inday TrendingInday Trending
Pinagtulakan ng Dalaga ang Pinsan sa Manliligaw na Construction Worker; Hindi Niya Akalaing Bandang Huli’y Pagsisishan Niya Ito

Pinagtulakan ng Dalaga ang Pinsan sa Manliligaw na Construction Worker; Hindi Niya Akalaing Bandang Huli’y Pagsisishan Niya Ito

Parehong nagtatrabaho sa karinderya ng kanilang tiyahin ang magpinsang Rhea at Danica. Kahit na bata pa lamang ay magkasama na ay iba pa rin ang turingan ng dalawa. Malaki ang itinatagong inggit nitong si Rhea kay Danica. Kahit na pinipilit ni Danica na pakisamahan si Rhea ay todo ang paglayo ng dalaga.

Para kay Danica kasi ay dapat sila ang maging matalik na magkaibigan dahil lagi silang magkasama at magkadugo sila.

Isang araw ay dumalaw ang manliligaw ni Rhea na si Ambo, isang construction worker na madalas kumain sa karinderya.

“Rhea, hinahanap ka ni Ambo. Sa tingin ko ay may ibibigay siya sa iyo,”sambit ni Danica sa kaniyang pinsan.

“Sabihin mo sa kaniya ay abala ako sa pagtatrabaho! Wala akong panahon sa kaniya!” sambit naman ni Rhea.

“Kanina pa kasi siya naghihintay sa iyo. Kawawa naman kung papaalisin ko lang. Baka p’wedeng ikaw na lang ang kumuha ng bayad niya nang sa gayon ay makita ka niya,” dagdag pa ni Danica.

“Ano ba ang hindi mo maintindihan sa mga sinasabi ko, Danica? Ayaw ko nga siyang harapin, ‘di ba? Kung naaawa ka ay ikaw na lang ang magpaligaw sa kaniya! Hindi siya ang tipo kong lalaki!” naiinis na wika muli ni Rhea.

Maya-maya ay dumating ang isa pang kostumer na si Leo, isang supervisor sa isang grocery store.

“Ganiyan ang tipo ng lalaking gusto ko. May kinabukasan ako! Sabihin mo d’yan kay Ambo na bumalik na lang siya dito kapag may ipagmamalaki na siya! Ano ang kakahinatnan ko sa isang construction worker lang?!” saad pa ni Rhea.

Dali-daling pinuntahan ni Rhea si Leo upang kaniyang pagsilbihan. Malaki ang ngiti ng dalaga habang nagpapa-cute sa binata.

Samantala, nagtungo naman si Danica upang kausapin ang naghihintay na manliligaw ng pinsan.

“Abala kasi si Rhea, Ambo, siguro ay sa susunod ka na lang magpunta dito,” saad ng dalaga.

“Sa tingin ko nga ay abala siya. Palagi na lang ‘yang si Leo ang inaasikaso niya. Hindi man lang niya ako bigyan ng pagkakataon,” nanlulumong umalis si Ambo sa karinderya. Inabot na lang niya kay Danica ang bulaklak na nais sana niyang ibigay kay Rhea.

Kinaubukasan ay muling nagbalik si Ambo para makausap si Rhea, ngunit abala itong muli kay Leo.

Kaya hindi na nakapagpigil pa ang binata at hinarap niya ang dalaga.

“Rhea, ilang araw na kasi akong bumabalik dito pero ang sabi mo ay abala ka. Pero lagi lang naman kitang nakikitang kausap mo itong si Leo. Baka naman p’wedeng bigyan mo naman ako ng pagkakataon. Kapag nakilala mo ako ay tiyak akong may ibubuga rin naman ako,” saad ni Ambo sa dalaga.

“Hindi ko nga maintindihan sa iyo kung bakit balik ka pa nang balik dito? Hindi mo ba mahalata na ayaw ko sa iyo? Hindi ako basta nagpapaligaw sa isang kagaya mo. Mataas ang pangarap ko, Ambo, masasayang lang ang ganda ko sa isang katulad mong construction worker. Kung ako sa iyo ay tantanan mo na ang babaeng katulad ko dahil wala kang aasahan sa akin!” sambit naman ni Rhea.

Napahiya itong si Ambo dahil sa ginawa ni Rhea. Sa pag-alis ng binata sa karinderya ay agad siyang hinabol naman ni Danica.

“Pasensya ka na sa mga ginawa ng pinsan ko. Ako na ang humihingi ng tawad para sa kaniya. Sana ay huwag kang mawalan ng kompyansa sa sarili mo. Walang masama sa pagiging isang construction worker,” pang-aalo ni Danica kay Ambo.

