Kinagiliwan ng Mayamang Ginang ang Kaawa-Awang Mag-Ina; May Madilim na Katotohanan Pala Itong Itinatago
Hindi mababanaag sa mukha ng mag-inang Soledad at Camille ang hirap ng buhay sa lansangan. Habang itinutulak kasi ng ginang ang batang anak na sakay ng luma at sira-sirang wheelchair ay patuloy pa rin ang kanilang kwentuhan at tawanan. Mahahalata mo sa kanila na tunay silang malapit sa isa’t isa.
Pangunguha ng kalakal ang ikinabubuhay ng mag-ina. Maaga pa lang ay ginagalugad na nila ang bawat basurahan sa bawat eskinita na kanilang madadaanan. Pagkatapos ay dadalhin nila ang mga nakuhang kalakal sa junkshop at doon pa lang sila makakakain.
Gipit man sa buhay ay kaya pa ring maging masaya nina Soledad at Camille basta sila ay magkasama.
Ito naman ang pumukaw sa damdamin ng mayamang ginang na si Thelma. Nakahinto ang sinasakyan niyang kotse dahil sa trapiko nang makita niya ang mag-ina na masayang magkasama. Hindi tuloy naiwasan ni Thelma na bumaba ng sasakyan upang kausapin ang mag-ina.
“Ale, ako nga pala si Thelma. Kabilang ako sa isang malaking grupo ng mga pilantropo. Napansin ko kasi na luma na at sira-sira na ang wheelchair na ginagamit ng anak mo. Maaari ko siyang bigyan ng bago. Sa katunayan ay may programa kami ngayon na nagbibigay ng mga bagong wheelchair sa mga batang tulad ng anak mo. Nagbibigay rin kami ng tulong para sa kanilang mga magulang upang makapagsimula ng kahit na maliit na negosyo,” pahayag pa ng ginang.
“N-negosyo? P-pagkakakitaan? B-bagong wheelchair?” hindi makapaniwala si Soledad sa kaniyang mga narinig.
“Opo, kailangan ko lang kunin ang address kung saan kayo nakatira. Doon ko dadalhin ang wheelchair at iba bang tulong ng programa ng aming samahan. Matagal na ba na nasa ganyang kalagayan ang iyong anak? Kailan pa siya hindi nakakalakad?” saad muli ni Thelma.
“Oho, matagal na. Mula nang isilang ko siya ay hindi na siya nakakalakad. Sa totoo lang, ginang, wala talaga kaming matirahan. Palipat-lipat po kami ng tinutulugan. Kung inyong mamarapatin ay magkita na lang po tayo sa lugar na ito muli. Doon po sa may parke. Madalas kasi kami ng anak ko rito,” tugon naman ni Soledad.
Mas naawa lalo si Thelma sa kalagayan ng mag-ina.
“Ayos lang po, ginang. Nauunawaan ko. Pasensya na at hindi ko kasi alam na wala pala kayong tinitirhan. Sa totoo lang ay lalo ninyo ako pinahanga. Hindi ko kasi maiwasan kanina na pagmasdan kayong dalawa. Kahit na mahirap ang buhay at may iniindang karamdaman ang batang ito ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa inyong mga mukha. Nakakatuwa lang talaga kayong pagmasdan. Punong-puno kayo ng pag-asa. O siya, sige, magkita na lang tayo rito muli sa isang araw. Dadalhin ko na ang bagong wheelchair,” muling sambit pa ng mayamang ginang.
Pag-alis ni Thelma ay hindi pa rin makapaniwala itong si Soledad sa mga nangyari.
“Narinig mo iyon, anak? Bibigyan daw nila tayo ng kabuhayan at ng bagong wheelchair! Sa wakas ay maaari nang magbago ang buhay natin!” masayang sambit ni Soledad sa anak.
“Opo, narinig ko nga po, ‘nay. P-pero ang hindi ko po maunawaan ay kung bakit hindi po ninyo sinabi sa ginang na iyon ang katotohanang wala po akong karamdaman? Bakit hindi po ninyo sinabi na napulot lang po natin ang sirang wheelchair na ito at ginagamit ko lang ito dahil napapagod ako sa paglalakad madalas? Hindi po ba ay sinabi n’yo po sa akin na masama ang magsinungaling?” wika ni Camille sa ina.
“A-anak, ginawa ko lang iyon dahil nanghihinayang ako sa makukuha natin. Magbibigay lang din naman sila ng tulong ay tatanggapin ko na. Hindi ko naman makukuha ang kabuhayan kung hindi ko sasabihing may sakit ka at hindi nakakalakad. Patawarin mo na ako, anak, pero sa pagkakataon na ito ay kailangan ko nang sunggaban ang lumalapit na grasya. Para sa iyo rin naman ito, Camille,” pahayag pa ng ina.
Pilit na kinumbinsi ni Soledad ang anak na sakyan na lang ang kaniyang mga sinasabi. Wala namang nagawa ang batang si Camille kung hindi sumunod sa kaniyang ina.
Makalipas ang ilang araw ay muling nakipagkita ang mag-ina kay Thelma sa parke. Dito na ibinigay ng mayamang ginang ang bagong wheelchair para kay Camille at tulong pinansyal para naman kay Soledad.
“Maraming salamat po sa lahat ng ito. Ngayon ay mapapasuri ko na po ang anak ko. Umaasa ako na isang araw ay makakalakad siyang muli,” saad pa ni Soledad.
Napayuko na lang si Camille sa arte ng kaniyang ina.
Masayang masaya si Soledad nang araw na iyon sapagkat ngayon lamang kasi siya nakahawak ng sampung libong piso.
“Ang sabi ni Ginang Thelma ay ikinuwento daw niya ang istorya natin sa ibang kasamahan niya. Ang iba raw ay nais tayong tulungan na makakuha ng malilipatang bahay. Sa wakas ay p’wede na nating iwan ang bahay natin sa may estero!” maligayang wika ng ginang.
Ngunit napansin nito na hindi masaya ang kaniyang anak.
“Hindi ka ba masaya na makakakain na tayo ngayon ng masarap? May pag-asa na rin na tumira tayo sa magandang bahay!” dagdag pa nitong muli.
“‘Nay, hindi po ba panloloko ang ginagawa natin? Wala naman po akong sakit. Bakit hindi na lang natin sabihin po sa kanila ang totoo?” wika naman ni Camille.
“Sasabihin din naman natin sa kanila ang totoo, anak. Bigyan mo lang ako ng oras. Sa ngayon ay damhin muna natin ang mga biyayang tinatamasa natin!”
Nagkatotoo nga ang sinabi ni Thelma sa mag-ina dahil ilang linggo lang ang nakalipas at nagawan nga niya at ng mga kaibigan na mabilhan ng bagong matitirahan ang mga ito.
“Hindi man ito kalakihan ay matatawag niyo na itong tahanan. Dito ay ligtas na kayong mag-ina. Hindi na rin kayo mag-aalala kung uulan o may bagyo,” saad pa ni Thelma.
Walang mapaglagyan ng tuwa itong si Soledad nang makita ang bagong lilipatang bahay.
Masaya rin naman si Camille dahil sa wakas ay natupad na ang isa sa kaniyang mga pangarap. Ngunit hindi nito nais ang pagpapanggap na kaniyang ginagawa.
Kaya kinausap ni Camille ang ina upang umamin na.
“Tiyak naman ako ay hindi babawiin ang bahay na ito, ‘nay. Aminin na po natin sa kanila ang totoo bago pa sila ang makaalam. Baka akalain po nila ay sinadya natin silang lokohin,” saad pa ni Camille sa ina.
“Walang aamin, Camille, kapag sinabi kong walang aamin! Lahat ng ito ay mananatiling lihim sa pagitan nating dalawa? Hindi ka ba masaya? Wala na tayo sa lansangan ngayon! Iba na ang buhay natin! Huwag mong sirain ang mga plano ko! Kung kinakailangan kitang lumpuhin talaga ay gagawin ko huwag lang tayong bumalik sa kalye!” mariing sambit naman ni Soledad.
Umiiyak si Camille sa mga sandaling iyon. Malaki na kasi ang pinagbago ng kaniyang ina. Parang hindi na niya ito kilala.
Nagpatuloy ang pagdagsa ng tulong kina Soledad at Camille. Patuloy rin naman ang pagpapanggap ng mga ito upang marami ang maawa sa kanila at magbigay ng tulong. Sa tuwing umaalma ang bata ay pinagbubuhatan na siya ng kamay ng ina – bagay na noon ay hindi nito kayang gawin sa kaniya.