“Mabuti ka pa, ang bait mo. Hindi katulad ng pinsan mo. Maganda nga pero mapangmata ng tao,” saad naman ng binata.

Ilang araw ring hindi nagpakita itong si Ambo sa karinderya. Pagbalik nito ay may dala itong bulaklak at tsokolate. Nang makita ito ni Rhea ay agad siyang sinigawan.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ikaw ang gusto ko?! Lumayas ka rito at wala kang mapapala sa akin! Dalhin mo na ‘yang mga regalo mo!” sambit ng dalaga.

“Hindi naman ikaw ang pinunta ko rito kung hindi si Danica. Para sa kaniya ang lahat ng ito,” saad naman ng binata.

Bahagyang napahiya si Rhea pero ayos na rin ito sa kaniya para tantanan na siya ni Ambo. Nais na rin kasi niyang sagutin ang binatang si Leo.

Napadalas ang pagpunta ni Ambo sa karinderya. Madalas din niyang tinutulungan ang dalaga. Nahihiya man si Danica ay pinaunlakan na rin niya ang panliligaw ng binata.

“Kung ako sa iyo ay sasagutin ko na ‘yang si Ambo. Tutal bagay naman kayo. Ako, bagay talaga ako kay Leo! Ang sarap sabihin na ang nobyo ko ay isang supervisor sa isang malaking grocery store,” pagmamayabang pa ni Rhea.

“Sa totoo lang ay gusto ko rin naman si Ambo. Mabuti siyang lalaki at nirerespeto niya ako,” saad naman ni Danica.

“Bagay na bagay ka talaga sa kaniya. Ni hindi ka man lang nag-iisip. Ewan ko sa iyo, Danica. Ang bilis bilugin ng ulo mo! Sana ay maging maayos ang buhay mo sa kaniya,” natatawang saad pa ng pinsan.

Tuluyan nang sinagot ni Danica itong si Ambo. Maging si Rhea at sinagot na itong si Leo. Madalas pasakitan ni Rhea ang pinsan dahil nga construction worker lang ang nobyo nito.

Isang araw ay napansin ni Rhea na bihis na bihis itong si Danica.

“At saan naman ang tungo mo, aber? May date kayo ng mahirap mong nobyo?” kantiyaw ni Rhea.

“Oo, may lakad kami. Ngayon kasi ang oath taking ni Ambo. Nakapasa siya bilang isang arkitekto. Nakakatuwa nga dahil sa wakas ay matutupad na ang pangarap niya!” tugon naman ni Danica.

“A-arkitekto? Si Ambo ay isang arkitekto? Hindi ba’t isa lang siyang construction worker d’yan sa ginagawang gusali?” pagtataka ni Rhea.

“Umeekstra siya sa pagko-construction worker habang hinihintay ang resulta noon ng eksam. Tutal ganitong larangan din naman siya mapupunta. Marami raw siyang natutunan lalo sa pagtatrabaho niya sa site. Ito na siguro ang dahilan kaya lalo siyang nadalian sa pagsusulit,” paliwanag pa ng pinsan.

Hindi makapaniwala itong si Rhea.

Sinundo ni Ambo itong si Danica gamit ang sasakyan ng kaniyang ama. May kaya pala talaga ang binata.

“Sinadya ko talaga na magpakilala bilang isang construction worker dahil iyon naman talaga ang trabaho ko noon. Mabuti na lang ay nakilala ko ang tunay mong ugali, Rhea. Salamat at pinahiya mo ako dahil nagbigay ito ng daan para makilala ko nang lubos ang pinsan mong si Danica,” saad naman ni Ambo.

Nakaramdam ng sobrang panghihinayang itong si Rhea. Hindi niya akalain na may sinabi rin pala sa buhay itong si Ambo – higit pa sa pinili niyang binata.

Pinanood na lang ni Rhea sina Danica at Ambo na paunlarin ang kanilang pagmamahalan. Tuluyan na ngang naging arkitekto itong si Ambo. Inaya na rin ng binata na magpakasal ang kaniyang nobya, at hindi naman tumanggi si Danica.

Ngayon ay maganda na ang buhay ni Danica kasama ang kaniyang arkitektong mister.

Samantalang si Rhea naman ay hiniwalayan din ni Leo dahil may nakita itong mas maganda sa kaniya.

Tunay ngang hindi nakikita sa katayuan sa buhay ang tunay na pagmamahal.

Advertisement