“Sa susunod na linggo ay may mga kaibigang doktor si Ginang Thelma na pupunta rito at susuriin ka. Alam mo na ang sasabihin at gagawin mo! Ipakita mo sa kanila na hirap ka sa pagtayo at walang laban ‘yang mga binti mo. Kapag pumalpak ka ay sa estero na naman tayo pupulutin!” galit na bilin ni Soledad.
Tinuruan pa ni Soledad ang anak sa mga dapat gawin nito.
Makalipas ang isang linggo ay nariyan na nga si Thelma kasama ang doktor at iba pa niyang mayayamang kaibigan. Malakas naman ang pakiramdam ni Soledad na kapag naawa muli sa kanila ang mga kaibigan ni Thelma ay bibigyan pa sila nito ng karagdagang tulong.
Oras na para suriin ng doktor si Camille. Kompyansa si Soledad na gagawin ng anak ang kanilang pinag-usapan. Ilang beses din kasi nila itong inensayo.
Ngunit nang patayuin ng mga doktor itong si Camille ay laking gulat ng ginang sa ginawa ng anak.
“Nakakatayo at nakakalakad ka? P-paano ito nangyari?” gulat na sambit ni Thelma.
“B-baka isa itong mirakulo! Isa itong himala na bigay ng Diyos!” saad naman ni Soledad.
“‘Nay, huwag na po kayong umarte pa riyan. Bakit hindi n’yo na lang po aminin sa kanila ang totoo? Aminin n’yo nang hindi ako pilay at nakakalakad talaga ako!” wika naman ni Camille.
“P-paanong nangyari iyon? Hindi ba’t nakita kitang sakay ng isang lumang wheelchair?” tanong muli ng mayamang ginang.
“Napulot lang po namin iyon ng nanay ko sa basurahan. Dahil nga po madalas akong mapagod sa paglalakad namin sa paghahanap ng kalakal, minabuti po ni nanay na kunin ang wheelchair at ipagamit sa akin. Pero nakakalakad po ako talaga. Wala po akong sakit,” pa-amin pa ng bata.
Nadismaya si Thelma at ang mga kaibigan niya dahil sa ginawang panloloko ni Soledad. Pinagsamantalahan ng ginang ang mabubuting puso ng mayayamang taong ito para sa sarili niyang kapakanan.
“Patawarin n’yo ako! Nagawa ko lang naman ang lahat nang ito dahil ayaw kong tumira kami ng anak ko sa lansangan. Saka nais ko lang namang bigyan ng magandang buhay itong si Camille,” pahayag ni Soledad.
Ngunit hindi na kumbinsido si Thelma at kaniyang mga kaibigan sa sinasabing ito ni Soledad lalo na nang malaman nilang sinasaktan ng ginang ang anak dahil sa pagtutol nito sa kanilang pagpapanggap.
Minabuti ni Thelma at ng kaniyang mga kaibigan na kasuhan itong si Soledad sa pagmamaltrato nito sa kaniyang anak. Ngunit ipinagtanggol ng bata ang kaniyang ina.
“Bawiin n’yo na lang po ang lahat ng ito, tutal ang lahat naman po ng mga ito ang nagpabago sa nanay ko. Noon po, mahirap lang kami at naghahanap ng kalakal sa lansangan. Kahit kumakalam ang sikmura namin ay malapit pa rin kami sa isa’t isa ng nanay ko. Baka kung sakaling tatanggalin ninyo ang bahay at kabuhayan na binigay ninyo sa amin ay baka bumalik ang dati naming samahan ni nanay. Mas nanaisin ko pang maghirap sa lansangan basta masaya kami ng nanay ko,” umiiyak na wika ni Camille.
Dahil sa sinabing ito ng bata ay hindi na itinuloy ng mga ginang ang kanilang reklamo kay Soledad. Hindi na rin nila binawi pa ang mga ibinigay nilang tulong nang sa gayon ay may maging maayos na buhay naman itong si Camille.
Sising-sisi naman si Soledad sa kaniyang mga nagawa. Labis din ang paghingi niya ng kapatawaran sa kaniyang anak dahil sa pagmamalupit na kaniyang ginawa.
Napagtanto na ni Soledad ang lahat ng kaniyang kamalian. Nagpapasalamat siya kay Camille sa pagtatanggol at pagmamahal nito.
Sa huli, muling nanumbalik ang maganda at masayang pagsasamahan ng mag-ina.